Nagpapakalat fake news, hinugot sa tumbong ni Satanas!

April 01, 2020

Paano ba isasalarawan ang mga kababayan natin na kaya pa ring magpakalat ng mga fake news sa harap ng nahihintakutang mamamayan?

Para silang mga buwitreng nakaabang ng pagkakataong sagpangin ang sinumang dadaan sa kanilang harapan. Para silang mga iniluwal sa tumbong ni Satanas na sobrang lakas ng halakhak habang nagdurusa ang kanilang mga kapwang palaging may agam-agam.

Hindi madali ang dinaranas ng bansa dahil sa virus. Hindi madaling makulong ka sa iyong tahanan ng isang buwan na wala kang trabaho at wala kang mapuntahan.

Marami sa atin ang dumaranas na ng kagutuman kahit pa sabihin nating may ayuda na nagmumula sa lokal at pamahalaang nasyunal. Alam nating lahat na hindi kakayanin ng gobyerno ang masyadong matagal na lockdown dahil nilulumpo nito ang ekonomiya ng buong bansa.

At habang naghihirap at dumaranas ng dusa ang bayan, may mga taong ang bisyo ay manakot sa pamamagitan ng pagpapakalat ng mga fake news! Makikita mo sa social media kung sino talaga ang mga totoong tao at totoong marunong makipagkapwa tao.

Tulad ng mga  nagpakalat ng pekeng balitang martiaw law, nationwide lockdown, extension ng Luzon wide lockdown pagkatapos ng April 14. May mga nagpakalat din ng balita na muubusan na ng food supply ang Luzon.

Una, nagiging sanhi ito ng panic buying kaya noong mga araw na lumabas ang fake news, sobrang haba ng pila sa lahat ng palengke at mga grocery stores. Habang nakikinabang dito ang mga negosyante, marami naman sa ating mga kababayan ang kinakabahan.

Ganoon ba tayo mag-isip sa gitna ng krisis na ating dinaranas ngayon? Para naman sa mga kababayan nating walang isip sa social media, basta na lamang nila ipapakalat ang balita sa pamamagitan ng pag-share kahit walang batayan.

Sana naman, tingnan nyo mabuti ang source ng balita. Kung minsan, kahit galing sa isang legitimate media company, tingnan nyo pa rin mabuti baka ginamit lang ang logo o website ng kompanya.

Sa ngayon, sobrang ingat ang mainstream media sa pagpapalabas ng mga mali at fake news dahil nakabantay sa kanila ang gobyerno. Plus, nakatingin din ang buong bansa sa mga legitimate media company sa mga ganitong panahon kaya lalo silang maingat.

Umaasa tayo sa pagkilos ngayon ng NBI at ng PNP para makasuhan at maipakulong ang mga iresponsableng kababayan natin na ginagawang pulutan ang pagpapakalat ng fake news.

Kailangan may masampulan na ang mga awtoridad at kung puwede nga ay ilagay sa public plaza ang kanilang mga pangalan na may babalang huwag tularan.

Mahiya naman kayo hoy!

allanpunglo@gmail.com