Mga pasaway sa Navotas, binigyan ng ultimatum

April 01, 2020

SA kabila ng matinding krisis na nararanasan ng buong mundo kaugnay sa mabilis na paglaganap ng nakamamatay ng sakit na dulot ng corona virus disease o COVID-19, marami pa ring matitigas ang ulo at mga pasaway na hindi tumatalima sa utos ng pambansang pamahalaan na manatili muna sa loob ng bahay.

Dito nga lang sa lungsod ng Navotas, araw-araw ay nakakahuli ang mga pulis at barangay ng mga taong namamalagi pa rin sa labas ng bahay na karamihan ay nakatambay lang habang ang iba ay naglilibang sa pamamagitan ng pagsusugal tulad ng tupada, cara y cruz, tong-its o pag-inom ng alak.

Ito ang dahilan kung bakit naglabas ng kautusan sa pamamagitan ng Executive Ordn si Mayor Toby Tiangco na bubuo ng Task Force Navotas Drive Against Makukulit, Pasaway o Tambay o ang NavoDAMPOT) upang matiyak ang maayos na pagpapatupad ng enhanced community quarantine at mapanatiling ligtas ang mamamayan sa COVID-19. 

Sabi ng alkalde, kinailangan ang pagbuo ng task force dahil sa kabila ng paulit-ulit na paalala sa mga residente na manatili sa loob ng kani-kanilang bahay, patuloy pa rin ang pagsuway ng marami na nagdudulot na panganib sa bawa’t mamamayan lalu na ngayong may dalawa ng taga Navotas ang namatay dulot ng COVID-19.

Nakapaloob sa naturang kautusan na inilabas ni Mayor Toby na tanging ang may mga quarantine pass lamang ang maaaring lumabas ng kanilang bahay mula alas-5 hanggang alas-8 ng gabi para bumili ng pagkain, gamot at iba pang pangunahing pangangailangan.

Nilinaw  naman ng alkalde na may ipinatutupad na rin silang coding scheme kung saan hindi lahat ng may mga quarantine pass ay sabay-sabay na makakalabas kundi ibabatay ang kanilang pagtungo sa pamilihan o botika batay sa numero ng kanilang quarantine pass.

Gayunman, maaari pa ring lumabas ang hindi saklaw ng home quarantine ang mga taong nagkakaloob ng pangunahing serbisyo, pangangailangan tulad ng pagkain at gamot at mga health workers.

Sinabi ni Mayor Toby na  ang mahuhuling susuway sa naturang kautusan at mahuhuling pagala-gala pa rin sa labas ay maaaring makulong ng hanggang anim na buwan at may multa na mula P2,000 hanggang P100,000.

Batay sa ulat na ipinarating ni Navotas police chief Col. Rolando Balasabas sa alkalde, bago inilabas ang kautusan ay nakapagtatala sila ng mula 20 hanggang 50-kataong huling lumalabag sa lockdown kada araw bagama’t bumaba na aniya ito mula nang maiparating sa bawa’t mamamayan ang kakaharapin nilang kaso.

Kabesa na walang galang sa utos ng DILG.

Bakit kaya sa kabila ng panawagan ni Pangulong Rodrigo Duterte at ng Department of Interior and Local Government (DILG) sa mga pulitiko, lalo na sa mga barangay chairman na iwasan ang pamumulitika sa pagkakaloob ng tulong sa panahon ng krisis, may mga kabesa pa rin ng barangay na makakapal ang mukha at ipinangangalandakan ang kanilang larawan o pangalan sa ibinabahaging tulong sa mamamayan?

Dito lang nga sa isang barangay sa Ikalawang Distrito ng lungsod ng Maynila, may isang kabesa ng barangay na namahagi nga ng bigas pero limitado lang daw sa mga botante at ang matindi pa, may nakalagay sa loob ng supot ng ipinamahaging bigas ang kanyang pangalan na mula daw sa kanya at sa mga kagawad.

Ito ang isang halimbawa ng isang kabesa na mukhang hindi nakikinig sa babala at panawagan ng Pangulo at mismong ni Secretary Eduardo Año na iwasan ang pamumulitika at huwag maging selective o pinipili lang ang mga hahandugan ng tulong.

Malinaw sa utos ng kalihim na papatawan ng karapatang parusa ang mga pulitiko lalo na ang mga barangay chairman na mapapatunayang namumulitika sa panahon ng matinding krisis na kinakaharap ng buong mundo pero mukhang bale-wala ata ang ganitong banta ng pamahalaan sa barangay chairman dito sa Tondo 2nd District.

Madali lang naman matunton ng DILG kung sino itong barangay chairman na namahagi ng bigas sa mga piling botante sa kanyang nasasakupang lugar dahil minsan na rin siyang kinasuhan ng kanyang kasama sa barangay at isa ang kanyang barangay hall na ipinagiba noon ng alkalde ng lungsod ng Maynila.

Sabi nga ng ilang mga residente sa lugar ng kabesa, tila wala raw GALANG ang kanilang punong barangay sa kautusan ng kalihim ng DILG na iwasan ang pamumulitika lalu na’t napalawig naman ang kanilang posisyon ng hanggang taong 2022.

Red tape pa rin.

Dismayado ang isang negosyanteng Tsinoy na naka-base sa lungsod ng Maynila dahil nakagawa na ng paraan ang kanilang grupo na humingi ng tulong sa kanilang mga counterpart sa China at handa ng magbigay ng 200,000 piraso ng medical surgery masks pero sa dami raw ng mga ipinairal ng panuntunan ng Bureau of Customs, Department of Health at Department of Trade and Industry, hindi na itinuloy ang pagkakaloob ng donasyon at sa halip, ipinadala na lang sa Iran ang mga face masks.

Sana raw, sa ganitong panahon ng krisis, bawasan naman ang isang toneladang panuntunan para hindi maunsiyami ang mga nagnanais tumulong. Yan daw ang hirap sa ilang ahensiya ng pamahalaan, patuloy pa rin ang umiiral na red tape.

Sa puna at reaksiyon, mag-email lang sa eddreyes2006@yahoo.com o mag-text sa 0923-3478363