Mga Pinoy “wagi” sa RA 11202

MAPAKIKINABANGAN na ng lahat ng Pinoy mobile network subscriber ang tinatawag na “mobile number portability” na nilagdaan ni PDU30 bilang RA 11202 noong Pebrero.

Dangan kasi, “swak” sa itinakdang deadline’ ng batas ngayong buwan ng Hulyo ang paggawa ng tinatawag natin na ‘Implementing Rules and Regulations’ (IRR), dahil na rin sa mahusay na “pagtitimon” sa buong proseso ni DICT acting secretary, Eliseo M. Rio Jr., katuwang ang National Telecommunications Commission (NTC).

Isa sa katangian ng nasabing batas ay pagkakaroon ng isang ‘subscriber’ ng “permanenteng” ‘mobile phone number’ as in, ‘lifetime’ na, kahit magpalit pa siya ng ‘mobile network’ at serbisyo (postpaid, prepaid)—nang wala siyang babayaran.

Noong Lunes, pormal nang isinumpa, nye, nanumpa, kay Pang. Digong si ex-Sen. Gringo Honasan bilang bagong kalihim ng DICT, isang pangyayari na matagal na nating inaasahan dahil noong isang taon pa inanunsiyo ng Palasyo ang “paglipat” ni Sen. Gringo sa DICT pagkatapos ng kanyang termino sa Senado.

Subalit, dapat pa rin nating papurihan si Rio dahil “pinagaan” niya ang trabaho ni Sec. Gringo.

Dangan nga kasi, katuwang ang NTC, si Rio ang ‘nag-lobby’ sa Kongreso at Senado hanggang maisabatas ang RA 11202 at sila rin ng NTC ang “bumalikat” sa paglikha ng IRR nito.

Ayon pa nga kay Rio—na ‘special guest’ ngayong araw ng Biyernes sa ‘Report to the Nation’ media forum ng National Press Club (NPC), mas isasaalang-alang na ngayon ng mga telecommunications company (Telco) ang pagbibigay ng mga totoong serbisyo sa mga consumer. Game changer, sabi pa nga niya, ang RA 11202.

Bukod sa permanent mobile number, hindi na rin magiging “madugo” para sa isang kostumer ang magpalit ng ‘network’ dahil nga libre na ang ganitong mga serbisyo.

Inaasahan pa rin ng batas na dahil dito, mas “sisigla” ang kumpetisyon ng mga Telco na ang makikinabang ay ang mga Pinoy na kilala sa mundo bilang ‘text capital’.

Bukod sa pangmatagalan na ang kani-kanilang mobile phone number, wala na ring extra charge kung tatawag o magte-text ang mga subscriber sa ibang network.

Noong nakaraang taon, nasa 74.1 milyon ang subscriber base ng Globe habang nasa 60.5 milyon naman ang tumatangkilik sa Smart, Sun, at TNT na nabibilang sa PLDT Group.

Dahil talaga namang good job para sa sambayanang Pilipino, pinapurihan ni Senator Sherwin Gatchalian si Rio at ang NTC sa kanilang inilabas na IRR.

“In keeping with this spirit, I believe that the NTC was able to draft a consumer-friendly implementing rules and regulations, especially in specifying the prerequisites for porting, and the terms of the time periods for cutover and the porting process itself, among others,’’ ani Senator Gatchalian na chairman ng Senate Committee on Economic Affairs.

At alam ni Sen. Sherwin ang kanyang sinasabi dahil “siya” ang “tumutok” sa deliberasyon at konsultasyon nang dinidinig pa lamang ang “Mobile Number Portability Bill,” tama ba, kasamang Nats Taboy?