Mga nurse sa Pinas ubos na

October 01, 2019

MAGPAPATULOY ang mga walang saysay na patayan sa hazing ng Philippine Military Academy kapag hindi napaparusahan ang mga nasa likod nito.

Ilang kadete na ng PMA ang namatay sa hazing bago pa nasawi ang pinakahuling biktima na si Darwin Dormitorio pero hanggang ngayon ay wala pang napapanagot sa mga nasabing krimen.

Marahil, dahil ito sa kawalan ng pagpupursige ng PMA na maalis ang sistema ng hazing. Posible rin na may kinalaman dito ang katahimikan ng military officers na nagmula sa primyadong military school.

Higit sa lahat, malamang na walang nakukuhang sapat na tulong ang mga pamilya ng biktima sa gobyerno upang habulin ang mga may sala gayung tungkulin nito ang magpatupad ng hustisya.

Gusto nating sabihin na ang hazing ay pinahihintulutan ng mga ‘kataas-taasan’ ngunit wala tayong basehan dahil tikom ang bibig ng mga may nalalaman. Pero lahat ng maitim na lihim ay may katapusan.

Nakasalalay ang katotohanan at katarungan sa katatagan ng mga pamilya ng biktima,  paninindigan ng nasa kapangyarihan, at suporta ng taumbayan.

**

Napadpad kamakailan ang inyong lingkod sa Asian Medical Center at nagulat sa dami ng pasyente na walang makuhang silid.

Nagkalat tuloy ang mga may sakit sa mga pasilyo ng Emergency section ng sikat na pagamutan.

Paliwanag ng mga doctor at empleyado, tumaas ang bilang ng mga pasyente simula nuong Hulyo.

Pero mas nakakagulat ang kwento na may mga bakante palang kwarto ngunit walang mga nurse na pwedeng ikutan ang mga ito. Ibig sabihin, may kakulangan sa bilang ng mga nurse.

Ganito rin marahil ang lagay sa iba pang pagamutan. Napag-alaman na puno rin ang Makati Medical Center at karamihan sa mga bagong pasyente ay nananatili sa Emergency Room.
Nagkukulang din kaya sa nurse ang Makati Med?

‘Factory’ ng mga nurse ang Pilipinas pero salat sa kanila ang ating mga pagamutan. Ito ay dahil nasa ibang bansa na ang ating mga nurse.

Dahil sa baba ng sweldo sa Pilipinas, ginugusto ng ating mga nurse na magtrabaho sa ibang bansa kung saan natutupad nila ang kanilang mga pangarap.

Samantala, walang saysay ang pagpapagawa ng mga bagong ospital sa bansa kung walang mga nurse na mag-aalaga sa mga pasyente.

Dapat itong pagtuunan ng pansin ng gobyerno.

**

For comments, please call or text 09569012811 or email lastmohican2004@yahoo.com