Mga tamang hinala

HINDI pa rin sila nakuntento sa paghuhubad sa publiko ni former Special Assistant to the President Bong Go.

Matapos nilang akusahan ng may dragon tattoo at code number ng drug syndicate na Hong Kong Triad, napilitan si Bong na maglantad ng likod sa bayan para mapatunayang bahagi lamang ng black propaganda ang ginawa ng aninong itim laban sa kanya at laban kay Pangulong Duterte.

Nakita ng publiko ang flawless na likod ni Bong na hindi naman dapat. Pero matapos ang paglantad ng likod sa bayan, may mga sumunod pang pangontra. Naglabas na naman sila ng video ng naglalaro si Bong ng basketball at ipinapakita ang animo’y kulay reddish/violet sa kanyang upper back.

Nag-conclude na naman sila, pinabura lang daw kaya biglang nawala ang dragon tattoo. Hindi na natin alam kung anong klaseng tao ang mga ito. Lahat talaga ng kanilang sablay na propaganda ay gagawin para lang mapansin.

Hindi nila alam na marka ng bentosa ang nakita nila at hindi tattoo. Paranoid talaga sila na parang mga bumabatak ng shabu.

Pero sabi nga ni SAP Bong, “may araw din sila.”

* * *

Naalala ko tuloy iyong kaibigan kong ayaw tantanan ng misis sa pagseselos. Isang umaga, ginigising siya ng kanyang misis dahil may nakitang isang piraso ng mahabang buhok sa passenger seat ng kanyang kotse.

“May kasama ka na namang babae kagabi, ito ang ebidensiya,” sabi ng nagdudumilat na misis sa nakahiga pang mister.

Kahit anong paliwanag ni mister, ayaw maniwala si misis na wala siyang kasamang babae.

Maghapong hindi nagkibuan ang mag-asawa hanggang makabalik na naman kinagabihan si mister na deretso nang natulog at hindi na nag-dinner sa inis.

Kinabukasan, paputok pa lang ang araw, humahangos na naman si misis, galing na naman sa pag-inspeksiyon ng kotse ni mister. “Heto, kulot na babae ang kasama mo kagabi, huwag ka nang magkaila!” bulyaw na naman si misis sa pupungas-pungas na mister.

Ganoon na naman ang senaryo, hindi na nagkibuan ang dalawa. Kaya sa sumunod na araw, bago umuwi si mister, nagpa-carwash na at nagpa-vacuum ng buong sasakyan.

Para makasigurong malinis ang loob, pinaulit pa ang pagpapa-vacuum.

“Siguro naman titigil na siya sa kahihinala!” bulong ni mister habang pauwi.

Nakangiti pang nahiga si mister habang si misis naman ang nakatalikod sa kanya.

Wala pa mang alas-sais ng umaga, humahangos na naman si misis at nagdadabog papasok sa kanilang kuwarto.

“Akala mo hindi ko alam,” sabi ni misis sa nakahiga pang mister na walang nakitang buhok sa kotse. “Pinakalbo mo pa ang babae mo ha!”

Ganyan ang kritiko ni SAP Bong, mga tamang hinala. Baka nga nagseselos lang ang mga ito dahil nasa Top 3 si SAP Bong Go at kinakabahan sila sa susunod na mangyayari.

Bistado na kayo hoy!
allanpunglo@gmail.com