Namamakyaw ng luxury vehicles si opisyal

SINO  itong isang opisyal ng gobyerno na kung gaano kabilis ang pagdami ng COVID ay ganoon din kabilis ang pagdami ng kanyang mga luxury vehicles?

Isa si opisyal sa sinasabing kasingkapal ng semento ang mukha kaya kahit anong isyu ang lumalabas laban sa kanya, hayun, pasipul-sipul lang.

Kung nakakita na kayo ng overflowing na timba na nakasahod sa gripo, ganoon na karami ang mga luxury cars ni opisyal kaya nga iyong ibang sports cars niya, pinakiparada na lang niya sa kaibigan niyang may malaking garahe malapit sa Kampo Crame.

Hindi na kasya sa garahe sa bahay ni opisyal ang kanyang mga mamahaling sasakyan na ang balita natin, ang pinakamura ay ang BMW sports car new series.

In fairness kay opisyal, bisyo niya talaga ang mangulekta ng sports cars noon pa mang naglilingkod siya sa ibang administrasyon. Pero ang balita natin, mas dumami pa ang kanyang mga grandiosong  tsikot nitong mga nakaraang taon.

Ang tanong ko lamang, paano niya nasisikmurang mamakyaw ng mga luxury vehicles gayong ang karamihan sa ating mga kababayan ay naghihirap ngayong panahon ng pandemic?

Hindi ba 't pagiging insensitive ito?

Konting hiya naman brod.

***

Kailangan na nating buksan ang turismo bago pa lumubha ang krisis sa mas maraming sektor.

Tanggapin na natin ang katotohanang mahabang panahon pang mamiminsala ang COVID-19 kaya isama na natin sa ating sistema ang pag-iingat.

Sumunod tayo sa lahat ng health protocols na pinaiiral ng gobyerno habang dahan-dahang binubuksan ang ating ekonomiya.

Naging sistema na sa lahat ng negosyo ang paglilista ng body temperature at contact numbers ng mga customers para sa mas mabilis na contact tracing.

Ayaw man nating lumabas na ang lahat ng tao, kailangan na nating suportahan ang pagbabalik sa normal na buhay ang bayan with new normal. Kaya nga hindi rin natin masisi ang ibang kababayan natin na kahit mahirap sumakay ay nakikipagsapalaran pa rin para makapasok sa trabaho.

Hindi na natin kayang magutom pa kaya buksan na natin lahat ang negosyo. Nasa ating mga mamamayan ang obligasyong mag-ingat at sumunod sa kahat ng health protocols.

Kapag hindi nagbukas ang lahat ng negosyo, may mga kababayan tayong sa gutom mamamatay at hindi sa COVID.

allanpunglo@gmail.com