Mga natulungan ng Malasakit Center, dismayado kay Lagman!

MARAMING kababayan natin ang ‘nagagalit’ ngayon kay Albay Rep. Edcel Lagman.

Hindi raw dapat nito binabaligtad ang tunay na isyu hinggil sa ‘Malasakit Center’ na brainchild ni Senador Bong Go.

Anila, walang karapatan si Lagman na palabasing masama ang Malasakit Center dahil libu-liboing kababayan natin ang natutulungan nito.

Ang Malasakit Center ay One stop shop kung saan nandun lahat ng ahensya ng gobyerno na tutugon sa pangangailangan ng ating nga kababayan, tulad ng PhilHealth, SSS, DSWD, DoH, PCSO at Pagcor.

Karamihan sa mga natulungan ng Malasakit Center ay nagpahayag ng pagkadismaya kay Lagman dahil sa halip magbigay ng kontribusyon at magdagdag ng kaalaman upang higit na mapalago’t maparami ito ay pilit pa itong sinisiraan.

Nauna nang sinagot ni Go ang bintang ni Lagman na ginagamit sa pulitika ang kanyang programa.

Ayon kay Sen. Go, inggit lamang ang kritiko ng Administrasyon dahil sa magandang programa ng ating Pangulong Duterte.

Aniya, pinagaan at pinabilis ang serbisyo ng gobyerno para sa mga kapus-palad na nangangailangan ng medical atensiyon dahil nagsama-sama ang mga ahensiya ng pamahalaan sa iisang lugar.

Sinabi ng Senador, papaano masasabing ginagamit sa pamumulitika ang Malasakit Center gayung tapos na ang election at ang lahat ay maaaring humingi ng tulong ano man ang kanilang political colors.

Dagdag pa ni Go, basta nangangailangan ang isang kapus-palad na kababayan ay tutulungan sa Malasakit Center, hindi na kailangan ng ID at referral letter mula sa isang pulitiko.

Base sa rekord, mula nang maitatag ang mga Malasakit Center ay mahigit sa kalahating milyon na ang natulungan at walang tinanggihan ang mga ito.

Itinatag ang Malasakit Center noong 2017 nina Pangulong Duterte at dating Special Assistant to the President Secretary na ngayon ay Senador Bong Go para makatulong sa pagpapagamot sa mga mahihirap na Pilipino.

Tila nag-uulyanin na umano si Rep. Lagman matapos nitong batikusin ang mga Malasakit Center at plano nitong paimbestigahan.

Bukas naman si Sen. Go sa panukala ni Lagman na imbestigahan ng Kamara ang mga Malasakit Center.