Mga sugapa sa puwesto!

HINDI natin alam kung sinong nag-imbento na kapag ikaw ay senador o kongresman, dapat titulado sa iyo ang puwesto!

Palagi nating naririnig ang matinding agawan sa committee chairmanship sa dalawang kapulungan kapag sumasapit ang ganitong post mortem ng eleksiyon.

May mga naririnig pa tayo na nagbabanta na lilipat sa minority bloc kapag hindi nasunod ang gusto! Anak ng kunehong kambing, may pinag-aralan ba ang mga taong ito?

Saan nila hinugot na libro ng batas nakasulat na dapat kapag nanalo silang senador o kongresman, dapat masusunod ang lahat ng gusto nila?

Ako ang nahihiya sa mga taong ito na ang tindi ng self entitlement! Akala ata nila ay personal property nila ang dalawang kapulungan na dapat masunod lahat ng kanilang kapritso.

Ginagawa nilang mga estatwa at bobo ang mga taong nakatingin sa kanila na hindi kayang mag-isip ng kanilang  kababuyan.

Isaksak n’yo sa mga utak n’yo ito, power is temporary while character is forever. Kahit anong posisyon mo, kahit ano pang katanyagan at yaman ang mayroon ka, babalik ka rin sa basic: ang iyong pagkatao.

Ang problema natin kaya marami ng suwapang at masasamang tao sa bayang ito, iyon mismong mga pulitiko na ganito ang ugali ang ginagaya nila.

Kung iyong mga palaging nakaharap sa kamera ay kayang magwalanghiya, bakit naman ang mga kababayan natin nasa dilim ay hindi ito magagawa?

Tamaan sana kayo ng mag-asawang kidlat!

Kaya siguro hindi pumapasok sa ulo ko ang maging pulitiko dahil hindi ko rin masabi ang magiging ugali ko kapag nasa puwesto na ako.

Baka maging halang na rin ang kaluluwa ko, baka maging makapal na rin ang mukha ko, baka maging katulad din ako ng mga pulitikong ito na ang tingin sa puwesto nila ay titulo.

Konting hiya naman hoy!

Allanpunglo@gmail.com