Home>Editorial>Opinion>Nang magkuripot ang mga bilyonaryong pulitiko at government officials!

Nang magkuripot ang mga bilyonaryong pulitiko at government officials!

MUKHANG ‘back to square one’ na naman tayo dahil muling sumirit paitaas ang COVID-19 cases sa Metro Manila at kanugnog na lalawigan.

Dahil dito, muling pinaigting ang General Community Quarantine kahapon ng umaga na tinawag nilang GCQ-Bubble kung saan ay todo-bantay at paghihigpit ang ipinatutupad sa National Capital Region, gayundin sa mga probinsiya ng Bulacan, Rizal, Cavite at Laguna.

Muling nilimitahan ang mass gathering at kahit dine-in sa mga restaurant malls ay ipinabawal uli – bagay na malaking sampal uli para sa mga namumuhunan, gayundin siyempre sa kani-kanilang empleyado.

Habang tumataas ang bilang ng nagkakasakit at namamatay sa COVID-19, asahang darami uli ang bilang ng mawawalan ng trabaho at madaragdagan ang hanay ng mga kababayan mahihirap.

Sa kabila nito, nakatutuwa pa ring isipin na sa gitna ng ganitong uri ng kalbaryo, nananatili sa atin ang diwa ng Bayanihan.

Bagaman hindi sapat ang ipinadadalang tulong ng ilan sa mga kababayan nating mahihirap, malaking bagay na rin ito upang kahit papano’y maibsan ang kumakalam na sikmura ng ilan nating pobreng kababayan.

Sa puntong ito ay nais nating saluduhan at pasalamatan ang mga donors ng Bayanihan Fund. Ayon sa infograhics na inilabas ng CNN, mahigit sa P8 billion na ang nalikom na pondo para sa Bayanihan fund.

Kabilang sa malalaking pribadong kompanyang Pilipino at Foundations na nakalista na donors ay ang sumusunod: Senador Manny Pacquiao, Jollibee Foods Corporation ni Tony Tan Caktiong, Udenna Group ni Dennis Uy, Vista Land ni dating Senate President Manny Villar , Aboitiz Group, Metrobank ng yumaong George Ty; Robinsons ng pamilya Gokongwei, SM Group ng pamilya Sy, Manny Pangilinan ng MVP Group of Companies; Araneta Group , San Miguel Corporation ni Ramon Ang; Andrew Tan ng Megaworld, mga Ayala, Lopez Group, Resorts World, Okada, City of Dreams, National Grid Corporation of the Philippines at iba pang personalidad.

Lahat halos ng Filipino Taipans ay kasali sa listahang ito.

Kapansin-pansin din naman na pangalawa sa pinakamalaking kontribusyon sa listahan ay ang Sen Manny Pacquiao Foundation, kasama ang Jack Ma foundation na mahigit P1 billion ang halaga ng dolasyon.

Katunayan, viral sa social media na P105 million na ang na-donate ni Pacman para sa pambili ng PPEs at medial equipment; P800 million sa PCR test kits; P45 million sa financial assistant for medicines and vitamins; P30 miion sa relief packs at P24 million sa facemasks.

Kung matatandaan, Abril 2020 o isang buwan matapos ibaba ang kauna-unahang lockdown sa bansa noong nakalipas na taon ay mismong si Manila Mayor Isko Moreno pa ang bumatikos sa ilang senador na lumabas para mamahagi ng tulong sa mga kababayan.

Pumalag ang maraming senador sa tinurang ito ni Yorme, ngunit marami sa atin ang pumabor dahil kung lalahatin, si Senador Pacquiao lamang talaga ang umikot sa buong Pilipinas para mamahagi ng tulong. Maliban siyempre sa ilang mambabatas na nagbigay din ng tulong sa kani-kanilang probinsiya at hindi sa buong bansa.

Iyong iba’t tumulong din naman, ngunit hindi kasing ‘bongga’ ng ipinamamahagi ngayon ng ating pambansang kamao.

Sa ating mga Cabinet officials, lahat halos sila ay mga bilyonaryo. Iyong isa ay kapartido pa mismo ni Pacquiao sa PDP-Laban, pero sa halip na umikot sa ‘Pinas para mamigay ng ayuda ay ‘manifesto’ para sa darating na presidential elections ang pinagkaabalahan nito.

Tama si Pacquiao na masyado pang maaga para pag-usapan ang pulitika. Mas angkop na gawain ngayon ay kung pano tumulong sa ating mga kababayan. Isang tulong na mula sa puso at hindi pakitang tao lamang.

Marami tayong pulitiko at government officials ang tunay namang bilyonaryo. Sila iyong mga pinagpalang nilalang na halos nakahiga na sa kulumpon ng pera at karangyaan.

Hindi naman siguro masama kung sa panahong ito na mahigit isang taon na tayong pinadadapa ng pandemya ay maghanap ng tulong mula sa kanila ang mga kababayan nating naliligo naman sa kumunoy ng kahirapan.

Hindi pa huli ang lahat para maantig ang damdamin ng malalaking tao sa bansa. Sana ang pagiging kuripot nila ay magbago upang kahit papano ay tularan ang magagandang gawa ni Senador Pacquiao na tunay na nagmamalasakit at namamahagi ng tulong sa mga kababayan nating mahihirap.

Publication Source :    People's Tonight
Marlon Purificacion
Journalist At Large