Home>Editorial>Opinion>Mga mandarayang importer ng bigas, hahabulin ng PCAG

Mga mandarayang importer ng bigas, hahabulin ng PCAG

LINGID sa kaalaman ng marami nating kababayan, mahalagang papel ang ginagampanan ng Bureau Customs-Post Clearance Audit Group (PCAG), na pinamumunuan ni Atty. Philip Vincent Maronilla.

Ang PCAG ang siyang tumitingin sa mga record ng lahat ng mga ini-import na bigas.

Ayon sa report, PCAG “aims to check and verify the compliance of importers to customs laws and regulations.

Ang grupong ito ni Atty. Maronilla, ang siyang nagde-determine kung may babayarang deficiency taxes, duties at ibang bayarin, kasama na ang fine at penalty, ng mga importador.

Sa taong ito, 60 rice importers ang isasailalim sa post audit clearance.

Ang lahat ng rice importations ng 60 importers mula Enero hanggang Hunyo 30, 2020 ay bubusisiin ng mga taga-PCAG.

Kamakailan lang ay natapos ng BoC-PCAG ang tinatawag na regular audit ng mga rice importer para sa taong 2019.

Sa nasabing audit ay nakita ang “low level of compliance” sa mga batas.

Ayon sa audit, 85.45 percent ng mga importador ay lumabag sa customs laws at regulations.

Sa totoo lang kailangang magbayad ng P1.417 bilyong deficiency customs duties, penalties, surcharges at interests ang erring importers.

Malaking halaga ito na kailangang makolekta ng BoC.

Nagkaroon daw kasi ng undervaluation, misclassification at understatement ng freight at insurance charges.

Kaya nga tama lang ang ginagawang paghihigpit nina Atty. Maronilla at iba pang tauhan ni BoC Chief Rey Leonardo Guerrero sa mga port of entry.

Maraming gimik ang ginagawa ng mga tiwaling negosyante para lang makapandaya.

Mabuti na lang nandiyan pa rin ang mga matitino at masisipag na men and women in BoC uniform.

Iilan lang naman ang mga bugok diyan sa aduana.

Kaya nga lang kahit kaunti ang mga bugok, matitindi naman silang magpahirap sa mga maliliit na importers at brokers.

Sana lalo pang higpitan ng BoC ang pagpasok ng mga imported na bigas.

Siguruhing tama ang mga ibinabayad na buwis para makinabang naman ang mga naghihirap na nagtatanim ng palay.

May parte kasi ang mga magsasaka sa makokolektang buwis sa ilalim ng Rice Tariffication Law.

***

Mabuti na lang at alerto ang mga opisyal at tauhan ng Port of Subic sa Zambales.

Kung hindi ay baka nakalusot ang mga basurang galing sa Estados Unidos.

Ang mga basura ay nakalagay sa dalawang container van na idineklarang naglalaman ng “American old corrugated cartons for repulping.

Ang dalawang containers ay kasama sa tatlumpong alerted vans na naka-consigned sa Bataan 2020 Inc.

Nakita ng mga examiner na naglalaman ang dalawang containers ng “prohibited waste materials.

Ang mga basura ay na-intercept ng mga taga-Customs Intelligence and Investigation Service (CIIS), Enforcement and Security Sercvice (ESS) at Assessment Division ng Port of Subic.

Nagkaroon din ng close coordination ang Port of Subic sa Department of Environment and Natural Resources.

Ang shipment ay na-intercept ng mga taga-customs “while exiting the Subic Bay International Terminal Corporation” noong Oktubre 21.

Sa mga taga-Port of Subic, sa pangunguna ni District Collector Maritess Martin, sana tuloy-tuloy ang magandang performance niyo.

Kudos sa inyong lahat!

(Para sa inyong komento at suhestiyon, tumawag o mag-text sa #0921-4765430/email:vicreyesjr08@yahoo.com. Ilagay lang ang buong pangalan at tirahan.

Publication Source :    People's Tonight