NCRPO gumawa ng “kasaysayan”

August 08, 2019

BINABASA ninyo ito, mga kabayan, nasa “entablado” naman si NCRPO director, PMGen. Guillermo Eleazar, para tanggapin ang “pagkilala” sa NCRPO bilang “best regional police office” sa buong bansa.

Ang okasyon ngayong araw ay ang ika-118 anibersaryo ng ‘Serbisyong Pulis’ (Police Service Anniversary).

Katulad noong isang taon, inaasahan ang muling pagdalo ni Pang. Duterte upang personal na abutan, ehek, iabot, sa mga pararangalan ang “pasasalamat” ng bansa sa magandang serbisyo ng mga yunit at kumand ng PNP sa nakaraang isang taon.

Sa ganang atin naman, “makasaysayan” ang ‘award’ na ito sa NCRPO dahil ‘first time’ ito sa kasaysayan ng PNP na makikilala naman ang mga kontribusyon ng mga pulis-NCR sa pagkakaroon ngayon ng bansa ng positibong imahe sa pananaw hindi lang ng mga Pilipino bagkus, kahit sa pananaw ng mga dayuhan.

Dati-rati kasi, pulos ‘regional police command’ sa labas ng NCR ang nabibigyan ng ganitong pagkilala dahil kumpara sa NCRPO, “mas madali” silang pamunuan.

Aber, gaano ba kahirap pamunuan ang NCRPO na lahat na yata ng problema ay ‘andito na?

At ang bawat pangyayari—maganda man o masama—ay may “epekto” sa imahe ng Pilipinas?

Dangan kasi, ang sitwasyon sa NCR ay “salamin” ng sitwasyon sa buong bansa, dear readers.

Kung “magulo” sa Metro Manila, kung talamak ang krimen dito, eh, sa pananaw ng mundo, “magulo” sa buong Pinas, hindi ba?

Subalit, “ibang klase” nga kasi itong si Gen. Eleazar, na sa simula pa lang ay “napisil” na ni noon ay NCRPO director, Oscar Albayalde, na pumalit sa kanya sa puwesto nang “mapisil” naman siya ni PDU30 na maging ‘Chief PNP’ kapalit ni ngayon ay Sen. Ronald ‘Bato’ dela Rosa.

‘Yun nga lang, dahil “umepal” ang kanyang mga ‘mistah,’ “pinagbigyan” sila kaya sa halip na sa NCRPO, “inilagay” muna si Eleazar sa Calabarzon PNP at “napunta” ang NCRPO kay Gen. Camilo Cascolan.

Subalit, alam naman ng lahat na “nagkalat” lang sa NCRPO si Gen. Cascolan kaya nalagay pati sa kahihiyan si Gen. Albayalde, my gad!

Aber, sa “pagkakalat” nitong si Cascolan, marahil “lihim na napangiti” si DILG secretary Eduardo Año at kulang na lang sabihin na, “kung hindi naman kaya, huwag nang magpabida,” at pagkaraan lang nang anim na linggo, nangyari na ang “gusto” niya—ilagay sa NCRPO si Gen. Eleazar, habang nauwi sa ‘desk job’ sa Camp Crame itong mistah ni Gen. Albayalde, hahaha, ayy, huhuhu!

At sa okasyon ngayong araw, muling ipinakita ni Gen. Eleazar na hindi niya “ipinahiya” at hindi niya “binigo” sa inaasahan sa kanya sina Gen. Albayalde at Secretary Año.

Eh, kayo ba, dear readers, “tahimik” ba o “magulo” ngayon sa NCR sa ilalim ng pamumuno ni Gen. Eleazar? Kayo na ang makasasagot n’yan, hindi ba?

Muli, mabuhay ka, Gen. Eleazar, ang isang opisyal ng PNP na sinsero ang pakikisama at sadyang inirerespeto at “idol” ng kahit mga kasapi ng media.

Harinawang sa ‘White House’ na tayo magkita pagkaraan ng ilang buwan. Puwede kayang senaryo yan, Sec. Ed, hehehe!

Abangan!