Mga opisyal na walang paninindigang pulitikal

December 04, 2018

KAHIT siguro magkaroon pa ng sampung-Bong Nebrija ang Metropolitan Manila Development Authority (MMDA) kung wala namang kooperasyon ang mga opisyal ng lokal na pamahalaan at barangay, hindi luluwag ang daloy ng trapiko sa Kamaynilaan.

Hindi naman siguro matatawaran ang pagsisikap ng MMDA sa paggawa nila ng hakbang upang maibsan ang masikip na daloy ng trapiko pero dahil walang kooperasyon at paninindigang pulitikal ang ilang local government units (LGUs), partikular ang mga opisyal ng barangay, nawawalan ng saysay ang clearing operation ng ahensiya.

Dito nga lang sa kahabaan ng Quiricada Street sa Sta. Cruz, Manila, ibinuhos ng MMDA noong nakaraang linggo ang kanilang puwersa sa pangunguna ni Nebrija upang linisin ang lugar dahil ginawa ng garahe at terminal ng mga tricycle driver ang kalahati ng naturang lansangan malapit sa kanto ng Rizal Avenue, bukod pa sa pag-okupa ng mga vendor sa bangketa kaya’t hindi na halos makita ang Public Laboratory ng Manila Health Department na puntahan ng mga mahihirap na residente.

Pati mga kubol na inilagay ng opisyal ng barangay malapit sa kanto ng Jose Abad Santos ay ipinatanggal ng ahensiya kaya’t maghapong lumuwag ang daloy ng trapiko sa lugar.

Pero kinabukasan, balik sa dati ang Quiricada at naroong muli ang illegal terminal, illegal vendors, kubol sa mismong lansangan at iba pang sagabal na pinahihintulutan mismo ng kabesa ng barangay. Sayang ang panahon at salapi ng bayan na ginugol ng MMDA sa paglilinis sa lugar dahil wa-epek pa rin matapos ang isang araw.

Ganito rin ang nangyayari sa ibang mga lugar tulad sa Libertad at Taft Avenue Extension sa Pasay City na ilang ulit nang nilinis ng MMDA pero makaraan lang ang isang araw, balik na muli ang mga vendor, illegal terminal at illegal parking.

Hangga’t wala sigurong nasisibak o naipapakulong na barangay chairman na nagpapahintulot sa mga illegal vendor, illegal terminal at iba pang mga kuyagot sa lansangan ang Department of the Interior and Local Government (DILG), hindi magtitino ang mga kabesa na hindi naman maikakaila na nakikinabang din sa mga illegal sa kanilang lugar.

Noon lang nakaraang linggo, hinamon ng MMDA ang mga lokal na opisyal na huwag tumanggap ng tong mula sa mga illegal vendor, maging sa mga operator at tsuper ng mga sasakyang iligal na nagte-terminal sa kanilang nasasakupang lugar pero wala isa mang opisyal ng LGUs ang tumanggap sa hamon.
Pakitang-gilas

Maganda ang ipinakitang gilas ni Northern Police District (NPD) director Chief Supt. Rolando Anduyan, matapos unang madakip ng kanyang Intelligence Unit ang big-time drug pusher na si Marvin Yu kamakailan sa isang hotel sa Bagong Barrio, Caloocan City.

Dahil nasabat si Yu, nagtuloy-tuloy ang operasyon ng mga bata ni Anduyan, katuwang na nila ang Eastern Police District, San Juan at Pasig police kaya nasakote ang Korean chemist na si Kim Jong Hee sa Pasig City. Ang pagkakadakip kay Hee ang naging daan upang marecover ng kapulisan ang mga kemikal na gamit sa paggawa ng shabu na puwedeng makapag-produce ng mahigit P4 bilyon  halaga ng iligal na droga.

Siguro, kung hindi nahuli ng mga tauhan ni NPD director sina Yu at Kim, baka isang katerbang shabu ang nakakalat sa CAMANAVA area.

Sana lang ay magtuloy-tuloy ang magagandang aktibidad ni Chief Supt. Anduyan at rendahan din niya ang ilan niyang mga tauhan na umano’y pumipiga raw sa mga gambling lord sa CAMANAVA area para tuklasin ang iba pang tabakuhan sa lugar.

Mukhang hindi pa raw kasi sapat ang koleksiyon kaya umaaray daw ang ibang mga illegalistang tulad nina alyas Lucy, Boknoy,  Edwin, Sylvia, Jun, Edgar at marami pa dahil pinipiga sila ng mga kolektor. Bago sana ang paghahanap sa tabakuhan, isang “Dalisay” na paglilingkod muna ang kailangan at huwag ninyong dungisan ang magandang imahe ni Chief Supt. Anduyan.

Sino sina  Ome at Emang

Galit na galit ang dating chief photographer ng Journal Group na si Ka Edong dahil ginagamit daw nina alyas Ome at Emang ang kanyang pangalan para hindi hulihin ang puwesto nila ng color games sa Balibago at Calamba sa Laguna.

Isa raw Jun Dimaunahan ang inuutusan ni Ome sa tanggapan ni Region 4A director Chief Supt. Edward Carranza para ipangalandakan na protektado ang kanilang mga illegal color games sa maraming lugar ng Calabarzon, mula Laguna hanggang Batangas at maging sa Taytay.

Hindi nga raw kilala ni Ka Edong itong si Ome at Jun Dimaunahan pero kahit nagretiro na siya sa Journal Group ay patuloy na kinakaladkad ang kanyang pangalan sa mga iligal sa Calabarzon.

Hamon niya kay Gen. Carranza, hulihin itong sina Ome, Emang at Jun Dimaunahan para matigil na ang talamak na iligal na sugal sa naturang rehiyon.