Most outstanding Senate employees!

November 12, 2018

SI Senate President Vicente ‘Tito’ Sotto III mismo ang nanguna sa ‘flag raising ceremony’ sa Senado kahapon ng umaga.

Muling nagbukas ang sesyon sa Mataas na Kapulungan kahapon mula sa isang buwang ‘session break’ na bahagi ng legislative calendar ng Senado.

Sa talumpati ni Sotto, kaagad gumanda ang umaga ng mga Senate employees nang biruin nito si Senate Secretary Myra Villarica dahil sa kulay pulang kasuutan ng lady official.

Ani Sotto, tila may nais ipahiwatig ang suot na damit ni Sec. Myra dahil malapit na ang Kapaskuhan.

Alam ni Sotto na isa sa inaabangang pahayag na gagawin niya ay tungkol sa ‘Christmas bonus’ ng may 1,800 Senate employees mula sa regular, casual at kontraktuwal na empleyado.

“Pinag-iisipan ko pa. Pinag-iisipan pa namin, pero siguradong mayroon at may dagdag pa,” sabi ni Sotto na sinalubong ng masigabong palakpakan ng mga empleyado ng Mataas na Kapulungan ng Kongreso.

Si Sotto, ika-23 Senate President ng bansa, ang itinuturing na isa na sa pinakagalanteng naging pinuno ng Upper House.

Nang maupo ito bilang SP noong buwan ng Mayo, kaagad itong nagbigay ng P5,000 na dagdag sa Allocations of Grocery and Transportation Allowances (AGERTE) ng mga empleyado.

Ngayon pa lang, masaya na ang Pasko ng  Senate employees. Karapat-dapat naman talagang ibigay ito sa kanila dahil sa pagiging dedicated sa kanilang trabaho mula sa iba’ibang Senate hearings at pagbalangkas ng batas.

* * *

Samantala, isa sa ‘highlight’ ng ‘flag ceremony’ kahapon ay ang paggawad ng parangal sa mga natatanging empleyado ng kapulungan.

Taun-taong ginagawa ito bilang pagkilala sa kagalingan, kasipagan at katalinuhan ng Senate employees.

Hinati sa tatlong departamento ang parangal -- ang Legislative department, Administrative at Office of the Secretary (OSec).

Ginawaran sa Legis bilang Most Outstanding Senate Employees in their respective department si Ms. Marilou H. Binanitan at sa Admin naman ay si Ma. Theresa M. Mutuc. Bukod sa Plake ng Pagkilala na iniabot ni Sotto, tumanggap din ng tig-P5,000 cash sina Binanitan at Mutuc.

Si Ms. Riza Octavo Jumeras naman na mula sa Office of International Relations and Protocol (OIRP) ang itinanghal na Most Outstanding Employee of the Senate. Si Jumeres din ang natatanging empleyado ng kanilang departamento kaya bukod sa P5,000 cash ay may tinanggap din itong P35,000. Labas pa rito ang dalawang plake para sa kanya.

Bukod sa tatlong pinarangalan, may 25 ‘nominees’ din ang binigyan ng pagkilala dahil bahagi sila sa mga pinagpiliang empleyado.

Dumaan sa mabusising pag-aaral ang parangal na ibinigay ng Senado sa kanila.

“As they say, there is a season for everything, a time to plant, a time to harvest. Ito ay isa sa mga panahon na iyon: a time to honor those who have given their best to their job, and a time to honor those whose services to the Senate have come to an end,” sabi pa ni Sotto.

* * *

Kaugnay nito, 16 retirees naman ang binigyan ng ‘Milestone Awards’ na nagretiro o magreretiro ngayong taon.

Personal na nagpasalamat si Sotto sa  ‘retirees’ na naging bahagi aniya kung bakit naging maganda ang ‘performance’ ng Senado sa loob ng mahabang panahon.

* * *

Napag-usapan na rin lang ang Senado, gusto ko lang tawagan ng pansin si ret. Gen. Jose Balajadia, Jr., hepe ng Office of the Sergeant at Arms (OSAA), tungkol sa parking space para sa mga PWD (Persons With Disabilities) sa paligid ng Senate building sa GSIS Compound.

Baka puwede nitong gawan ng paraan na ibakante ang mga parking para sa PWD dahil hindi na po ito nagagamit ng publiko.

Sa ipinarating na sumbong, ilang Senate employees ang palagi na lang pumaparada rito at ikinakatwirang sila rin ang PWD kahit ang taglay na sakit lamang ay ‘psoriasis’ o isang uri ng sakit sa balat.

Ang nangyayari tuloy, ang mga PWD na bumibisita sa Senado ay nawawalan na ng paradahan.

Sana Gen. Balajadia, sir, maging mahigpit tayo sa pagpapagamit ng  parking ng PWD kasi para ito sa mga taong ‘hirap nang makalakad’ at hindi para sa mga taong may sakit lamang sa balat, pero kaya pang maglakad.

Ang Senate ay may pitong paradahan para sa PWD. Dalawa ang slot malapit sa flagpole, isa malapit sa canteen at apat sa harap ng Senate building na malapit sa gate ng GSIS.

Asahan natin ang mabilis na tugon dito ni Gen. Balajadia.