Mga pulis sa ‘Santillan murder’ ’di pa lusot sa Napolcom

December 21, 2018

BAGAMAN ‘season of joy’ ngayong buwan ng Disyembre, hindi lahat nang tao ay “masaya,” tama ba, mga kabayan?

Sa partikular, alam nating ang mga “matamlay” at may “madilim na hinaharap” ngayon ay ang mga opisyales ng BoC ‘X-Ray Inspection Project’ (XIP) na pawang sinibak na sa puwesto ni Comm. Jagger Guerrero, matapos masangkot sa kasong ‘drug smuggling’ na isinampa ng PDEA kamakailan.

Ang kaso ay may kinalaman naman sa naging pagpuslit sa MICP noong Hulyo nang umano’y higit 1,600 kilo ng shabu -- na “nabisto” lang noong susunod na buwan ng Agosto -- kung saan ang  ‘ultimo resulta’ ay ang pagkalipat naman ni  Comm. Isidro Lapeña sa TESDA nitong Oktubre at pagpalit naman sa kanya ni Comm. Jagger, ang inirerespetong dating ‘Chief of Staff’ ng AFP.

Sa lumabas na ‘CPO’ (Customs Personnel Order) nitong Miyerkules, “sibak” na sa puwesto sina XIP chief, Atty. Czae de Guzman, SA1 Manuel Martinez, SA2 Benjamin Cajucom na parehong ‘assigned’ sa XIP-MICP at, IO1 Joseph Dimayuga ng Intelligence Group (IG).

Pansamantala namang “OIC” (officer-in-charge) ng XIP si SCOO Romeo Guan. Kung “magtatagal” naman sa puwesto si Guan, ‘yan ang dapat nating abangan, mga kabayan, hehehe!

Sa naging aksyon naman ni Comm. Jagger, alam nating “wa na say” ang PDEA at si Senate Blue Ribbon Committee (SBRC) chairman, Sen. Richard ‘You-Know-Me’ Gordon, dahil nga “nasunod” na ang kanyang sinasabi noon pa na dapat “sibakin” sa BoC ang mga ‘incompetent’ at ‘yung mga “sasabit” sa ‘drug smuggling.’

Take note, mga kabayan, ang kasong ‘conspiracy to smuggle illegal drugs’ ay ‘No Bail,’ kaya sakaling “umakyat” na sa korte ang kaso matapos “himayin” ng ‘Department of Justice,’ huwag magtaka kung kahit ngayon pa lang ay “nag-iiyakan” na ang pamilya ng lahat ng nasangkot sa insidenteng ito.

‘To be fair’ naman kay Sen. Dick, tanda natin na sa isa sa mga pagdinig, binigyan pa ni ‘chairman’ itong grupo ng XIP-MICP, kasama na si Atty. Czae, na “baguhin” ang kani-kanilang mga testimonya at sabihin na lang na “nagkamali” sila sa kanilang posisyon na “walang laman” ang mga ‘magnetic scrap lifter’ na dumaan sa ‘scanning’ ng nasabing grupo bago “nakalabas” ang mga ito sa bakuran ng MICP noong Hulyo.

‘Yun nga lang, “ipinagdiinan” pa nila ang kanilang “bersyon” at heto ngayon ang resulta, mga kabayan -- kasama sila sa nahaharap sa kasong drug smuggling, kung saan, kapag lumabas ang ‘warrant of arrest,’ aba’y sa kulungan na nila “uubusin” ang kanilang mga araw, tsk, tsk, tsk!

Sa panig naman ni Comm. Jagger, masasabing “nakatali ang kanyang mga kamay” sa isyung ito hindi ba mga kabayan?

Aber, hindi naman puwedeng may kaso na silang kriminal, wala siyang gagawin? Dapat “maunawaan” na bilang lider ng AFP, isa si Comm. Jagger sa may mataas na respeto sa ‘rule of law.’

And the rule of law requires that all those enmeshed in criminal cases should also be administratively held, which means removal from their current positions, kaya, mabuhay ka, Comm. Jagger!

* * *

Bagaman hindi nakadalo kahapon sa simple, subalit, “matagumpay” na ‘Christmas Party’ ng ‘DILG Press Corps’ si Sec. Ed Ano, “natutuwa” na rin ang grupo, sa pangunguna ni Pang. Joel dela Torre, na ‘stay to the max’ naman si Napolcom vice chairman and chief executive officer, Rogelio Casurao.

