Motorcycle taxi, bigyan ng tsansa

December 29, 2018

MARAMI sa mga commuter sa Metro Manila at Metro Cebu ang nadismaya makaraang magpalabas ng Temporary Restraining Order (TRO) ang Supreme Court sa operasyon ng Angkas.

Para sa kabatiran ng lahat, ang Angkas ay application-based ride hailing company na gumagamit hindi ng mga kotse kundi ng mga motorsiklo bilang public mode of transportation.

Nakiisa na rin sa mga boses na nakikiisa sa panawagan para sa pagpapatuloy ng operasyon subalit kailangang isailalim sa regulasyon ay mismong si Ilocos Norte Governor Imee Marcos.

Sa pananaw ng anak ni dating Pangulong Ferdinand Marcos, ang patuloy na suspensyon ng Angkas ay maituturing na “anti-poor” at “anti-consumer”.

Iginiit ni Marcos na ang pagpapatigil sa operasyon ng motorcycle taxi o mas kilala bilang “Habal-Habal” ay nangangahulugan na mas parusang pagko-commute lalo na sa mahihirap lalo’t napapanahon ang “carmageddon”o ang matinding pagsisikip ng daloy ng trapiko kahit saang lugar.

Dahil anya sa matinding trapiko, iginiit ni Marcos na ang motorcycle taxi ang maituturing na pinakamagandang solusyon upang labanan ang holiday rush, Christmas shoppings, parties, reunions at iba pang events.

Sa ating pananaw, maraming dahilan si Marcos para madismaya.

Batay sa Japan International Cooperation Agency (JICA), nasa P3.5 bilyon kada araw ang nawawala sa Pilipinas dahil sa traffic problems na hindi naman nabibigyang solusyon ng gobyerno.

Para naman maging patas tayo sa kasalukuyang administrasyon, ang problema sa trapiko, lalo na sa Metro Manila ay hindi naman ngayon lamang nagsimula kundi dahil na rin sa kawalan ng urban planning maging ng mga nakaraang pamahalaan.

Simula pa noong dekada 70, nakita na ni dating Pangulong Marcos ang magiging problema sa daloy ng trapiko kaya naman sinimulan nang magtayo ng major road projects sa bawat sulok ng bansa bilang paghahanda sa pagdami ng mga sasakyan dahil sa industriyalisasyon at paglago ng ekonomiya.

Ngayong panahon naman ang anak ng dating Pangulo na si Imee ang nagbibigay ng suhestyon sa administrasyon na sundin ang programa na ipinatutupad sa Indonesia -- ang “Go-Jek” initiative na ikinukunsidera bilang unicorn sa motorcycle-taxi industry.

Sa naturang proyekto, naglaan ang Indonesia ng 1-billion US dollars upang pondohan ang 1.5 million motorcycle-taxi sa bawat congested areas at mga rural area.  

Dahil sa government regulations, dumaloy ang kita sa bansa kasabay ng paniniyak ng safety standards tulad ng training sa riders habang kontrolado rin ang pasahe.

Sa gitna pa rin ng hindi natatapos na isyu sa Angkas, umaasa rin tayo na ikukunsidera ng Land Transportation Franchising and Regulatory Board (LTFRB) ang mga panukala at rekomendasyon at sasamantalahin ang kaginhawaan at pagiging praktikal ng motorcycle taxis at huwag na itong pagkakitaan pa ng iilang tiwali.