Mga wang-wang, weng-weng na naman sa lansangan!

October 21, 2019

Sa pagpasok ng administrasyong Duterte, wala pa ring nag-iingay na mga sirena ng sasakyan bukod sa mga ambulansya at bumbero. Parang tumawid ang takot ng mga mayayabang o weng-weng  sa kalsada mula administrasyong Aquino patungong pamahalaang Duterte.

Tila hindi naman ito naging probema ng kasalukuyang pamahalaan dahil hindi naman ipinaalis ni Pangulong Duterte ang patakarang ‘yon ni dating Pangulong Noynoy na naging epektibo sa kabuuan ng kanyang termino. Maraming naging disiplinado sa lansangan at nabawasan ng malaki ang mayayabang na weng-weng na naka wang-wang sa mga lansangan.

Noong nakaraang taon ay may mangilan-ilan lang ang sumisirena sa mga lansangan. Ngunit nitongg taon to ay tila nawalan na husto ng katinuan sa mga lansangan dahil  bukod sa krisis sa trapik ay sumunod na ang kabi-kabilang kuha ng video at litrato ng  mga mamamayan tungkol sa mga nage-escort na mga unipormadong “awtoridad” na may tauhan ng MMDA, lokal na pamahalaan at naakusahang taga-HPG. At may mga pribadong sasakyan ang nag-wawang wang na rin. Nadagdagan lalo ang mga weng-weng.

May napakinggan ako sa isang pang-umagang tv program na may nagpapaliwanag na opisyal ng HPG. Mahusay ang kanyang paliwanag at paglalarawan ng isang tunay na HPG at ang uniporme nito. Maging ang mga kulay sa uniporme ay kanyag inilarawan. Ito ay tila reaksyon sa mga bintang na sila ay nag-eescort sa mga “VIP.” Hindi ito totoo sabi ng opisyal.

Kasama sa mga “escorting” na ito ang panghahawi ng mga sasakyan sa kalye at malalakas na pagbirit ng mga sirena. Ibig sabihin kahit trapik sa lansangan, kailangang tumabi ang mga sasakyan upang makadaang mga may escort na “VIP.” Hindi na malaman kung ligal ito o mga weng-weng lang.

Iligal ang ganitong gawain. Unang-una ay walang marka ang mga sasakyang may escort upang maipaliwanag sa mga motorista kung bakit sila dapat tumabi. Hindi naman ambulansya, trak ng bumbero o pulis ang mga ito.

Marami  na ngang malaki ang hinala sa mga ambulansyang sumisirena dahil hindi makita kung may sakay nga itong maysakit na kailangang agad na dalhin sa ospital. Kahit ang mga trak ng bumbero ay pinaghinalaan na tuloy sa tuwing sumisirena ito na baka wala namang sunog at gusto lang umiwas sa trapik.

Ilang ulit naman  akong nakakita nang mga sasakyan ng pulis na sumisirena at nang maabutan ko sa isang lugar ay naroon lang at wala namang emergency situation.

Maging ang mga ambulansya ng barangay ay ginagawang parang barangay patrol at umiikot ito sa nasasakupan ng barangay at panay ang sirena nang walang malinaw na dahilan. Parang gusto marahil sawayin ang mga sasakyang hindi sumusunod sa kanilang naimbentong  iligal na “one-side parking.” Ngunit bakit ang ambulansya ang ginagamit? Paano kung magkaroon bigla ng emergency?

Nabuhay muli ang mga wang-wang at weng-weng sa ating mga lansangan. Kailangang patigilin ang mga ito. May naulat na patitigilin daw ng mga otoridad ang mga weng-weng na may wang-wang  na hindi otorisadong gumamit nito.

Tila napakahirap patinuin ng mga tolongges sa ating bansa. Susunod sandali sa mga patakaran, pagkaraan ay balik ulit sa dating ugali. Kailangan bang laging hiyain ang ganitong mga violator? Ilagay sa dyaryo at telebisyon ang mga mukha nila upang malaman nilang hindi nila pag-aari ang mga kalsada at sa pamahalaan at mamamayan ito?

Mahirap ba talagang gawin ang tama at matuwid?              bangonkalikasan@yahoo.com)