‘MUY GUAPITO’

November 17, 2018

PAMILYA sila ng barbero.

Sa murang edad, paggupit na sa buhok ang nakahiligang gawin ni Jojo Reyes Mislang na kilalang manggugupit sa Bangkal, Makati.

Tubong Bugallon, Pangasinan,  edad 16-anyos nang umpisahang maggupit ng buhok ni Jojo. Impluwensiya ito ng tiyuhing may-ari ng Rolands Barber Shop.

Pito silang magkakapatid at silang lahat ay manggugupit!

Taong 2004, inaya siya ng kaibigang magtayo ng barber shop. Dito unang itinayo ang Muy Guapito Barber Shop. Una itong nakapuwesto sa may tulay ng Lukban, kalye  Evangelista sa Bangkal.

Palibhasa, taglay ni Jojo ang gandang lalaki -- angkop na angkop sa kanya ang tawag na ‘Muy Guapito.

Si Jojo yung tipo ng lalaki na lapitin hindi lamang ng mga babae, kundi pati na rin ng mga kalahi ni Beki.

Noon iyon.

Taken na kasi si Jojo ngayon.
 

Ang asawa nitong si Gigilyn ay isang accounting officer at may tatlo na silang anak -- si Gabriel, 14; Jacob, 6; at si Gwyneth na isang buwan pa lamang.

Kasama na ni Jojo sa ‘Muy Guapito’ si Arturo Zamaranos, na kilala sa tawag na Kuya Jun, tubong Rosario, La Union.

Nang makaipon ng kaunti, ang kapatid ni Jojo na si Joel naman ang nag-aya sa kanya na magbukod ng barber shop. Ang puwesto naman nila ay sa Estrella Street at inumpisahan ito noong taong 2006.

Iba-iba na ang parokyano ni Jojo. May mga artistang lalaki na ayaw nang ipabanggit ni Guapito kasi wala siyang pahintulot para sabihin ang kanilang pangalan.

Madalas, hatid-sundo ang peg ni Jojo sa tuwing magpapagupit ang ilang pulitiko. Mayroon sa malalayong probinsiya at mayroon din sa mga eksklusibong subdivision dito sa Metro Manila.

Ang kanyang parokyano ay mayor, governor, konsehal, congressmen at kahit mga banyaga. Ang nakahahanga, may mga grupo rin ng mga ‘Yuppy’ o young professionals ang sabay-sabay na nagpupunta sa shop para magpagupit.

Ang kadalasang problema sa kanyang shop ay parking.

Taong 2015, naglakas loob si Jojo na magpalaki ng barber shop. Ito ngayon ang Muy Guapito Barber Shop na nasa M. Reyes Street sa Bangkal.

Sa tulong ng ilang kaibigan at mga customer na nagtiwalang nagpautang ng pera bilang puhunan, naitayo niya ito na mas malaki at mas maganda.

Kasama pa rin niya rito si Kuya Jun, si Kuya Joel niya at kinuha na rin nila bilang barbero ang kapatid na si Joseph.

Puwera biro, sa sobrang dami ng parokyano ni Jojo, karamihan sa kanyang mga customer ay nagpapa-set pa ng ‘appointment’ o madalas ay tine-text na siya ng ‘advance’ para sa pila.

Kahit maganda na ang puwesto ng kanyang shop, hindi sila nagtaas ng puwesto. Nakababawi na lang sila sa tip at sigurado akong hindi basta tip ang nakukuha nina Jojo mula sa mga customer na nasisiyahan sa husay nilang maggupit.

Ang catch sa Muy Guapito, walang boss sa kanilang magkakapatid. Lahat sila pantay-pantay at ito ang gustong mangyari mismo ni Jojo.

“Lahat 50-50 sa hatian. Walang lamangan. Ayaw kong boss. Lahat kami tagalingkod at ang boss namin ay ang aming customer,” sabi pa ni Jojo.

Marahil nagtataka ang ilan nating mambabasa kung bakit pinag-aaksayahan kong isulat ang ganitong uri ng artikulo.

Gusto ko lang ma-inspire ang ating mga kababayan na puwedeng umasenso sa isang marangal na pamamaraan.

High school graduate lang si Jojo, pero daig pa niya ang may masteral degree sa larangan ng pagnenegosyo dahil sa buong lungsod ng Makati ay kilala na ang Muy Guapito at naniniwala tayong makikilala pa ito nang husto sa mga darating pang panahon.

Sa City Guide catalogue ng lungsod, isa ang Muy Guapito sa ‘must visit’ ng mga taong nais magpagupit ng maayos, matino at maganda.

Kudos sa Muy Guapito!

Inaki  Trading  Car Accessories

Binanggit ko na rin lang ang Bangkal, Makati, gusto ko na ring samantalahin para  batiin ang isa pa sa masugid na mambabasa ng People’s Tonight -- ang Inaki Trading Car Accessories diyan sa Evangelista Street ng nasabing lungsod.

Tulad ng Muy Guapito, ‘regular subscriber’ ng People’s Tonight ang Inaki Trading.

Katunayan, lahat halos ng reporter at columnist ng aming pahayagan ay kilala sa pangalan ng may-ari ng nasabing tindahan na sina Samuel ‘Kuya Sam’ at Tita Labarentos.

Doon ko nga rin nalaman na tagahanga rin sila ng aming senior reporter at columnist na si Paul Gutierrez, ang dating pangulo at ngayo’y  vice-president ng National Press Club (NPC). Madalas din daw nilang basahin ang masisipag naming Congress reporters na sina Ryan Ponce Pacpaco at Jester Manalastas.

Kung pag-uusapan ang kanilang paninda, wala tayong ibang hahanapin sa Inaki kasi lahat halos ng car accessories ay mayroon sila.

Si Ate Flora Mante na namamahala ng shop ay hindi kuripot magbigay ng discount lalo kung buwena mano ang kanilang customer.

Siyempre, saluduhan din natin ang magagaling na ‘installer’ at tauhan ng Inaki Trading na sina Leo Figura, Ronnie Geologan, Ruben Rodriguez, Carlos Mance at Arnaldo Magat.

Kahanga-hanga ang tropang ito.

Kapag sila ang gumawa ng inyong sasakyan, para ka na ring nagpagawa sa casa.

Sa aming kuwentuhan ni Kuya Sam, sinabi nitong 20 taon na ang kanilang tindahan sa Bangkal. Dito na rin niya napagtapos ang kanyang anak.

Katunayan, ang anak nitong isa ring ‘electronics engineer’ ay nagtayo na rin ng sariling shop sa Bangkal na Radify Car Accessories.

Madaling hanapin ang Inaki Trading kasi halos tapat sila ng Phoenix gasoline station na ipinasara kamakailan dahil sa ‘gas leak.’

Wag po kayong mag-alala, wala nang ‘leak’ sa nasabing lugar at sigurado kayong ‘sariwang’ produkto ang mabibili nyo sa Inaki kasi puro ito bago at hindi sila tumatanggap o nagbebenta na mula sa nakaw.

Muli, salamat sa walang sawang pagtangkilik sa People’s Tonight, Inaki Car Accesories!