Home>Editorial>Opinion>Nagkakababuyan sa baboy!

Nagkakababuyan sa baboy!

MARAMI na sa ating mga kababayan ang nagdidildil na lamang ng baka dahil sa sobrang mahal ng baboy.

Nakakaawa na iyong kapitbahay kong si Mang Bestre, beef tapa sa umaga, bulalo sa tanghali at tenderloin steak sa gabi! Well done!

Bakit nga naman hindi ka magtiyayaga sa baka na P350 hanggang P380 lang ang kada kilo? Hindi na nga sila makapagsigang ng liyempo at apritadang baboy kasi nga P450 hanggang P470 ang kada kilo.

Nang huli akong mamalengke, P220 lang ang kilo ng baboy. Ngayon, kalahating kilo pa lang, P225 na!

Bakit nga naman hindi magmamahal ang baboy, magmula pa lang sa paglabas ng kanilang koral, may nakaabang nang trader na magpapatong sa presyo na kanyang makukuha kada kilo na natural lang naman.

Si hog raiser naman, ang kuwenta niya sa presyo ay naka-factor in na ang gastos niya sa feeds or karning baboy. May bitamina pa, may suweldo pa sa mga taga-alaga.

Mula sa hog raiser, iyong hahango naman may driver, may gasolina na bahagi ng kanyang expenses. Iba pa rin kung siya ang kakatay dahil bagong gastos pa iyon.

Ang problema, kapag nakalabas na ang trader, may mga bayan pala siya na dadaanang iba pa ang bayad. Mula sa bayan, may barangay fee pa siya na kailangang bayaran bukod pa ang pandemic gimik na disinfection sa trak na P250. Buwenas kung isang barangay lang ang dadaanan niyang may ganyang scheme.

Idagdag mo pa ang dalawang sticker mula sa Department of Agriculture na P500 ang halaga. Mayroon pang National Meat Inspection Service o NMIS clearance yan para malagyan ng tatoo ang baboy na fit for human consumption.

Hindi pa dyan natatapos yan, may mga police checkpoint na kapag matindi ang nakabantay, hihingi pa yan ng “tollgate” na P500 kada trak. Kapag minalas-malas si biyahero, nataon pang birthday ng misis ni parak kaya aarbor pa ng ulo yan.

Eh, kapistahan din pala kila hepe kaya kailangan niya ng tatlong pata, iyong dalawa sa harap para malaman at iyong isang pata sa likod para pang-sabaw na mabuto. Hindi pa ginawang apat ng gago para hindi na talaga makalakad ang baboy papuntang palengke!

Isipin nyo, ilang pambababoy ang dinaanan ng mga traders bago makarating sa palengke. Wait, there’s more, si Market Master pa pala baka hindi pa naabutan kasi kailangan din ng go signal para maitinda sa palengke niya ang karne!

Ngayon, iyong baboy na nagsimula sa pagiging biik, ganoon din sa hingian ng kotong, magsisimula sa maliit na hingi hanggang sa umabot na sa malaki.

Si tindera naman, kailangan ding pumatong para may tubo din naman siya kahit P30 hanggang P50 kada kilo. Sa dami ng dinadaanan ng baboy na yan, baka hindi na talaga makayanan ng ating mga suki ang makabili.

Sana lang ay alam ni Secretary Dar ang formula kung paano mababawasan ang kamay na dinadaanan ng mga baboy bago makarating sa kusina ng ating mga kababayan.

Kung hindi, talagang hanggang kaning-baboy na lang tayo! allanpunglo@gmail.com

Publication Source :    People's Tonight
Allan L. Encarnacion
Former Writer, Associate Producer, Magandang Umaga Pilipinas (ABS CBN) | Former writer, creative of Iba-BALITA, Studio 23 | Former host, Good Morning Kuya, UNTV