Home>Editorial>Opinion>Mga pulitikong gahaman at likas na manloloko!

Mga pulitikong gahaman at likas na manloloko!

Marami nang winasak na pagkakaibigan ang pulitika. May mga pulitiko kasing ang tingin sa pagkakaibigan ay katulad lang din ng pamumulitika. Iyong tipong hindi ka pa nagsasalita, alam mong nagsisinungaling na.

Kaya nga naging kasanayan na kapag sinabing “pangakong pulitiko” lang yun, asahan mo nang niloloko ka lang ng kausap mo.

Iyong mga taong likas na manloloko sa pulitika, sila iyong mula ugat ng ulo hanggang sa ugat ng talampakan, siguradong manloloko. Sila iyong congenital liar. Pati pag-iyak sa paglabas sa sinapupunan, tawa ang maririnig mo sa halip na iyak.

May mga pulitikong ganito, papangakuan ang kanyang kasama na siya ang kandidato niya mula sa umpisa hanggang sa wakas. May peksman at cross my heart pa yan at hope to die pero matalikod ka lang, may iba nang kausap.

Sasabihin pa sa iyo, kahit anong mangyari, ikaw lang ang aking susuportahan. Walang kakurap-kurap sasabihin niya ito sa iyo kahit nakaharap sa simbahan o nakaharap sa beerhouse dahil nga sumpaan ito ng mga maginoo.

Pero sa totohanan, nakapakyu sa likod ang mga daliri dahil wala itong balak tumupad sa usapan.

Iyong mga ganitong klase ng tao, pinanday at nabuhay na sa panloloko ng kapwa. Bakit ba nagkakasira ang mga magkakaibigan or magkakamag-anak sa pulitika? Bukod sa pagiging dalubhasang manloko, tiyak na ang ganitong pulitiko ay gahaman sa kapangyarihan at suwapang sa pera. Yes, sila’y pamilya buwaya na ginagawang playground ang opisina ng gobyerno!

Bakit sila sumisira sa pangako at sa usapan? Simple lang, ayaw mawala ang kinakamal na pera mula sa kaban ng bayan. Iniisip agad nila, kapag nawala sila sa puwesto, matitigil na ang pag-agos ng pera papasok sa kanilang mga kaha.

Pero pansinin nyo kung ano ang nangyayari sa ganitong klase ng mga pulitiko. Kung hindi bumabalik sa hirap, nagkakaroon ng patung-patong na kaso or ang ending, nagkakaroon ng matinding karma sa pamilya.

Marami akong kakilalang ganyang pulitiko, nag-umpisa sa wala, nagkamal ng maraming pera pero ang ending, naibenta rin ang lahat ng naipundar at bumalik sa pagkagutom. Ang malungkot, nadadamay pa ang pamilya dahil kinakarma sila, nagkakasakit nang malubha ang iba o kaya naman ay “ebak” na lang ang tingin sa kanila ng mga nasasakupan nila pagkatapos mawala sa puwesto.

Kapag dumating ang ganitong pagkakataon, huli na para makapagbago ang dorobong pulitiko dahil inuubos ng anay ang buo nilang pamilya.

Kasing bilis ng pagkalusaw ng kanilang pagkatao ang pagkalusaw ng kanilang mga naipundar sa pamamagitan ng pagnanakaw sa kaban ng bayan.

May kakilala rin ba kayong ganitong pulitiko? Kung mayroon, abangan nyo ang susunod na kabanata sa kanilang buhay dahil tiyak na tiyak tayo na maisusumpa sila ng tadhana.

allanpunglo@gmail.com

Publication Source :    People's Tonight
Allan L. Encarnacion
Former Writer, Associate Producer, Magandang Umaga Pilipinas (ABS CBN) | Former writer, creative of Iba-BALITA, Studio 23 | Former host, Good Morning Kuya, UNTV