Minimum age of criminal responsibility

January 26, 2019

MAS maraming negatibong komentaryo ang inani ng panukalang gawin 9 na taon ang minimum age of criminal responsibility o MACR , para managot sa hukuman sa paglabag sa batas.  

Ang pagbababa ng MACR sa edad na 9 taon ay matagal ng patakaran ng Pilipinas mula pa 1930.  Ang Revised Penal Code (ACT 3815, Dec 8,1930, Article 12, part 2) mismo ang nagtatakda na 9 na taon gulang ang edad ng minimum age of criminal responsibility. Ginagamit dito ang prinsipyo ng “doli incapax”  o walang kakayanan gumawa ng krimen ang isang bata na wala pang 9 taon gulang. Conclusive  at irebuttable ito. Kahit na may ebidensya ng “ mens rea”  o lubos na pagkaunawa na mali ang kanyang ginawa, walang pananagutan ang bata sa batas dahil wala pa siyang 9 na taon gulang.    

Sa ilalim ng RPC, kung ang edad ng bata ay higit sa 9 na taon gulang ngunit hindi lalampas ng 15 taon gulang,  ang “doliincapax” ay magiging “ rebuttable presumption”, ibig sabihin maaaring pabulaanan ng piskal sa pamamagitan ng ebidensya na ang bata ay alam na mali ang kanyang ginawa nung naganap ang krimen.

Ito ay titimbangin ng korte kung ang bata ay kumilos ng may pagkaunawa ng tama at mali at nauunawaan niya na mali ang kanyang ginawa.  Kung wala, ang bata ay ipagkakatiwala muli sa magulang na ngayon ay may babalikating mga responsibilidad para mapanuto ang bata. Kung may pagkaunawa ang bata sa kanyang maling ginawa, itutuloy ang paghahatol ngunit ito ay hindi ipapatupad. Dadaan sa intervention mula sa DSWD ang bata para mag reporma ng pananaw sa buhay ang bata.  Kung dumating ang edad na 21 at ang bata ay lumaking pasaway, ang sentensya sa kanya ay ipapatupad.  

Ang patakarang ito ay binago nuong 2006 ng RA 9344 o Juvenile Justice Delinquency Act, itinaas sa 15 taon gulang ang minimum age of criminal responsibility.  Isa ito sa mga sinisisi ng PNP kung bakit maraming bata ang nasasabit sa batas dahil ginagamit sila ng mga sindikato para maging tiktik, taga bukas ng gate at pintuan pagkaraang maisuot ang sarili sa maliit na butas sa bintana.  Pati pangho-holdup, panglilimos sa kalsada at panghahablot ng alahas at bag at cellphone ay itinuturo din ng sindikato sa mga bata upang gumawa ng krimen sa kalsada. Tutal, mahuli man ang bata, wala itong pananagutan sa batas.  

Sa Hong Kong, India, Singapore, Cyprus, Ireland, Switzerland at Liechtenstein, 7 taon gulang ang MACR. Sa England, Wales at Malaysia, ito ay 10 taon gulang, sa Mainland China at Taiwan  ito ay 14, sa Japan 16. Bagamat ang UN Convention on the Rights of the Child ay tahimik sa pagtukoy ng MACR, ang isang bata ay binibigyan nito ng katuturan na isang tao na wala pang 18 taon gulang.  (The Law Reform Commission of HK consultation paper on the age of criminal responsibility https://www.hkreform.gov.hk/en/docs/age-.pdf; binuksan ko nitong Enero 26, 2019)

At ang pagpili ng edad na 7 taon gulang ang MACR sa HK ay nagmula pa sa panahon ni Haring Edward 1 ng Inglatera. Walang batayan na sinusuportahan ng pagsasaliksik ng mga dalubhasa sa sociology at psychology.  Kapritso lang ito ng Hari para masukol niya ang mga nagrerebelde sa kanyang imperio.

Matagal na sa Senado ang pangunahing may akda ng RA 9344 subalit hindi ko maunawaan bakit hindi niya mapapondohan ang pagpapatayo ng mga facilities para sa rehabilitasyon ng mga batang lumalabag sa batas at pagkuha ng mga guidance counselors mula sa DSWD para mapatakbo ng maayos ang intervention na iniuutos ng batas. May oversight power ang Senado subalit ayaw itong gamitin para masipat kung tama ang implementasyon ng RA 9344.

Sa aking tingin, hindi dapat nagmamadali ang Kongreso sa pagtukoy ng tamang edad ng criminal responsibilty. Ang isang   9 years old na bata ay hindi pa nga dinaratnan ng regla at napakamurang edad pa ito para pumasok sa kasalukuyang intervention ng DSWD.  Kailangan natin ng datos kung anong epekto nito sa  crime rate index, at ano ang resulta ng DSWD intervention sa mga batang pumasok sa programa ng RA 9344. Kailangan din natin makita ang PNP stats para maging gabay saan ginagamit ng mga sindikato ang mga bata sa paglabag sa batas.

Mahirap pagbatayan ang edad lamang ng bata para matapatan ng nababagay na intervention ng estado.  Kadalasan naman dahilan ang kahirapan kaya ang mga bata ay pangakuan lang ng pagkain, ayos na.   Di ba iyan ang kwento sa Prince and the Pauper.  Mas gugustuhin ko pang parusahan ang mga magulang ng mga bata. Dalhin sila sa nayon at pag-araruhin ng bukid. Baka makatulong pa sila sa napakatamlay na sektor ng agrikultura ng bansa na siyang nagpababa ng GDP growth rate sa  taong 2018.