NCRPO, best regional

NAGBUNGA ang halos walang tulugang pagkilos ni NCRPO chief, Police Major General Guillermo ‘Guillor’ Eleazar upang makapagbigay ng epektibong serbisyo sa taumbayan. 

Sa 118th Anniversary ng Philippine National Police, hindi na tayo nagulat nang itanghal ang NCRPO bilang best regional office.

Isa sa  maipagmamalaki ng Heneral  na ito ang kauna-unahang pagkakataon na parangalan ang NCRPO bilang best police regional office.

Ang  nakahahanga pa kay Guillor ay nang ialay nito ang parangal sa buong  miyembro ng NCRPO. Kinilala nito ang mga opisyal at tauhan ng lahat ng limang distrito sa Metro Manila police force sa pagbibigay ng karangalan sa kanilang hanay kaya naman naipakitang panahon nang mag-shine ang NCRPO matapos ang ilang dekadang pananahimik.

Bukod dito, hindi rin nakakalimutan ni Guillor si PNP chief, General Oscar Albayalde sa mga taong kanyang pinasasalamatan dahil ito ang nagsimula ng mga reporma sa NCRPO at maging si Pangulong Rodrigo Duterte sa pagtutok sa priority program laban sa droga.

Tinalo ng NCRPO sa naturang kategorya ang Police Regional Office (PRO) 6 (Western Visayas), PRO-12 (Soccsksargen), PRO 4-A (Calabarzon),  at PRO-8 (Eastern Visayas).

Pero ang tanong, ano na nga ba ang susunod sa NCRPO? Sapat ba ang karangalang ito upang masabing epektibo ang operasyon at pagbabagong ipinatutupad ni Eleazar?

Aabangan natin ang pangako ni Guillor na magpapatuloy ang kanilang walang humpay na kampanya laban sa iligal na droga at krimen kasabay ng internal cleansing program upang maubos ang mga pasaway o mga scalawag.

Kasabay ng pasasalamat ng heneral sa taumbayan, nangangako rin si Eleazar na patuloy na tututok sa pagpapababa pa ng krimen sa Metro Manila na sa unang 35 buwan ng administrasyon ay mababa ng 57 percent kung ikukumpara sa unang 35 buwan ng Aquino administration.

Kung ano ang mga susunod na hakbang ni Eleazar sa patuloy na pangunguna sa mga pulis sa Metro Manila ay tunay namang nakapananabik subalit dapat lamang na suportahan ng taumbayan.

Sa ipinakikitang  tapang, sipag, sinsero at dedikasyon ni Guillor, malinaw na nasa tamang direksyon ang tinatahak ng PNP.

Mabuhay at isang snappy salute uli sa inyo, Gen Eleazar!  

Mabuhay ang buong NCRPO!