Home>Editorial>Opinion>Motorcycle cops pangtapat sa riding-in-tandem criminals

Motorcycle cops pangtapat sa riding-in-tandem criminals

MUKHANG makakakuha na ng katapat ang kilabot na grupo ng mga riding-in-tandem na may kagagawan ng ilang mga malalaking krimen sa Metro Manila dahil may mga ipakakalat na ring motorcycle riding cops ang National Capital Region Police Office (NCRPO) na tutugis sa mga kriminal.

Kung inaakala ng mga kriminal na ordinaryong mga pulis na naka-motorsiklo lang ang ipapakalat sa mga lansangan sa Metro Manila, aba’y nagkakamali sila dahil bukod sa mahusay sa pagmamaneho ng motorsiklo ang mga motorcycle cops, bihasa rin sila sa paggamit ng baril at kayang tamaan ang “moving target” habang humahabol sa mga kriminal.

Iisipin siguro ng marami na sa mga ma-aksiyong pelikula lang nila napapanood ang mga eksena ng barilan sa pagitan ng mga naghahabulang pulis at kriminal pero dahil isinasalang na ngayon sa mga matitinding training at shooting competition ang mga pulis, hindi malayong maganap sa tunay na buhay ang mga eksenang kadalasan lang napapanood sa pelikula.

Sa ilalim kasi ng pamumuno ni NCRPO Chief P/MGen. Debold Sinas, nais niyang mapanatili ang pagkabihasa ng kapulisan sa paghawak at paggamit ng baril kaya nga inilunsad niya ang Clash of the Ranks Shootfest sa Camp Bagong Diwa, Bicutan, Taguig City noong nakaraang buwan.

Nilahukan ng mga pulis sa iba’t-ibang distrito ng kapulisan at police stations sa Metro Manila at maging ng mga tauhan ng Regional Headquarters, Regional Mobile Force, Regional Support Units ng NCRPO ang naturang paligsahan na layuning mapalakas ang kanilang kumpiyansa at husay sa paggamit ng kanilang service firearms.

Sa mga ganitong uri ng kompetisyon, idagdag pa ang pagsasailalim sa kanila sa puspusang pagsasanay, malalaman kung sino sa mga pulis ang kuwalipikado upang maging miyembro ng motorcycle cops na ipangtatapat sa mga riding-in-tandem criminals.

Hindi naman kinakailangang gamitin ng mga pulis ang personal o sarili nilang motorsiklo sa pagpa-patrulya dahil may motorsiklong inilaan ang NCRPO sa mga motorcycle cops upang kanilang magamit.

Matatandaan na noon lang hapon ng Oktubre 9, 2020, binaril ng riding-in-tandem ang messenger/collector ng isang kompanya sa Valenzuela City at tinangay ang dala nilang salapi na halos kalahating milyong piso ang halaga.

Kamakailan din ay inagawan naman ng mamahaling cellular phone ang isang dalaga sa loob ng isang kilalang coffee shop sa Binondo ng isang lalaki at mabilis na tumakas, sakay ng isang motorsiklong minamaneho ng kanyang kasama.

Ayon kay MGen. Sinas, kilala na ng kapulisan ang mga may kagagawan sa dalawang magkasunod na krimen na gawa ng riding-in-tandem at konting panahon na lang ang kanilang kailangan at tiyak na madarakip din ang mga ito.

Donasyon laban sa COVID-19 bumuhos

Sa dami ng mga pulis sa Metro Manila na nag-positibo sa mapanganib na sakit na coronavirus disease (COVID)-19, kinailangan ni National Capital Region Police Office (NCRPO) chief P/M/Gen. Debold Sinas na gumawa ng mga paraan upang matugunan ang mga kinakailangang hakbang para hindi na kumalat pa ang sakit sa iba pang miyembro ng kapulisan.

Kabilang siyempre dito ang pagtatayo ng mga pasilidad para sa mga nagpositibo sa virus, lalu na sa mga hindi nakakaramdam ng sintomas o may mga mild cases, hindi lang sa loob ng kampo kundi sa bawat’ distrito ng kapulisan sa Metro Manila.

Dahil sa nakikitang pagpupursigi ni MGen. Sinas sa paggawa ng mga hakbang sa pagtugon sa problema ng COVID-19, bumuhos ang tulong sa NCRPO mula sa mga pribadong inbididuwal at kompanya na nagbigay ng kanilang donasyon upang matugunan ng tanggapan ang kakulangan nila ng resources.

Nito lamang nakaraang Lunes, naghandog ang Gideon International sa ilalim ni Bro. Mike Sarmiento, pangulo ng South Luzon State Association, ng 17,523 na bibliya sa NCRPO upang maipamahagi sa kapulisan.

Noong Oktubre 16, naghandog naman ang MeiHao Corporation sa pamamagitan ni Dr. Jimmy Hao ng RESmart GII BPAP System Ventilator na nagkakahalaga ng P500,000 para magamit ng mga tauhan ng Regional Health Service ng NCRPO.

Ang Upleading Incroprated ay nagkaloob naman ng 300 kahon ng 3-ply face masks at 300 kahon ng face shield habang si Senator Sherwin Gatchalian, sa pamamagitan ni Ambassador Benedicto Yuico ng Philippine Chamber of Commerce and Industry (PCCI) ay nagbigay ng 10,000 face shields at 10.000 face masks.

Lubos naman ang ipinaabot na pasasalamat ni MGen. Sinas sa mga kompanya at mga taong may mabubuting kalooban na taos-pusong naghahandog ng tulong sa NCRPO upang maipamahagi nila ang mga ito sa buong puwersa ng kapulisan sa Metro Manila.

Sa ipinamamalas na malasakit ni MGen. Sinas sa kapakanan ng mga pulis, dapat lang na tumbasan ito ng kapulisan sa pamamagitan ng pagpapamalas ng maayos at makatuwirang paglilingkod at pagbibigay ng proteksiyon sa mamamayan.

Sa puna at reaksiyon, mag-email lang sa eddreyes2006@yahoo.com o mag-text sa 0923-3478363

Publication Source :    People's Tonight