Middle class, ang most neglected sector ng bansa

SA wakas, posibleng makakasama na rin ang mga middle class sa mga tutulungan ng gobyerno sa gitna ng krisis na dulot ng COVID-19.

Sumang-ayon si Presidente sa suhestiyon ni Cavite Governor Jonvic Remulla na dapat ding mabigyan ng tulong ang middle class at hindi lamang ang poorest of the poor.

Sa totoo lang naman, kung mayroong "most neglected sector" ang ating bansa sa maraming dekada, siguro ang middle class na iyon.

Kapag sinabing middle class, ito iyong  may sariling bahay, kayang umupa ng bahay, nakapagpapaaral ng mga anak, may trabaho ang isa hanggang dalawang miyembro ng pamilya, maaaring may sariling sasakyan, maaaring may maliit na negosyo at maayos ang sistema sa loob ng bahay.

Ang middle class, hindi ito mayaman, hindi rin ito mahirap pero masipag at masikap isulong ang kabutihan at kabuhayan ng pamilya. Ang middle class, karaniwan, hinahanap ang mga anak kapag sumapit na ang alas sais ng gabi. Ito iyong grupo ng populasyon na may maayos na sistema ng pagtatapon ng basura, pagwawalis ng bakuran o harapan ng bahay, naglalagay ng maayos na halaman sa kanilng hardin o harapan. Bihira sa middle class ang nagtatapon ng basura sa ilog o sa kanal, bagama't may mga pasaway din sa kanilang hanay.

Ang mga middle class, sila iyong late matulog pero maaga magising. Iyong alas kuwatro ng madaling araw ay nagkukumahog nang ihanda ang mga anak na papasok sa paaralan, nag-aayos ng mga babaunin papasok sa opisina. Sila iyong middle class na bago matulog, tatawag sa kanilang mga kapwa empleyado o sa mga staff sa office na under sa kanya para ipaalala ang mga obligasyon kinabukasan sa opisina.

Ang mga middle class na ito, bago makauwi sa bahay, dadaan sa pelengke para bumili ng lulutuing hapunan at aalmusalin kinabukasan.

Bihira sa middle class ang aalis nang hindi malinis ang bahay. Nagliligpit ng mga pinagkainan at  hindi hinahayaang nakatambak sa lababo ang hugasin at hindi niya ito tutulugan nang marumi.

Ang middle class, kung may pera na rin lang, sila iyong on the dot magbayad ng upa sa bahay, bill sa tubig, kuryente at matrikula ng mga anak.

Ang mabigat sa middle class, sila iyong working class na kapag sumapit na ang suweldo ng katapusan, kaltas na ng buwis para sa bayan. Magtatabi pa yan ng pang-allowance niya sa pagkain at pamasahe sa susunod na 15 days para umabot sa susunod na suweldo.

Hindi marangya ang buhay ng middle class pero walang tatalo sa kanilang sipag.

Pero pansinin nyo, kapag natapos ang kalamidad gaya ng baha at lindol, iyong middle class nagsisimula nang maglinis, nagsasalansan na mga gamit at babalik lang sa trabaho na parang walang nangyari.

Buwenas na kung maabutan ng tulong gobyerno. Hindi mo mariringang magrereklamo ang karamihan sa middle class dahil para sa karamihan sa kanila, hindi gobyerno ang bubuhay sa kanila.

Iyong mga mayayaman at sobrang yaman, maliit na parte lang siya ng bansa natin. Ang totoo, sila ang tunay na  “marginalized” dahil iilan lang sila. Strong minority, ika nga.

Ang sinasabing poor, poorest of the poor at iyong mga mas mababa sa poverty line, sila naman iyong sektor na malaki rin ang parte pero puwedeng sabihing 1/4 sila ng population or 25 to 27 million.  Kung by numbers ang usapan, ang mga rich at ultra rich ay posibleng nasa 10% or 10.5 million ng populasyon.

Ang upper middle class, ito naman iyong totoong may sariling bahay, may sariling maayos na sasakyan, may mga maliliit  na paupahan, may medium businesses, maayos ang buhay pero hindi papasok sa kategorya ng rich at ultra rich. Sa tantiya ko, ang uppler middle class ay 13% naman ito o aabot sa 12 to 15 million.

Ibig sabihin, ang middle class dito sa atin ay nasa 45 to 50 million. Dito sa middle class nagmumula ang bulk o  bulto ng buwis na ginagamit ng gobyernong pangtustos sa mga proyekto at gastusin ng bansa. Pero sila palaging wala sa listahan ng mga tinutulungan ng gobyerno.

Palagay ko, panahon na para maisaayos ito. Kailanga din namang lingunin ng gibyerno ang middle dahil dito nagmumula ang economic force ng buong bansa.

“They are often overlooked. They pay the most taxes. They keep our economy alive. They are mostly law-abiding citizens. They need a break,” sabi ni Presidente Duterte ukol sa middle kung bakit dapat din silang tulungan sa panahong ito ng krisis.

I rest my case your honor.

allanpunglo@gmail.com