Mga opisyal ng BoC, trabaho ang atupagin hindi ang pagbo-broker!

February 16, 2020

MAHIGIT isang daang taon na ang Bureau of Customs na nagsisilbi sa bayan at taumbayan.

Sa loob ng mahabang panahon, dapat ay alam na ng mga taga-BoC ang mga sakit at problema sa Aduana.

At alam na rin dapat  nila kung paano ayusin ang mga problemang ito.

Ayon sa ilang BoC oldtimer, ang tanging problema ay ang mga opisyal at kawani ng kanilang ahensiya.

Hanggat nandiyan ang mga tiwali ay talagang hindi mawawala ang pandaraya sa Aduana.

Mayroon din daw mga opisyal na may mga sariling brokerage.

Daig pa ng mga ito ang mga broker dahil sila ang sumusulot sa kliyente ng mga lehitimong broker. Sila rin ang unang bumababoy sa presyo ng mga dapat bayarang buwis.

Ito ang mga dapat pagtuunan ng paglilinis ni Commissioner Guerrero.

Ika nga ng kaibigan nating opisyal diyan sa Aduana, dapat trabaho lang nila bilang lingkod-bayan ang kanilang ginagawa at hindi ang pagnenegosyo.  

Kahit anong ganda ng mga batas, patakaran, regulasyon at programa ay walang mangyayari kung may mga bugok na lingkod-bayan.

Kaya mahalagang maalis na sa ahensiya ang mga “world-class crooks” na sumisira sa imahe ng BoC.

Kaya ‘yan ang problema sa Aduana, kung paano titino ang ilang naliligaw ng landas.

Sila ang mga nakikipagsabwatan sa mga ismagler at iba pang mandarayang importers at brokers.  

Marami na tayong batas, patakaran at regulasyon para matigil na ang mga kawalanghiyaan sa mga pantalan.

Iyon nga lang, may mga natitira pang tiwaling lingkod bayan sa Aduana.

Sila ang kalawang na sisira sa BoC kapag nanatili sila sa serbisyo.

Dapat paigtingin pa ang implementasyon ng internal cleansing program ng BoC.

Tama ba kami, Pangulong Duterte, Finance Secretary Carlos Dominguez III at BoC Chief Rey Leonardo Guerrero?

***

Dapat  manatili sa puwesto si Customs Commissioner Rey Guerrero hanggang sa June 30, 2022.

Ito ay upang magkaroon ng continuity ang mga programang ipinatutupad at ipapatupad pa ni Comm. Guerrero upang tuluyang gumanda ang performance at imahe ng BoC.  

Magiging makasaysayan rin ito sa pagtatapos ng termino ni Pangulong Duterte, na siya lang ang namuno sa bansa na lahat ng kanyang naging BoC chiefs ay dating mga sundalo at pulis.

Ang unang BoC chief ay si Marine Captain Nicanor Faeldon, na nakilala dahil sa partisipasyon niya sa mga military coup.

Hindi siya nagtagal sa BoC dahil sa nakalusot na shipment ng illegal drugs.

Pinalitan siya ni dating police General Isidro Lapena, na tubong Urdaneta City, Pangasinan.

Kagaya ni Defense Secretary Delfin Lorenzana, si Lapena ay miyembro ng PMA Class 1973.

Sina Lorenzana at Lapeña ay mga underclassmen nina Senador Ping Lacson, DICT Secretary Gringo Honasan at dating Pangasinan Governor Amado T. Espino Jr.  

Katulad ni Faeldon, hindi rin nagtagal sa Aduana si Lapeña dahil din sa nakalusot na shabu.

Pinalitan si Lapeña ni Sir Jagger, dating hepe ng Armed Forces of the Philippines, noong Oktubre 2018.

Kung  mananatili sa BoC si Guerrero ay makakapagtala ng isang “first” sa kasaysayan ng Pilipinas ang administrasyong Duterte.

Si Duterte ang unang pangulo ng bansa na lahat ng mga hepe niya sa BoC ay mga dating sundalo at pulis.

At si Guerrero ang unang AFP Chief na naging BoC commissioner.

***

Sana maging wake-up call sa ating lahat ang COVID-19 epidemic.

Hindi lang Pilipinas ang binulabog ng nakakamatay na sakit.  

Buong mundo ang nataranta at natakot dahil sa bilis ng pagkalat ng virus.

Dapat nga lahat ng mga ospital ng gobyerno ay magkaroon ng mga isolation o quarantine room.

At lahat ng mga magtatrabaho sa mga ospital ay dapat turuan kung paano i-handle ang mga pasyenteng may nakakahawa at nakamamatay na sakit.

Hindi puwedeng saka palang tayo maghahanda kung kailan laganap na ang sakit.

(Para sa inyong komento at suhesiyon, tumawag o mag-text sa #0921-4765430/email:vicreyesjr08@yahoo.com. ilagay lang ang buong pa galan at tirahan.)