Nasunog na, pinagnakawan pa

DAPAT managot ang Pasay City Fire station sa nangyaring nakawan sa loob ng DZRH nang masunog ang Star City kamakailan.

Sa rami ng pagnanakawan, pinili pang maging biktima ng kawatan ang beteranong broadcaster na si Deo Macalma.

Si Lakay Deo ang vce-president ng Manila Broadcasting Company, may ari ng DZRH. Sister company nila ang Star City Amusement Park mula sa Elizalde group of companies.

Ani Macalma, nadatnan niyang nakabukas ang dalawang drawers sa kanyang opisina at nawawala na ang ilang personal at mahahalagang kagamitan.

Isang empleyado rin aniya ang nawalan ng P60,000 cash na gagamitin sana na pambili ng equipment.

Sinabi ni Macalma na mga bumbero lang ang nakakapasok sa mga pasilidad dahil mahigpit ang bilin niya sa mga guwardiya na huwag magpapasok ng kahit sino kahit mga empleyado.

Aniya, nai-report na nila ang insidente kay Bureau of Fire Protection (BFP) chief, Fire Director Leonard Bañago na nagsabing maghain sila ng kaso sa pulisya upang matiyak ang patas na imbestigasyon.

Sa panig naman ni Bañago, inamin nito na minsan ay hindi maiwasan na may makalusot at sumasabay sa mga miyembro ng BFP, subalit kanila rin aniya itong iimbestigahan.

Hindi pa masabi ni Bañago kung kailan nila mailalabas ang resulta ng kanilang imbestigasyon sa sunog sa Star City.

Una nang sinabi ni Pasay City Fire Marshal Paul Pili na batay sa mga nakuhang ebidensya sa loob ng natupok na amusement park, posibleng arson ang insidente, subalit hihintayin pa nila ang opisyal na resulta ng imbestigasyon.

Kung sinadya man o hindi ang sunog ay tiyak na kakain pa ng maraming araw bago ito matukoy habang pilit namang bumabangon ang kumpanya mula sa dinanas na trahedya.

Tayo ay nakikisimpatiya hindi lamang sa may ari ng Star City at DZRH, kundi mas lalo sa mga maliliit na empleyadong naapektuhan ng sunog na ito.

Alam naman natin na sa panahon ngayon na sadyang mahirap ang buhay lalo na’t darating ang Kapaskuhan, marami sa kanila ang tiyak na doble kayod sa paghahanap ng bagong pagkakitaan.

Pero, mas matinding pasakit ang pinagnakawan pa ang ating mga kasama sa gitna ng kanilang tila pag-recover pa lamang sa sunog.  

Ang ating panawagan sa mga awtoridad, papanagutin ang mga taong nasa likod nito at tiyaking hindi na ito mauulit pa sa mga susunod na panahon.

Ilan sa mga nawala kay Lakay ay mga libreta sa bangko, dalawang mamahaling relos at cash.

Ang payo ko kay Lakay, wag nang magiiwan ng pera sa opisina.

Mas maganda nga kung ipinahawak muna niya sa amin ni Milky Rigonan ang pera dahil sigurado tayong hindi iyon masusunog.

Peksman!