Mga pihikan sa pagkain

September 20, 2019

HINDI ko pa naranasang sumala sa oras. Sumala, meaning, iyong oras na dapat kang kumain pero wala kang makain.

Hindi maginhawang buhay ang tinutukoy ko. Ang ibig kong sabihin, mula pagkabata, hindi ako sasala sa oras ng pagkain kasi kahit anong ihain sa akin, amin itong kinakain.

Ilang milyong bata ba sa ating bansa ang napagkakaaitan ng pagkain? Gaano ba karami ang mga musmos na mapalad na kung may magigisnang pagkain sa kanilang hapag?

Lumilitaw sa mga pag-aaral na 95 bata ang namamatay sa ating bansa dahil sa malnutrition. Nasa isang libong bata naman ang namamatay bago pa umabot sa kanilang gulang na limang taon. Kung hindi man ang mismong bata ang namamatay sa gutom, iyong mismong nanay nila na nagbuntis sa kanila ang kulang sa bitamina, pagkain at health support habang nagdadalantao.

Kaya nga malungkot na malaman na habang maraming bata ang namamatay sa gutom, mas marami rin naman ang mga batang by choice ay hindi kumakain nang maayos.

Hindi natin alam kung saan nagmula ang ganitong ugali n maraming bata. Hindi sila kakain kung hindi hotdog, fried chicken or pasta ang nakahain.

Ito iyong eating habit ng mga  batang kahit paano’y may pamilyang kayang sumuporta sa kanilang gustong kainin. Pero para sa maraming bata sa kalye, sa mga batang salat sa maraming bagay, kahit kalahating katawan ng tuyo lang ang ihain mo, dadambahin na para makakain ng isang platong kanin.

Mapalad ang aming mag-anak noon, maliban sa aming kapatid na bunso na si Noel na pihikan sa pagkain, lahat kaming apat na magkakapatid ay walang pinipiling kainin. Lahat na yata ng gulay na tumubo sa lupa, lahat na ata ng nakitang gumagalaw sa ilog at dagat ay aming kinakain.

Kaya natutuwa akong makakita ng batang kung ngumasab ng gulay at kanit anong nakahain sa hapag ay tinitira. Isipin mo lang na maraming bata ang namamatay sa gutom versus mga batang pihikan, malulungkot ka na.

Ako, palagi kong sinasabi sa aking pamilya at mga kaibigan na ang oras ng pagkain ang pinakasagrado sa akin. Ito na kasi ang oras na titigil ka sa lahat ng iyong ginagawa, ito na ang ultimate sanctuary ng iyong pagsisikap sa trabaho. Ito na ang monumento ng God’s graces. Kaya nga may sinasabi sa Ingles na “you are what you eat.”

Sabihin mo na lahat ang gusto mong sabihin basta ako, kakainin ko ang lahat ng gusto ko. Kaya nga kapag may mga kasabayan akong kumain at ako din lang ang nakatokang umorder, makikita ang mini fiesta sa hapag dahil una, marami akong umorder, pangalawa, kumpletos rekados ang nakahain.

Naniniwala ako sinasabi ng Panginoong Hesus na “hindi ang pumapasok sa bibig ang nagpapasama sa tao, bagkus ay mga lumabas dito.”

Aminado ako na ang dalawang anak ko ay sobrang pihikan sa pagkain mula pagkabata at suko na ako hanggang langit dahil hindi ko na sila kayang kontrolin sa kanilang edad na 19 at 29. Pero pinagsisisihan ko na hindi nila natularan ang karakter ng aking paraan sa pagkain at pagtrato sa lahat ng pagkain.

Iyong tipong kahit isang piraso ng kamatis at asin lang ay ganadong kumain. O kaya naman, gatas ng kalabaw at asin lang, kapistahan na! Iyon ang uri ng kabataan ko na hindi mapapalitan ng maraming salinlahi ng aming angkan.

Kaya nga sa mga magulang na may kapasidad man o wala, kailangang maging aral ang malnutrition death sa ating bansa at sa maraming parte ng mundo para maturuan ang ating mga anak na magpahalaga sa anumang nakahain.

Sa awa naman ng Panginoon, sa edad kong 52, maayos naman ang aking kalusugan at wala pang kahit isang karamdamang iniinda sa katawan. Maaaring kredito rin ito sa masiglang pagkain noong kabataan at madisiplinang sistema nang dumating sa hustong edad.

Sabi nga, sa dami ng nagugutom at namamatay sa malnutrisyon, wala na tayong karapatang maging pihikan sa pagkain.

Happy eating.
allanpunglo@gmail.com