“Sumaglit” din siyempre ang “Kuya” at “Tatay” ng media sa NCR na si NCRPO director, Guillermo Eleazar at si QC jail warden, Ermilito Moral, na alam nating hindi “pinababayaan” ang mga QC-beat reporters, kaya “napuno ng saya” ang pagtitipon.

At siyempre, bilang “kuya” rin naman ng ating mga kapatid sa hanapbuhay, dumalo rin tayo para “makikain” at ang tanging masasabi ko ay, ‘the food is good, pero ang “mahal,” “masakit” sa bulsa, huhuhu,ayy, hahaha!

And take note, Calabarzon police director, Edward Carranza, hindi “natabunan” ng “panalo” ni Catriona Gray bilang ‘Miss Universe 2018 at ang mga serye ng pag-atake ng NPA, ang eskandalosong pagpatay ng iyong mga pulis sa Rizal PNP dito kay Richard Santillan, ang ‘bodyguard’ ng ex-Biliran congressman, poll reforms advocate at senatorial wannabe, Atty. Glenn Chong.

Naganap ang ‘torture-before-rubout’ ng mga pulis-Rizal dito kay Santillan at sa babaeng “nakianggkas” lang sa kanya pauwi sa bahay nito, madaling araw noong nakaraang Lunes, Disyembre 10.

At “pinabilib” din tayo ni VC Casurao, dear readers, dahil sa kanyang “balanseng pagtingin” sa insidente kung saan aniya, hindi na dapat magtaka o magalit ang publiko dito kay RD Carranza sa ginagawa nitong pagtatakip, ehek, pagtatanggol sa kanyang mga tauhan.

“Kung hindi niya (Carranza) susuportahan ang mga tauhan niya, mawawalan naman ng tiwala sa kanya; baka wala nang pulis ang gustong ‘magtrabaho’ sa kanya,” paliwanag pa ni vice chairman. Oo nga naman, dear readers.

Aniya pa, bagaman nga talagang kontrobersiyal ang insidente, mayroong ‘presumption of regularity’ sa ginawa ng mga pulis kaya ang “bersyon” ng mga ito na ‘legitimate encounter’ ang nangyari ay dapat lang “paniwalaan” maliban na lang kung…  mayroon na ‘contrary evidence.’

At ang ‘contrary evidence’ mga kabayan, ay ang ginawang ‘autopsy’ ng ‘Public Attorney’s Office’ (PAO) kung saan “lumabas” na “tinortyur” muna bago pinaslang ng mga pulis itong si Santillan.

Aniya pa, may ‘motu propio power’ ang Napolcom na imbestigahan ang ano mang kaso na sangkot ang mga pulis kasama na ang magsagawa ng ‘parallel investigation’ at “repasuhin” (review) ang ano mang naunang imbestigasyon.

At sa insidenteng ito, “hihintayin” muna ng Napolcom na matanggap ang resulta ng isinasagawang imbestigasyon ng PNP-IAS (Internal Affairs Service).

“Kung sa tingin ng Napolcom ay ‘maayos’ naman ang imbestigasyon ng IAS, puwede kaming sumang-ayon; kung hindi, puwede ulit kaming mag-imbestiga.”

‘Ttranslation?’ Hindi pa “lusot” ang mga sangkot na pulis kaya, ‘push lang ninyo’ mga bosing hane? “”Dagdagan” pa ninyo ang kasinungalingan, agh, kuwento ninyo hinggil sa nangyari at baka sakaling mapaniwala ninyo ang publiko.

Dangan kasi, kahit si VC Casurao, napansin natin na “nahihirapang maniwala” na sa higit 60 sugat at tama sa katawan ni Santillan, kasama na ang may 15 tama ng baril na natukoy lahat ng PAO, walang nangyaring torture at ‘use of excessive force’ sa karumal-dumal na krimeng ito.

Ayon pa kay VC Casurao, ‘sandamakmak na ring tiwaling pulis ang sinibak ng Napolcom sa serbisyo kaya sa mga sumisigaw ng “katarungan” para kay Santillan, ‘all is not yet lost,’ dear readers.

‘Andyan kasi at “nagbabantay” ang Napolcom! Abangan!