Home>Editorial>Opinion>“Nasayang” na pagkakataon

“Nasayang” na pagkakataon

MASASABI na dahil na rin sa walang puknat na “pag-iyak” at pag-iingay ng ‘Makabayan Bloc’ sa Kongreso, kasama na ang mga prenteng organisasyon ng CPP-NPA (sa ilalim ng NDFP) hinggil sa “nakakaumay” na isyu ng ‘red-tagging,’ nagpatawag kahapon ng pormal na pagdinig sa Senado si Sen. Panfilo Lacson upang malinawan na— at matuldukan na— ang nasabing isyu.

Si Lacson, mga kabayan, ang chairman ng Senate Committee on National Defense and Security, Peace,Unification and Reconciliation at isa sa principal author ng RA 11479 o ang Anti-Terrorism Act of 2020.

At bilang “tatay” ng ATL (anti-terrorism law), ayaw siyempre ni Sen. Ping na pati ang nasabing batas ay kinakaladkad ng mga komunista sa isyu ng red-tagging dahil hindi naman ito kasama sa nasabing batas.

‘And what do you know,’ mga kabayan, wala kahit isang komunista at “makabayan” ang sumipot sa pagdinig upang patunayan ang kanilang akusasyon na gobyerno ang may “pakana” ng red-tagging na anila pa ay isang “lisensiya” upang abusuhin ng mga nasa poder ang mga karapatang pantao ng bawat Pilipino.

Sa halip, isang dalawang-pahinang liham na lang ang ipinadala ng Makabayan Bloc sa Senado kung saan “nagpaalala” ang grupo—Representatives Carlos Zarate, Eufemia Cullamat at Ferdie Gaite (Bayan Muna), Arlene Brosas (Gabriela), France Castro (ACT) at, Sarah Elago (Kabataan)— kay Sen. Ping na “huwag ipagamit” ang kanyang sarili at komite “bilang lunsaran ng red-tagging at terrorist tagging.

Eh, sa pananaw ng mga Pinoy, aba’y “sayang na pagkakataon” ang ibinasura nitong Makabayan Bloc.

Dangan kasi, ang pagdinig kahapon ang sana ay ‘right venue’ upang matuldukan na ang kanilang reklamo at maibulgar na kung “sino” ba sa gobyerno ang inaakusahan nila ng red-tagging (at may terrorist tagging na rin pala ngayon).

Oops! Baka naman “nakakalimutan” din ng Makabayan Bloc na bilang mga mambabatas eh, “bahagi” sila ng gobyerno ng Pilipinas!

At dahil sila ay kabilang sa ‘co-equal branch of government,’ eh, maganda sana kung dumalo sila at “inginuso” kay Sen. Ping ang kanilang mga suspek— para maipakulong (for contempt) ni Sen. Ping, kung kinakailangan, hindi ba, mga kabayan?

Mayroon kasing ‘parliamentary courtesy’ sa ating Kongreso at alam natin na bilang kapwa-mambabatas, binigyan sila ng nararapat na pagtrato sa kanila ni Sen. Ping.

At sa tagal na rin nating nagco-cover sa mga pagdinig sa Senado, alam nating “maikli ang pasensiya” ng mga senador sa mga resource persons na sinungaling.

Kaya nga kung nagbitbit sana ng kanilang mga ebidensiya ang Makabayan Bloc sa Senado, ebidensiya na mahirap pasubalian, eh, baka nagtagumpay pa silang maipakulong (for contempt of the Senate) ang kanilang “target” na opisyal ng gobyerno.

***

Ito” rin naman ang matagal nang masamang asal ng mga nagpoposturang mga makabayan, dear readers. ‘Yun bang… para silang mga aso na nakakatakot ang “kahol” pero kapag “pinatulan,” aba’y mga “bahag” naman pala ang buntot, hehehe!

Translation? Their bark is worse than their bite, ahahay!

Alam natin ang ating sinasabi dahil pinagdaanan, naging karanasan natin, bilang mamamahayag ang senaryong ganito.

Ang mga grupong ito, “mahilig” mag-ingay pero dalhin mo sa tamang ‘forum’ hindi sisipot at pulos paninirang puri lang ang gagawin.

Anila pa sa kanilang liham, “walang ebidensiya” na sila ay mga komunista at mga terorista. Kung wala naman pala eh, bakit hindi kayo nagpakita?

Dagdag pa nila, “mas kagyat” ang problema ng mga Pinoy dahil sa pandemyang dala ng COVID-19 at mga kalamidad at nararapat lang na sa mga problemang ito matuon ang atensyon ng lahat.

Tumpak!

Eh, bakit sa halip na problema sa pandemya at mga kalamidad ang inaatupag ninyo, pulos isyu ng red-tagging ang pinagbubuhusan ninyo ng panahon kahit pa wala pang pandemya?

Sa isyu ng red-tagging, “sino” ba ang “nagsimula,” kayo ba o ang gobyerno?

At ngayon na “pinagbiyan” kayo, ang sasabihin ninyo, hindi red-tagging ang problema, bagkus, pandemya?

Ano ba talaga, mga Bosing? Umayos nga kayo, hehehe!

Sa hindi pagsipot ng Makabayan Bloc sa pagdinig ng Senado kahapon, hindi lang nila sinayang ang pagkakataon.

Naging “malinaw” sa mga Pilipino na sila ang grupong “panggulo” sa Kongreso at balakid sa pagkakaisa at pagkakaunawaan ng mga Pilipino.

Sige, pasok, Sen. Ping. Contempt mo sila, hehehe.

Publication Source :    People's Tonight

One thought on ““Nasayang” na pagkakataon

Comments are closed.