Mga opisyal, operatiba ng BoC, kalaban ng mga lehitimong negoyante

September 15, 2019

KAGAYA ng ibang mga propesyonal, hindi nawawala sa hanay ng mga customs broker ang mga bugok at mandurugas.

Pero sa tingin ng marami, hindi naman makatwiran na tanggalan ng trabaho ang lahat ng mga customs broker dahil sa kalokohan ng ilang broker.

Tama si Pangulong Rody Duterte na kailangang mawala na ang korapsyon at katiwalian hindi lang sa Bureau of Customs kundi sa lahat ng mga pampublikong opisina.

Naiintindihan natin si Pangulong Duterte.

Naghahanap siya ng mga paraan para matuldukan na ang problema ng katiwalian sa Aduana.

Dalawang beses na siyang nagpalit ng hepe ng BoC, pero nandiyan pa rin ang korapsyon sa Aduana.

Ang masasabi lang natin, nakikita naman na talagang nakatutok si BoC Chief Rey Leonardo Guerrero sa paglilinis sa mga tiwali at korap sa Aduana.

Pero kagaya ng ibang pampublikong opisina, meron pa ring mga lubos ang kawalalanghiyaan diyan sa BoC.

Dapat busisiin na nang husto ni Commisioner Guerrero ang mga nagbo-broker niyang mga tauhan.

Tarantado mga iyan, sila numero unong kalaban ng mga lehitimong negosyante diyan sa Aduana.

Kayang-kaya nilang ibagsak ang presyo sa mga target nilang masulot na kliyente dahil bukod sa mababa ang binabayaran nilang buwis, wala pa silang binibigyan ng “overtime.”

Iyan ang nagdudumilat na katotohanan.

Iyon namang ibang operatiba, lalo na sa CIIS at ESS mga protektor ng malalaking player. Kapag maliit ang “overtime” nilang tinatanggap sa maliliit na broker, ina-alert nila ang kargamento para masulot ng alaga nilang player. Ganyan ang nangyari noong panahon nila dating Commissioner Nick Faeldon.

Bagamat mangilan-ngilan lang naman sila. Ganyan kagrabe ang sitwasyon ngayon sa Aduana,  Pangulong Digong kaya nga hindi tumitino ang BoC.

Ewan lang natin kapag nag-umpisa nang mag-imbestiga ang Senado.

Tingnan natin ang tigas ng mukha nitong mga opisyal na nagbo-broker at mga tiwaling operatiba.

Ganuon pa man, umaasa tayo na maaayos pa rin ang problema ng mga kaibigan nating broker.

Baka naman aksyunan na ni Commissioner Jagger ang problema.

Ewan lang natin kung alam na ito ni Depcom Raniel Ramiro?

Ang balita kasi natin, kayang-kayang paikutin ito ng magagaling diyan aa CIIS at ESS.

Huwag naman sana!

Hindi ba Finance Sec. Carlos Dominguez?

***

Hindi dapat bumaba nang husto ang presyo ng palay na nagsimula ng anihin ng mga magsasaka.

Sa totoo lang, masyado ng magastos ang pagtatanim ng palay, mais at ibang crops.

Madalas ay iba na ang itinatanim ng mga magsasaka dahil sa tumataas na production cost ng pagtatanim ng palay.

Hindi naman lingid sa kaalaman ng marami na ilang beses silang gumagamit ng abono at kemikal na pamatay ng mga insekto at damo.

Napakamahal pa naman ngayon ng mga ito.

Ang masakit, kulang pang pambayad sa ospital ang pinagbilhan nilang ani kapag sila’y nagkasakit.

May mga nao-ospital na magsasaka dahil sa paggamit ng mga insecticide.

Kung hindi naman daw kasi sila mag-iispray ng pesticide ay baka ubusin ng mga insekto, balang at daga ang palay.

Sa katunayan, isa ng sugal ang pagsasaka kung ituring ng marami.

Hindi kasi sila sigurado kung kikita o malulugi sa dami ng problema bilang mga magsasaka.

Idagdag mo pa kapag may malakas na bagyo na magdadala ng maraming tubig na sisira sa mga tanim na puwede ng anihin.
Tsk tsk tsk.

***

(Para sa inyong komento at suhestiyon, tumawag o mag-text sa #0921-4765430/email:vicreyesjr08@yahoo.com. Ilagay lang ang buong pangalan at tirahan.)