‘National Press Freedom Day’ ‘lumilinaw’ na

January 28, 2020

KAHAPON, kasama si National Press Club (NPC) president, Rolly ‘Lakay’ Gonzalo at NPC secretary, Lydia ‘Madam President’ Bueno, dumalo kami sa pagdinig na ipinatawag ng Senate committee on public information and mass media, hinggil sa panukalang batas na ideklara bilang ‘Phil. Press Freedom Day’ ang ika-30 ng Agosto, kaarawan din ni Gat. Marcelo H. ‘Plaridel’ del Pilar.

Ang pagdinig ay kasabay na rin sa tatlo pang panukalang batas na inihain ni Sen. Bong Revilla na may kinalaman din naman sa ‘mass media.’

‘And what can I say, dear readers,’ kundi, talagang “matikas” pa rin talaga si Sen. Bong, na huli kong nakausap at nakasalamuha sa pagdalaw ko noon sa Kampo Crame, kay Sen. Jinggoy Estrada, ilang taon na ang nakaraan.

‘First time’ din natin na na obserbahan si Sen. Bong bilang ‘presiding chair’ sa ano mang pagdinig ng Senado kung saan napansin natin na dumating siya na may preparasyon at higit sa lahat— nakahandang makinig at bukas sa suhestiyon ng kanyang mga bisita.

Ito kasi ang importante at mahalaga, mga kabayan, ‘yung pagiging ‘open-minded’ ng isang lingkod-bayan.

Kumbaga, malayo sa estilo ng iba niyang mga kasamahan na sobrang bilib sa kanilang mga sarili at ginagawa na lang na ‘going through the motion’ ang ano mang pagdinig dahil sa totoo lang, ‘finish contract’ na sa kanila ang resulta— bago pa man ito masimulan.

Kasama ang buong lalawigan ng Bulacan, matagal nang isinusulong ng NPC (mula pa noong 2014) na “dagdagan” ang pagkilala ng mga Pilipino kay Gat. Del Pilar bilang isang tunay na bayani at bilang ‘Ama ng Pamamahayag’ sa Pilipinas sa pamamagitan ng nasabing panukala.

Hanggang ngayon kasi, tanging ang lalawigan ng Bulacan ang tunay na “kumikilala” kay Gat Plaridel dahil ‘local non-working holiday’ sa Bulacan ang kanyang kaarawan— sa kabila ng katotohanan na siya ang tunay na inspirasyon sa pagtatayo ng Katipunan nina Gat Andres Bonifacio at sa pakikibaka para sa ating kalayaan.

Sa ika-17 Kongreso, natuwa naman tayo at by ‘unanimous vote’ ng Mababang Kapulungan, sa pangunguna ni Bulacan Rep. Jose Antonio Alvarado, ‘unanimous vote’ ang naging suporta ng panukala.

‘Yun nga lang, dahil hindi na ito pinagkaabalahan nina Sen. Grace Poe at Sen. Sherwin Gatchalian, “nasayang” lang ang mga naging “pagpupunyagi” ni Cong. Alvarado, huhuhu!

At ngayon naman, sa ika-18 Kongreso, sa pamamagitan ng SB 670 ni Sen. Bong, naniniwala tayong ganap na itong magiging batas, mga kapatid, kaya, mabuhay ka, Sen. Bong!

Kung babalikan pa rin, tinutulan noon ng NPC ang mga panukalang batas nina Sen. Grace at Sen. Sherwin para isang ‘national press freedom day’ dahil sa bersyon ni Sen. Grace, batay sa “pang-uurot” ng ibang grupong midya, dapat daw gawin ang araw na ito tuwing ika-23 ng Nobyembre, ang araw na “namasaker” sa Ampatuan, Maguindanao, ang 32 mamamahayag.

Ang posisyon ng NPC dito, noon at ngayon? Eh, “kalokohan” yan, hindi ba mga kapatid? Paano magiging ‘press freedom day’ ang petsa kung kailan minasaker ang mga kasapi ng midya, aber?

Sa bersyon naman ni Sen. Sherwin, bagaman pabor siya sa Agosto 30 bilang araw ng mga mamamahayag, dapat daw itong tawagin na national ‘responsible’ press freedom day, hehehe, ehek, ahahay!

Kumbaga, may “colatilla” ang panukala at pagkilala ni Sen. Sherwin sa media, hehehe. Para lang ito sa mga kagawad ng media na “responsable,” hehehe!

Kaya nga sa SB 670, “bumilib” tayo kay Sen. Bong, mga kabayan.

Dangan nga kasi, bagaman alam nang lahat na hindi naging “responsable” at “balanse” para sa kanya at sa kanyang kampo at pamilya ang naging pagtrato ng media sa mga kontrobersiyang kisangkutan niya, hindi ito “nagpadilim” sa takbo ng kanyang pag-isip.

Kumbaga, walang halong “galit” o “sama ng loob” ang SB 670 dahil tatawagin lang ito na, ‘National Press Freedom Day,’ period!

At sa ganitong panukala, bakit natin ito tututulan, mga kapatid, hindi ba? Translation? Suportahan natin ang panukalang ito ni Sen. Bong at ang iba pa niyang mga panukala na makatutulong sa hanay ng midya, ayos!

Abangan!