Negosyante, lugi ng bilyones dahil sa panggugulang?

October 16, 2019

SISING alipin pala itong isang mayamang negosyante na mahilig sumipsip at dumikit sa ilang pulitiko matapos gulangan ang isa ring pulitikong ipinakilala lamang sa kanya na tumulong upang makapagtayo ng malaking negosyo ng pagmimina sa ibang bansa.

Ang kuwento, itong si negosyante pala ay nagkaroon ng ideya na mayaman sa mineral ang mga bundok sa isang bansa na hindi naman kalayuan sa Pilipinas at noon lamang taong 1975 nabigyan ng kalayaan makaraang sakupin ng halos 60-taon ng isang malaking bansa.

Ang kaso, hindi makaporma si negosyante dahil wala siyang koneksiyon sa Punong Ministro ng naturang bansa at dahil may kasangga naman siyang mga pulitiko, may nagbulong sa kanya na may isang dating senador na sanggang-dikit at kaibigan ng pinuno ng tinatarget na bansa.

Nakausap naman ni negosyante ang dating senador sa pamamagitan ng kasanggang pulitiko at pinangakuan na may malaking porsiyento ang mambabatas kapag napapayag niya ang Punong Ministro na makapagmina sa kanilang bansa.

Dahil sanggang-dikit naman ng dating senador ang Punong Ministro, nabigyan ng pahintulot ang negosyante na makapagmina basta’t sundin lamang niya ang mga panuntunang ipinaiiral sa kanilang bansa.

Labis daw ang kagalakan ng negosyante kaya’t hindi nagtagal ay nagsimula na siyang magpadala ng mga heavy equipment sa naturang bansa na gagamitin sa pagmimina. Hindi alintana ng negosyante ang bilyong pisong ipinuhunan dahil doble o triple pa nito ang tiyak na babalik sa kanya kapag nagsimula na ang operasyon ng kanyang minahan.

Ang kaso, dahil nakakadirekta na sa Punong Ministro ang negosyante, naetsa-puwera na sa eksena ang dating senador at hindi na ipinababatid sa kanya ang mga kaganapan.

Sa inis ng dating senador, nagtungo siya sa naturang bansa upang beripikahin ang kaganapan at dito niya natuklasan na hindi na pala siya kabilang sa “circle of friends” na makikinabang dahil direkta na si negosyante sa Punong Ministro.

Ang ginawa ni senador, kinausap niya ang kaibigang Ministro at sinabi ang mga “kalokohang” natuklasan niyang ginagawa ng negosyante at ayaw niyang mapahiya siya kapag sa naturang bansa itinuloy ang kabalbalan. Sa galit ng Punong Ministro, iniutos ang agarang pagpapatigil sa minahan matapos i-revoke ang permit ng negosyante.
Navoregalo sa  Lolo’t Lola

Masuwerte ang mga lolo’t lola sa Navotas City dahil simula sa Enero ng susunod na taon, tatanggap na sila ng P500 Navoregalo tuwing araw ng kanilang kaarawan dahil nilagdaan na ni Mayor Toby Tiangco ang ordinansang magkakaloob sa kanila ng birthday gift.

Kabilang sa mga kasama sa programa ang mga rehistradong botante ng lungsod at may senior citizen ID na ibinibigay ng City Social Welfare and Development Office at dapat ay magsumite sila o ang kanilang kinatawan ng aplikasyon bago dumating ang kanilang kaarawan.

Sabi ni Mayor Tiangco, isa itong paraan upang pasalamatan at pahalagahan ang mga nagawa ng mga senior citizen sa Navotas kaya’t umaasa siya na sa pamamagitan nito’y mapapasaya nila ang pagdiriwang ng kaarawan ng mga lolo at lola bukod sa makakatulong din ito sa kanilang pangangailangan.

Sa kasalukuyan, may 20,000 rehistradong senior citizen ang Navotas kabilang na rito ang mga may edad na 100 pataas na tumatanggap naman ng P10,000 kapag umabot na sila sa naturang edad na batay rin sa ipinasang ordinansa ng lungsod.
Panawagan kay Gen. Iral

Dapat sigurong alamin ni Bureau of Jail Management and Penology (BJMP) Director Gen. Allan Iral ang katotohanan sa likod ng umano’y pagtakas ng isang datainee sa Caloocan City Jail (CCJ) kamakailan matapos payagang magpasailalim sa dialysis treatment sa isang pagamutan.

Hindi kasi makuhanan ng pahayag si CCJ warden J/Supt. William Manengyao sa isyu lalo na’t isinuko raw kaagad ng kanyang pamilya ang tumakas matapos malamang may banta na bubugbugin ang kanyang anak na kasama niyang nakulong sa kasong may kinalaman sa droga kung hindi ituturo ang pinagtaguan ng ama.

Isa lang daw kasi ang jail escort ng person deprived of liberty (PDL) nang dalhin sa pagamutan para magpa-dialysis at nang kumain daw sa labas ang escort, doon na sumalisi ang detainee.

Hindi lang kasi ang pagtakas ng PDL ang hihingin sana ng paliwanag sa pamunuan ng CCJ kundi ang reklamo ng mga dalaw hinggil sa umano’y VIP treatment sa ilang PDL na may kakayahang magbayad ng P20k hanggang P50k.

Kung hindi nakakarating sa kaalaman ni Supt. Manengyao ang reklamo, baka si Gen. Iral ang puwedeng magbigay sa kanya ng impormasyon upang siyasatin ang reklamo ng mga dalaw.

Sa puna at reaksiyon, mag-email sa eddreyes2006@yahoo.com o mag-text sa 09233478363