Mga korap sa Bureau of Custom ‘hinahamon’ si Comm. Jagger

November 29, 2018

“WE shall not return!”

Ito ang “mensahe” na gustong ipaabot ng grupo ng militar na “binitbit” ni ex-AFP chief, Jessie Dellosa sa Aduana noong 2013, nang maitalaga siyang ‘deputy commissioner for intelligence’ -- matapos tanggihan ang puwestong Customs commissioner.

At inilalathala natin ito, dear readers, dahil ayon sa sumbong ng mga miron, patuloy pa rin kasi silang “ginigiba” ng mga dati rin nilang kasamahan sa serbisyo at kahit ng iba pang mga opisyales sa Aduana -- na pulos bistado namang mga korap at nagpayaman lang sa puwesto.

May dahilan naman kung bakit kahit higit tatlong taon nang wala sa BoC si Gen. Jessie, “matindi” pa rin ang galit ng mga ipokritong ito sa kanyang mga pinagtiwalaang tauhan, partikular na si Major JC Cabading.

At simple lang ang dahilan, Comm. Jagger kung bakit kahit hanggang ngayon, “nilalason” ng mga hindoropot na ‘yan ang isipan mo na magalit ka rin kina Major JC.

Sa panahon kasi ni DCI Jessie at sa ginawang “CI” (counter-intelligence) nina Major Cabading, nabuking ang lawak at lalim ng kani-kanilang mga katiwalian na nauwi sa utos ni Gen. Jessie na walisin silang lahat sa IG at “ipadyaryo” pa ang kanilang mga pagmumukha (sa Phil. Daily Inquirer) upang mabatid ng publiko na ‘blacklisted’ na silang lahat dahil sa “nag-iisa” nilang mga katangian -- korap silang lahat.

At bilang “dakilang miron” noon sa tanggapan ni Gen. Jessie sa IG, “saksi” tayo, dear readers, kung paano “tinuldukan” nitong ating iginagalang na AFP chief ang kanilang mga kawalanghiyaan.

Translation? “Nagutom” sila sa termino ni Gen. Jessie, sampu ng kanilang mga kasabwat, hindi lang sa hanay ng mga smuggler bagkus, kahit ang kanilang mga kauring korap sa iba pang ahensiya ng gobyerno hanggang sa Palasyo at sa Kongreso.

Kaya, dapat pa bang magtaka si Gen. Jagger kung bakit walang paborableng komento siyang naririnig dito kay Major JC at sa iba pang mga ‘identified’ kay Gen. Jessie?

Bagaman bihira na kaming magkausap ni Major JC, “magkaibigan” pa rin ang turing namin sa isa’t isa.

Dangan kasi, Comm. Jagger, “tinyente” pa lang si Maj. JC sa serbisyo ay magkakilala na kami nang ‘ma-assign’ siya sa ‘CMO’ (civil military operations) ng 202nd ‘Unifier Brigade,’ hanggang mapalipat siya sa 2nd ID HQ sa Tanay at naging bahagi ng ‘staff’ ni Gen. Jessie nang maupo naman ito bilang division commander, hanggang maging AFP chief.

At marahil pa, kaya naman hanggang ngayon ay patuloy pa rin siyang sinisiraan nitong mga kahihiyan sa serbisyo at uniporme ng militar ay dahil inaakala nilang isa si Major JC sa mga sundalo na “babalik” sa Aduana sa bisa ng ‘MOA’ ng AFP at BoC?

Eh, tigilan na ninyo yan, mga bosing, hane? I can assure you, they shall not return!

Para naman kay Comm. Jagger, harinawang huwag niyang paniwalaan ang mga “sumbong” at “bulong” sa kanya nitong mga kumag na ito na walang tanging hangad kundi “iligaw” ang kanyang atensyon sa tunay nilang pakay: ang muling maging mga “mandarambong” sa kaban ng Aduana, sigurado ‘yan!

If Comm. Jagger would have the mistake of trusting these people again, I am boldly predicting it would end with him ruined -- and in grief.

At dahil Aduana na rin lang ang ating pinag-uusapan, Sen. Richard ‘You-Know-Me’ Gordon, gustong “magpasalamat” sa iyo nitong si alias ‘JT’ dahil “makakapagpahinga” na raw siya, hehehe!

Sino naman si JT, tanong mo ba, ex-BoC Commissioner, Sid Lapeña?

Eh, sino pa kundi itong ‘bagman’ ni Jimmy Guban na siyang “taga-kolekta” ng tara ng kanyang grupo sa hanay ng lahat ng ‘customs player’ sa napakahabang panahon subalit “suwerte” namang “nakaligtas” sa ‘radar’ ni Sen. Dick at ng kanyang Blue Ribbon Committee kaya hindi naipatawag sa mga naging pagdinig ng Senado, hehehe!

Una, “nagpapasalamat” si alias JT dahil nga hindi siya naipatawag sa Senado at ikalawa, hindi na rin siya “oorbit” kada Biyernes sa mga ‘players’ upang kolektahin ang “para kay Guban,” kaya hindi na siya mapapagod eh, galing pa naman siya sa ‘mild stroke’ kaya muli, ‘thank you very much’ daw, Sen. Dick, yeheyy!!!

Sa ganang atin naman eh, magpagaling ka nang husto, JT! Buhay ka pa, ayy, mabuhay ka, hahaha!

At sa usapang Aduana pa ulit, mga kabayan, tila patuloy na hinahamon ng mga korap si Comm. Jagger, partikular na ‘dyan sa kontrobersiyal na Manila International Container Port (MICP).

“Kontrobersiyal” itong MICP, dear readers dahil lahat ng mga “nakalusot” na shabu, sa termino ni Comm. Nick Faeldon at Comm. Sid Lapeña, ay dito “dumaan.”

At marahil, kung hindi “kakalusin” ni Comm. Jagger at Coll. Fil Mendoza itong mga katulad nitong si alias ‘RS’ (as in, razor sharp), isang “baguhan” na ‘Customs examiner,’ hindi na dapat magtaka kung patuloy na maging notoryus ang MICP hindi lang bilang ‘smuggler’s haven,’ bagkus, ‘a paradise for the corrupt.’

(Sa laki ng problema sa smuggling at korapsyon nang MICP, minsan nang naisip ni ex-Comm. Sid Lapeña na “siya” na muna ang maging district collector dito, ‘in concurrent capacity’ sa kanyang trabaho bilang customs commissioner).

Sa reklamo ng ilang miron, aba’y “payat” ang P15,000 per container ang “tara” na hinihingi nitong isang ito kapalit ng ‘lower value’ sa isang kargamento na talaga namang mababa ang dapat bayarang buwis dahil mga ‘rubber interior’ lang naman sa mga gulong ng sasakyan ang kargamento.

Ipinagyayabang din daw nitong si RS na “malakas” siya sa “bagong administrasyon” at kaya niyang “ipahuli” ang kahit anong shipment na dumadaan sa kanya, wow!

Teka, kaninong “bagong administrasyon” ang sinasabi nitong si RS? Ito bang administrasyon ni Comm. Jagger na wala pang isang buwan sa puwesto?

Gusto rin naman nating maniwala na katulad ni Comm. Jagger, hindi rin papayag si Coll. Mendoza na “hinahamon” siya ng mga korap niyang tauhan.

Pero sa mga katulad nitong si RS at mga “tulisan” dyan sa MICP-XIP, eh, ganun nga po yun, Comm. Jagger at Coll. Mendoza, “hinahamon” talaga kayo, hehehe!

Abangan!