Nagkabati rin sina Senator JV at Jinggoy!

February 18, 2019

HINDI lamang si dating Pangulo at ngayo’y Manila reelectionist Mayor Joseph ‘Erap’ Estrada ang natuwa sa ginawang pagbabati nina Senador JV Ejercito at kapatid na si dating Senador Jinggoy Estrada, kundi masaya rin para sa kanila ang iba nilang kapatid, kaanak, kaibigan at milyun-milyong tagasuporta.

Ang pagbabati ng dalawa ay naganap sa mismong unang araw ng kampanya noong nagdaang Martes sa San Fernando, Pampanga kung saan pormal inihayag  ni Davao City Mayor Inday Sara Duterte ang mga kandidatong sinusuportahan ng Hugpong ng Pagbabago (HNP) na pinakamalaking regional party sa buong Pilipinas.

Unang dumating si JV sa ‘kickoff rally,’ kaya pag-akyat sa entablado ni Jinggoy, lahat ng media ay nag-aantay kung lalapitan ba nito at kakamayan ang nakababatang kapatid.

Kahit si senatorial candidate Francis ‘Tol’ Tolentino na katabi sa upuan ni JV ay kumalabit sa kanya na may halong biro at kantiyaw.

Hindi naman nabigo ang mga nag-aabang dahil paglapit ni Jinggoy kina Tolentino at sa best friend nitong si comebacking Senator Ramon ‘Bong’ Revilla, Jr., ay nagkamay ang dalawa.

Kita rin ang saya para sa kanila nina dating Pangulo at ngayo’y Speaker Gloria Macapagal-Arroyo, gayundin si Mayor Sara na sa mga nakalipas nitong ‘sortie’ bago pa ang opisyal na araw ng kampanya ay dinadaan na sa biro ang kanyang talumpati tuwing ipapakilala sa stage si JV at Jinggoy dahil salisihan daw kung sumama sa kanya ang magkapatid sa pagpunta niya sa iba’t ibang  panig ng bansa.

Nang magtatalumpati na si JV, lumapit uli si Jinggoy at itinaas pa nito ang kamay ng kapatid -- bagay na nagpakilig at nagpasaya sa mga libu-libong Kapampangan noong mga oras na iyon.

“All is well that ends well,” ika ‘nga sa matandang kasabihan.

Malalim ang pinaghuhugutan ng tampuhan ng magkapatid pero hindi ko na kailangan pang banggitin ito dahil naniniwala akong ‘sinsero’ ang pagkakabati ng dalawa.

Bilang mambabatas, kapwa wala tayong masabi sa kanila.

Unang naging senador si Jinggoy, taong 2004 (13th Congress). Nakober pa natin siya nang mapasama at manalo sa ‘senatorial line-up’ ng ninong niyang si dating presidential candidate Fernando Poe Jr.

Nagkasama naman sina JV at Jinggoy noong 16th Congress, ngunit hindi natapos ni Jinggoy ang anim na taong termino sa plenaryo dahil ipinakulong ng Aquino administration noong taong 2014 -- kasama sina dating Senate President Juan Ponce Enrile at Revilla.

Ang kanilang kaso ay tungkol sa multi-million peso pork barrel scam.

“Selective justice system!’ sigaw ni Jinggoy laban sa Aquino administration.

Pansamantala silang nakalaya ngayon ni JPE na tumatakbo rin sa pagka-senador matapos maglagak ng piyansa -- samantalang si Revilla ay pinawalang sala na ng Sandiganbayan.

Bilang senador, wala tayong masabi kay Jinggoy dahil noon pa man, sinunod nito ang bilin sa kanya ng ama, pati ang mentor na si Enrile at ni yumaong Senator Miriam Defensor Santiago na mag-aral nang mabuti sa pagbalangkas ng batas.

Hindi nagkulang dito si Jinggoy at isa sa ipinagmamalaki niyang batas ay ang Kasambahay Law na sandata ngayon ng ating mga kababayang naninilbihan bilang mga kasambahay. Sa batas na ito, binibigyang proteksiyon ang lahat ng kasambahay na magkaroon ng isang araw na pahinga sa loob ng isang linggo. Ang mga kasambahay na may suweldong P5,000 pataas kada buwan ay dapat i-miyembro sa SSS, PhilHealth at kahit Pag-ibig.

Isa rin si Jinggoy sa nakapagtala sa kasaysayan ng Mataas na Kapulungan ng Kongreso na may ‘perfect attendance.’ Natatandaan ko, kahit inaapoy ito ng lagnat ay pumasok pa rin sa sesyon, bagay na ikinahanga lalo ng ilang Senate media sa kanya.

Kung usapin din ng kasipagan, isa rin si Senator JV sa may taglay na ganitong katangian. Lahat halos ng Senate hearing ay dinadaluhan nito -- lalo na ang usapin na may kinalaman sa pangkalusugan at isa pa niyang adbokasiya na mass transport system.

Si JV ang pangunahing nagsusulong kaya magiging makatotohanan na ang Philippine National Raiways Clark 1 project na malaking tulong sa mga pasaherong magmumula ng Tutuban, Manila hanggang Malolos, Bulacan, vice versa. Bahagi ito ng build, build, build project ng Duterte administration.

Bilang chairman ng Senate Committee on Health, si JV ang nasa likod, ‘principal author’ at pursigidong maisabatas ang Universal Health Care (UHC) bill na malaking tulong para sa ating lahat.

Sakop sa batas na ito ang maging awtomatikong miyembro nating lahat sa PhilHealth. Magiging libre na ang medical check up nating lahat, gayundin ang bayad sa mga laboratory exams.

Malaking bagay din ang UHC dahil kahit ‘maintenance medicine’ ng ating mga senior citizens ay magiging libre na rin, samantalang may ganitong benepisyo rin ang mga buntis at mga batang paslit.

Inaasahang ngayong linggong ito ay pipirmahan na ng Pangulong Duterte ang nasabing batas na magandang legasiya rin ng kasalukuyang administrasyon -- bukod siyempre ang matagumpay na giyera kontra droga at kriminalidad.

Sa tala, nasa 65 porsiyento ng mga Filipino ang isa-subsidize ng gobyerno sa ilalim ng panukala habang 35 porsiyento na contributory members ng PhilHealth ang mabibigyan ng special na packages bilang kanilang incentives.

Tiniyak ni Ejercito na may sapat na pondo ang implementasyon ng UHC, lalo na sa unang dalawang taon.

Sa galing at husay ng magkapatid, ako na po ang nagsasabi sa inyo na ito rin ang kanilang sandata upang makabalik at magkasama muli sila sa Senado ngayon.