Na-kick out ang bully sa Ateneo, dapat i-kick out din si Garin sa Kongreso!

December 27, 2018

TULAD ng insidenteng pambu-bully sa junior high school student ng Ateneo de Manila University (ADMU), nakaiinis at nakapanginginig din ng laman ang ginawang pananakit ni Iloilo 1st District Rep. Oscar ‘Richard’ Garin kay PO3 Federico Macaya kamakailan.

Nakadadagdag galit din ang balitang kasama ni Cong. Garin sa pananakit ang tatay nitong si Guimbal, Iloilo Mayor Oscar Garin at nangyari ito sa harap mismo ng chief of police ng kanilang bayan na si Sr. Insp. Antonio Monreal na inutusan pang disarmahan ang sariling tauhan.

Pinosasan ang pobreng pulis na si Macaya, tinutukan ng baril ng mag-amang Garin, sinuntok, tinadyakan at dalawang ulit na dinuraan sa mukha.

Si Hepe ay walang nagawa kundi panoorin ang pananakit ng kongresista’t alkalde.

Maagap sa paglabas ng pahayag si Police Regional Office (PRO) 6 director Chief Supt. John Bulalacao at sinabi nitong kahit humingi ng paumanhin sa kanya si Cong. Garin, hindi nila palalagpasin ang nasabing insidente at desididong sampahan ng kaukulang kaso ang mambabatas, gayundin ang gurang na mayor.

Sa pahayag ni Garin, kaya umano niya nagawang saktan ang pulis dahil sa galit kay Macaya nang malamang ‘nagpa-areglo’ sa kaso ng ‘physical injury’ ang pulis sa naganap na kaguluhan sa kanilang bayan.

Ibig sabihin, galit si Kongresman dahil hindi gumawa ng aksiyon sa isang physical injury case si Macaya, pero ito rin pala ang gagawa ng isang kaso ng physical injury at may bonus pa ng ‘assault to a policeman.’

Sinibak na sa puwesto bilang hepe si Sr. Insp. Monreal at ang buong miyembro ng Guimbal Police Station ay kusang-loob na ring nagpalipat ng puwesto sa takot na maipit silang lahat sa nasabing iskandalo.

May pagkakaiba at pagkakahawig ang insidente ng Ateneo bully incident at ang ‘Garin mauling and assault case.’

Una, hindi tulad sa grade school student na black belter ng Taekwondo, hindi ito nakuhanan ng video. Pero, si Ateneo student ay menor de edad. Hindi katulad ni Cong. Garin na bukod sa sobra na sa hustong gulang ay isa pang government official na halal ng taumbayan.

Isang opisyal na inihalal ng kanyang mga kababayan para gumawa ng batas at hindi para lumabag sa batas at manakit ng alagad ng batas!

Sa mga hindi nakakaalam, si Cong. Garin ay mister ni dating Health Secretary Jannete Garin na di umano ay pasimuno ng kontrobersiyal na P3.5 billion scam na Dengvaxia vaccine.

Mismong si dating Health Sec. Pauline Ubial ang nagbunyag na ang mister ni Sec. Garin ay nag-atas din sa kanya na dagdagan pa ng pag-angkat at pagbili ng Dengvaxia sa kabila ng katotohanang hindi ito dumaan sa masusing pag-aaral para maging ligtas ang ating mga anak.

Habang isinusulat ko ito, umabot na sa 3,281 ang naospital dahil sa Dengvaxia. Ang 1,967 ay sinasabing may dengue indication; 106 na ang iniulat na namatay -- 103 rito ay mga bata at tatlo ang adults. Base ito sa lathalain ng Wikipedia nito lamang Disyembre 20, taong kasalukuyan.

Dahil sa nangyaring pananakit ng mag-amang Garin, galit din si PNP Chief Director General Oscar Albayalde at inutos na tanggalan ng kapangyarihan ang Local Government Unit ng Guimbal town at isailalim sa kanila ang pamamahala ng kapulisan.

Tiwala tayo sa kakayahan ni Gen. Bulalacao na mabigyang katarungan ang ginawang pananakit, pang-aapi at paglapastangan sa dignidad ng kanyang pulis.

Naniniwala rin tayong maglalabas ng paborableng desisyon ang piskalya at hukuman upang maparusahan si Garin sa mga susunod na araw.

Pero ang hiling natin ngayon, kung nagawa ng ADMU na i-kickout ang bully nilang estudyante, dapat ay i-kickout din ng Kongreso si Cong. Garin.

Baka kasi ang mangyari, humingi lang ng paumanhin si Garin ay hindi na siya patawan ng ‘ethics case’ ng Mababang Kapulungan, tulad na lang ng ginawang kabulastugan noon ni ACT-OFW Partylist Rep. Aniceto ‘John’ Bertiz nang duruin naman si Hamilton Abdul ng Office of the Transport Security (OTS) nang tumangging dumaan sa security protocol sa NAIA Terminal 2 noong  buwan ng Oktubre.

Dalawang pang-aabuso ng kongresista ang naitala ngayong taon sa gitna ng katotohanang nagluluksa pa sila dahil naman sa pagpaslang kay Ako Bicol Partylist Rep. Rodel Batocabe.

Sana, kahit papalapit na ang eleksiyon at naka-adjourn  na rin ang Kongreso, gumawa pa rin ng malinaw na hakbang ang pamunuan ni Speaker Gloria Macapagal-Arroyo laban sa pang-aabuso’t pananakit ni Garin.