Nakikipagpatayan sa gramo ng shabu, pero sa tonelada ng bato, nganga!

MISMONG si Senador Panfilo Lacson ang naglabas ng pahayag kamakalawa -- kailangang kumilos ang Malakanyang hinggil sa hindi maawat-awat na bangayan sa pagitan ng Bureau of Customs (BoC) at Philippine Drug Enforcement Agency (PDEA).

Ayon kay Lacson, ang patuloy na pagtanggi ni BoC Commissioner Isidro Lapeña na may lamang tonelada ng shabu ang nakuhang apat na ‘magnetic lifter’ sa GMA, Cavite ay hindi nangangahulugang pino-protektahan nito ang sindikato sa ipinagbabawal na gamot.

Posible, ayon pa sa senador, nais lamang pagtakpan ni Lapeña ang nangyaring kapalpakan sa kanyang departamento. “I am not prepared to believe that the BoC commissioner is covering up for the drug syndicate or in cahoots with them. I’m more inclined to assume that he is covering up for the incompetence of the BoC, but not for the drug syndicate,” sabi pa ni Lacson.

Aniya, mas kapani-paniwala aniya ang sinabi ni PDEA Chief Aaron Aquino. “For one very basic and simple reason. Kung magnetic lifters lang ang ipinasok sa PH (Philippines) through BoC at walang shabu na kasama, bakit iniwan ng importers ang items sa GMA, Cavite? Di ba dapat, gagamitin or ibebenta nila yun kung sinuman ang end user? Bakit nagmamadali nilang iniwan sa warehouse? It’s logical, practical thinking, isn’t it?” sabi pa niya.

Bago nito, sinabi ni Presidential Spokesman Salvador Panelo na kailangang magharap ng matibay na ebidensiya ang tanggapan ni Aquino hinggil sa bintang na may lamang shabu ang apat na magnetic lifters.

Dating prosecutor aniya ang Pangulong Rodrigo Duterte kaya ‘hard evidence’ ang kailangan nito upang patunayan ang akusasyon.

Hindi ko alam kung nag-iisip ba ng tama si Panelo o hindi.

Una, paanong makakakuha ng ‘hard evidence’ ang PDEA, gayung naitakas na nga ang mga tonelada ng shabu na tinatayang aabot sa halagang P6.8 billion.

Bilang abogado, alam dapat ni Panelo kung paano himayin ang mga detalyeng iprinisinta sa publiko ng PDEA.

Una, kaya narekober ang apat na magnetic lifters dahil isang caretaker ng warehouse sa GMA, Cavite ang nagsumbong sa mga awtoridad nang mapanood sa telebisyon na dalawang kahalintulad na magnetic lifters ang nakuhaan ng 500 kilo shabu. Nagkakahalaga ito ng P4.3 billion at nakuha sa loob ng Manila International Container Port (MICP).

Sabi ng aming kolumnistang si Atty. Jay de Castro, ang paraan sa pagpuslit ng shabu sa nasabing insidente ay magkapareho. Pareho silang nakalagay sa magnetic lifters, pareho ang kulay, power supply at kable. Pareho rin ang address ng consignee sa shipment na natagpuan sa Cavite at MICP na pareho ring galing sa Taiwan.

Pinaninindigan ni BoC Deputy Collector Atty. Ma. Lourdes Mangaoang na bago pa nasawata ang mga nasabing kontrabando, ipinagbigay-alam na niya ito kay Lapeña. Dating hepe sa X-Ray division si Mangaoang at sa halip na pakinggan ang rekomendasyon na maglabas ng alert order,  inilipat ito sa puwesto sa Ninoy Aquino International Airport (NAIA), bukod pa sa ipinag-utos ang lifestyle check laban sa kanya.

Hindi ko alam kung bakit hanggang ngayon ay umiikot ang isyu sa may laman o wala, gayung dapat sa mga oras na ito, magkasama na ang BoC at PDEA sa paghabol sa mga nakalusot na droga.

Bago napunta sa BoC, dati ring hepe ng PDEA si Lapeña.

Kaya nga nagtataka ngayon ang mga taga-PDEA dahil sa halip kaisa nila ito sa pagsulong sa kanilang misyon na sugpuin ang ipinagbabawal na gamot ay mukhang iba na ang nangyayari.

Alam ni Lapeña kung anong hirap ng mga ahente ng PDEA at Philippine National Police (PNP). Nalalagay sa panganib ang buhay ng mga awtoridad makahuli lamang ng kahit isang gramo ng shabu.

Pero itong tone-toneladang shabu na nakapasok sa bansa, parang balewala lamang ito kay Lapeña.

Sabagay, hindi pa  huli ang lahat para sa magaling na BoC official.

Tulad ni Senator Ping, naniniwala akong hindi pasok sa sindikato ng ipinagbabawal na gamot si Lapeña. Malamang lang ay nais nitong pagtakpan ang katotohanan na napalusutan ang kanyang mga tauhan ng tone-toneladang shabu dahil ang implikasyon nito ay para sa kanyang liderato bilang BoC chief.

Kung may natitira namang delicadeza sa katawan si Lapeña, mas maganda na rin sigurong mag-resign ito dahil sayang ang iningatan niyang pangalan sa loob ng mahabang taon.

Nang mapuwesto si Lapeña bilang BoC chief noong August 2017, isa lang ang payo sa kanya ni Senador Lacson -- “Sana ay hindi siya malamon ng bulok na sistema sa Bureau of Customs.”