National Time Consciousness Week

January 05, 2019

SA pagpasok ng bagong taon, dapat tayong  sumunod sa pinaguutos  ng Philippine Standard Time Act of 2013 o RA10535 (tayo po ang pangunahing may akda nuong 15th Congress) na ang unang linggo ng bawat taon ay tatawaging “National Time Consciousness Week” upang itanghal ang kahalagahan ng oras sa buhay ng tao.

Ang panahon ay ginto kaya dapat itong gamitin ng tama at huwag aksayahin.  Maghanda ng maaga para hindi mahuli sa nakatakdang pulong o klase o tipanan. Ang bawat sandali ng pagkaantala  sa oras ng tagpuan ay  pagnanakaw sa oras ng naghihintay na katagpuan. At kahit ano ang ating gawin, hindi natin maibabalik o masasauli ito.

Para sa mga nagmamadali, tandaan ang sinasabi sa Eklesiyastes 3, may tamang panahon para sa lahat ng bagay. May panahon ng pagtatanim at pag-ani, kapayapaan at digmaan, pagsilang at pagyao. Pagaaway at pagbabati. At para sa nawawalan na ng pag-asa, ang panaho’y tambiling at ang mundo’y baligtarin, ang napapailalim ay napapaibabaw din.

Dahil mahalaga ang oras, kailangan isa lang ang oras na sinusunod ng bawat Pilipino sa buong Pilipinas. Ang mga ahensiya ng pamahalaan nasyonal at lokal ay kailangang mag-display ng kanilang opisyal na orasan na batay sa orasan ng PAG-ASA Time Device Unit. Hindi dapat nahuhuli o nauuna ang minuto at segundo ng mga ito. Kabilang din ang mga himpilan ng radio at telebisyon na inatasan ng batas na mag-display ng Philippine Standard Time at kada buwan ay mag-”calibrate”  ng orasan nila sa PAG-ASA.

Kamakailan lamang ay isinulat ni Paul Michael ang 8 dahilan kung bakit mas mahalaga ang oras sa pera(https://www.wisebread.com/8-reasons-time-is-worth-more-than-money, binuksan ko nuong Enero 4,2019).

Una, hindi tulad ng pera na kaya mong kitain o paramihin, hindi mo kayang gumawa ng dagdag na oras. Mayaman ka man o mahirap, bata o matanda, babae o lalake, may 24 oras lang tayo kada araw at 365 na araw kada taon.

Pangalawa, mas marami kang magagawa sa isang araw na Day off sa trabaho kesa sa sweldo ng isang araw. Pwede kang mag-bonding sa iyong asawa, mga anak o mga kaibigan. Pwede kang mamasyal o mag- ehersisyo o di kaya ay magpinta. Huwag mong paghinayangan ang perang ikakaltas sa sweldo dahil absent ng isang araw.

Pangatlo, makakalikha ang oras ng mga alaala kesa sa pera. Ang pinakatatangi nating alaala ay ang oras na ginugol natin sa piling ng mga mahal sa buhay at mga kaibigan sa mga lugar na minumutya natin. Ang eksena ng pagbili ng bagong sapatos, alahas, kotse at iba pang gamit ay madaling maglaho sa alaala.

Pang-apat, kailangan mo ng oras para gastusin ang pera. Kahit sino kang bilyonaryo, kakailanganin mo ng sapat na oras para magastos ang limpak-limpak mong pera. Sa katunayan, kahit bilyonaryo, hindi kayang bumili ng dagdag na oras para makapiling ang mahal sa buhay.

Pang-lima, ang mga taong malapit ng mamatay palaging hiling ay sana madagdagan pa ang kanyang oras, hindi ito humihiling na madagdagan pa ang kanyang pera.

Pang-anim, ang oras ang naghahatid ng mas malaking kaligayahan kesa sa pera. Minumutya ko ang oras na ginugol ko sa piling ng aking mga magulang na parehong octogenarian na ngayon. Sinisikap kong makasama sila tuwing linggo ng tanghali para makamusta at patuloy na makinig sa kanilang mga kwento at matuto sa kanilang mga payo.

Pang pito, ang pera ay pera ngunit ang oras ay hindi mo kayang presyuhan.

Pang-walo, maaaring makabili ng gamot at  serbisyo ng dalubhasang doktor  ang pera subalit  tanging ang oras lamang ang kagamutan sa lahat ng karamdaman at tampuhan at sama ng loob.

Kaya sa unang linggo ng 2019, mag-calibrate tayo ng ating orasan sa PAG-ASA at huwag mag-aksaya ng oras sa mundong ito.  Manigong Bagong Taon!!!