Home>Editorial>Opinion>“Nakapagtataka”

“Nakapagtataka”

HINDIumubra” sa European Union—kumpara sa European Parliament—ang “propaganda” nitong ating mga “kaibigan” sa CPP-NPA-NDFP na hindi sila mga teroristang grupo at bagkus ay mga organisasyon ng mga “rebolusyunaryo.

Dangan kasi sa inilabas na ‘global terrorist list’ ng EU noong Enero 20, 2020, nasa listahan pa rin—sa ikalimang puwesto—ang CPP/NPA.

Kapansin-pansin pa na sa 21 grupo na kinilalang mga “terorista” ng EU, tanging ang CPP-NPA lang ang kasama at hindi man lang nailista ang mga ‘local Muslim terrorist groups’ katulad ng Abu Sayyaf Group, Jemayah Islamiya (JI) at kahit ang ‘Maute Group’ na umatake sa Marawi City noong 2017.

Pansinin na sa Europa, ang EU (European Union) at hindi ang EP (European Parliament) ang “tunay na makapangyarihan” dahil binubuo ito ng mga estado (States) na bumubuo sa Europa, kumpara sa EP na itinuturing na isang malaking ‘debating club’ lang naman doon.

Nagtataka” naman ang mga miron na sa kabila ng patuloy na pananatili ng CPP-NPA sa EU terrorist list, malaya pa rin ang operasyon doon ng National Democratic Front of the Philippines na siyang bumubuo naman sa mga “legal democratic forces” ng CPP-NPA katulad ng Bayan, KMU, Gabriela, LFS, CEGP at ACT—ayon mismo kay CPP founder, Jose Maria Sison.

Ang “patotoo” ni “Ka Joma” ay ginawa niya sa isang ‘public speech’ sa Europa noon pang 1987 kung saan ang video clip ay makikita naman sa social media page ng NTF-ELCAC.

Hindi ba alam ng EU at mga lider doon ang katotohanang ito o, mayroon silang “laro” na hindi pa natin alam o hindi nilang kayang aminin pa sa ngayon?

Na bagaman terrorista para sa kanila ang CPP-NPA, ‘exempted’ sa kategorya ang NDFP dahil kailangan nila ito para sa planong ‘regime change’ sa ‘Pinas upang isulong ang imperyalistang disensyo nila para sa mga Pinoy?

***

Sa ‘updated list’ naman ng US State Department na inilabas ni US State Secretary Mike Pompeo noon pang isang taon, nanatili pa rin sa listahan ang CPP-NPA bilang mga ‘foreign terrorist organizations.’

Napalista ang CPP-NPA sa listahan ng mga Kano noon pang Agosto 2012, halos isang taon ang ‘9/11’ terror attack sa Amerika kung saan “gumuho” ang ‘Twin Towers’ ng World Trade Center.

Subalit katulad sa EU, nagtataka ang mga miron kung bakit hindi rin kasama sa listahan ang NDFP samantalang ito ang pangunahing ‘recruiter’ ngayon ng CPP-NPA sa US ng mga Amerikano at ‘Fil-Am’ na gustong “makisali” dito sa kanilang “armadong pakikibaka.

Sa “lufet” kasi ng intelligence network ng mga Kano, “imposible” na hindi nila alam ang bagay na ito, hindi ba, mga kabayan?

Mayroon din bang “laro” ang mga Amerikano para sa ‘Pinas kaya ‘exempted’ din sa kanila ang NDFP?

At ang higit na nakapagtataka, higit isang taon na sa website ng US State Department ang “updated version” ng EO 13224 (na unang nilagdaan ni Pang. George Bush pagkatapos ng ‘9/11’) at higit 10 buwan na ngayon sa listahan ng EU ang CPP-NPA bilang mga teroristang grupo, pero, bakit hindi man lang “pinatulan” at iniulat ng mga dambuhalang media sa Pinas.

Bakit nga kaya? Ano sa palagay ninyo, mga kabayan?

Publication Source :    People's Tonight