Nang magalit si Duterte sa Canada

April 29, 2019

Nitong mga nakaraang araw, naging tampok sa mga balita ang galit ni Pangulong Duterte sa Canada dahil sa matagal nang pagkakababad ng basura ng bansang ito sa ating bansa.

Ang banta ni Duterte ay gigiyerahin niya ang Canada kung hindi nito kukunin ang itinambak nitong mga basura sa ating bansa.

Kung gagawin man niya ang bantang pakikidigma sa Canada o hindi, ang mahalaga’y isang matapang na mensahe ang ipinaabot niya sa bansang ginawang tambakan ng basura ang Pilipinas.

May anim na taon nang nandito sa bansa ang basura ng Canada. Itinambak ito sa atin noong 2013. Tila noon ay walang nagawa ang administrasyong PNoy at hindi naipabalik ang basura mula Canada.

Ang mensahe ng pangulo ay ginawa sa isang pulong sa Porac ,Pampanga na kanyang binisita pagkaraan ng lindol na nagpaguho isang malaking supermarket.

Hindi inasahan ng marami na ang basura ng Canada ang  bibigyang- diin ng pangulo sa pulong na ito sa halip na ang pagguho ng isang supermarket.

Naisip kong dahil hindi naman kalayuan ang Capas, Tarlac sa Porac, Pampanga na pinagtambakan ng basura mula Canada, naalala ito ng pangulo at hindi niya napigilan ang sarili sa pagbabanta ng digmaan laban sa Canada.

Hindi ko nga lang alam kung naamoy niya ang mabahong amoy ng basura sa Capas, Tarlac kung saan ay may isang garbage dumpsite na tinawag na “sanitary” landfill kaya lalo siyang nagalit. Kahit indi naman magkatabing bayan lang ang Capas sa Porac, posible kayang dinala ng hangin ang mabahong amoy sa lugar-pulungan ng Pangulong Duterte?

Ngunit hindi naman masamang nagalit si PDU30 sa basura ng Canada na itinambak dito sa atin dahil naging kontrobersyal ito sa bansa at kahit mayor pa lang siya noon ng Davao ay tila mayroon siyang katangiang likas na mapagmasid sa nangyayari sa ating bansa lalo na marahil sa Visayas at Luzon na malayo sa lunsod niya.

Kailangang agad nang kunin ng Canada ang basura nila sa ating bansa. Kung magpapatumpik-tumpik pa ito, malamang na mamura na naman sila ni Duterte sa tuwing maaalala nito ang basura ng Canada. Nakahihiya rin ito para sa Canada dahil tiyak na naibabalita sa buong mundo ang banta ng pangulo na digmaan.

Ano ang maaaring sabihin ng mundo sa Canada? “Ang bastos naman nila! Ang salaula naman nila! Wala silang paggalang sa ibang bansa at ginawa nila itong tambakan ng basura!” Gusto kaya ng Canada na hindi lang si Duterte ang magbabanta kundi  maging ang makikisimpatiyang mga bansa sa galit nito?

Kailangang kumilos na ang Canada. Wala nang panga-pangako!

Kung ang Pilipinas kaya ang magtapon ng basura sa Canada, magugustuhan kaya nila ito?       (bangonkalikasan@yahoo.com)