Home>Editorial>Opinion>Mga pulitikong tatakbo sa taong 2022 nagpaparamdam na

Mga pulitikong tatakbo sa taong 2022 nagpaparamdam na

MALAYO pa ang lokal at pambansang halalan pero ngayon pa lang ay nagpaparamdam na ang mga pulitikong natapos na ang termino ng panunungkulan para sa kanilang planong pagbabalik sa pulitika.

Madali lang kasing matunugan ng mamamayan ang planong pagtakbong muli ng mga antigong pulitiko na naghahangad na muling makabalik sa puwesto dahil ngayon pa lang ay nagpaparamdam na sila sa mga nakaupong barangay officials sa kanilang nasasakupang distrito.

Bagama’t malayo pa ang halalan, nagiging maagap na sa kanilang pagtakbo ang mga kilalang pulitiko lalo na’t batid nila na nakabuwelo na ang kanilang makakatunggali na kasalukuyang nakaupo at pumalit sa kanilang iniwang posisyon.

Hindi kasi maikakaila na bagama’t nasadlak sa kahirapan ang mamamayan bunga ng pandemya ng COVID- 19, naging maagap ang ilang mga pulitiko na ang karamihan ay nasa unang termino pa lamang ng panunungkulan para ayudahan ang mga mamamayan sa lugar na kanilang nasasakupan, bukod pa sa tulong ng pambansang pamahalaan.

Dito nga lang sa ilang distrito ng lungsod ng Maynila, malaki ang naitulong ng mga nakaupong kongresista sa kani-kanilang constituents, bukod pa siyempre sa walang patid na ayudang ipinagkakaloob ni Mayor Isko Moreno sa mga Manilenyo.

Karamihan sa mga kongresista na nasa unang termino ng panunungkulan ay gumawa ng iba’t-ibang paraan para matulungan ang mga mamamayan sa kanilang distrito na labis na naapektuhan ang kabuhayan dahil sa pandemya kaya’t ito ang posibleng maging batayan upang muli silang iluklok sa puwesto ng kanilang mga botante.

Dahil dito, nangangamba ang mga pulitikong nais bumalik sa kanilang posisyon dahil kahit pa nga sabihin na hindi sila natalo hanggang sa huling termino ng panunungkulan, madali itong malimutan ng mamamayan lalo na’t naging maayos ngayon ang pakikitungo sa kanila ng nakaupong kongresista.

Sa ngayon ay matunog na matunog na ang pangalan ng mga pulitikong nagnanais na bumalik sa kanilang dating posisyon dahil panay ang paramdam na nila ngayon sa bawa’t barangay sa distritong kanilang tinatarget.

Pero ang tanong, kaya ba nilang gibain ang kasalukuyang nakaupong kongresista sa kanilang distrito lalo na ang mga nasa unang termino ng panunungkulan na nagpakitang-gilas sa mamamayan sa panahon ng pandemya? Malalaman natin yan sa taong 2022.

Ayuda pa sa mga taga –Malabon

MAY kasabihan na wala raw sugat ang hindi naghihilom at minsan pa itong napatunayan sa pagtutulungan nina Malabon Rep. Jaye Lacson at Councilor Enzo Oreta sa pagkakaloob ng ayuda sa mga mamamayan ng lungsod na nawalan ng hanapbuhay dahil sa pandemya ng COVID-19.

Noon lang kasing nakaraang linggo ay magkatuwang ang dalawa, kasama si barangay chairperson at dating aktres na si Angelika Dela Cruz sa pagtukoy ng mga nawalan ng hanapbuhay para mapagkalooban ng pansamantalang trabaho sa pamamagitan ng programa ng Department of Labor and Employment na Tulong Panghanapbuhay sa Ating Disadvantaged/Displaced Workers o TUPAD.

Sa pamamagitan kasi ni Rep. Jaye, napagkalooban ng tulong ang mga taga-Malabon na nawalan ng hanapbuhay na matagal na niyang hangarin.

Dati kasing magkatunggali sa larangan ng pulitika ang mga Oreta at Rep. Jaye Lacson pero sa dakong huli ay naging magkasangga upang matiyak na maibibigay ang tamang serbisyo at tulong para sa mga taga-Malabon.

Sa takbo ng pangyayari, mukhang hindi na talaga mapipigilan ang pagiging magkakampi sa larangan ng pulitika ng Oreta-Jaye Lacson na tiyak na magiging problema ng malaki sa kanilang magiging katunggali.

On-line renewal ng business permit

ISA sa paraan ni Mayor Oca Malapitan para sugpuin ang pagkalat ng COVID-19 ang paghimok sa mga negosyante na mag-renew ng kanilang business permit sa pamamagitan ng online.

Batid kasi ng alkalde na sa pagpasok ng taong 2021, dadagsang muli ang taong magtutungo sa city hall upang mag-renew ng kanilang business permit na posibleng maging sanhi ng panibagong pagtaas ng kaso ng COVID-19.

Dahil dito, inatasan niya si Business Permit and Licensing Office (BPLO) head Atty. Cho Vergara na gumawa ng paraan upang mahimok ang mga negosyante na mag-renew na lamang ng kanilang business permit sa pamamagitan ng online upang hindi na sila magtungo pa sa city hall.

Ayon naman kay Atty. Vergara, maaari nang bisitahin ng mga magre-renew ng business permit ng link na https://caloocancity.gov.ph/online-services kaya’t kahit nasa bahay o saan mang lugar ay maaari silang makapag-renew ng kanilang permiso.

Nilinaw naman ni Vergara na patuloy pa rin naman silang tatanggap ng walk-in applications sa kanilang tanggapan sa city hall basta’t kailangan lamang ay nakapag-book na ng kanilang appointment o puwede naman tumawag sa kanilang hotline na 8288-8811 local 2217/2248 (BPLO-Main) at 8961-1860 (BPLO-North) para makapag-book ng appointment.

Sa puna at reaksiyon, mag-email lang sa eddreyes2006@yahoo.com o mag-text sa 0923-3478363

Publication Source :    People's Tonight