Home>Editorial>Opinion>Next in line na si Gen. Eleazar ?

Next in line na si Gen. Eleazar ?

‘SENIORITY rules’ ang naging dahilan kaya itinalaga bilang officer-in-charge (OIC) ng Philippine National Police (PNP) si Lt. Gen. Camilo Pancratius Cascolan, kapalit ni Gen. Archie Gamboa na nagretiro noong nakalipas na Setyembre 2.

Tulad ni Gamboa, si Cascolan ay miyembro ng Philippine Military Academy (PMA) Sinagtala Class of 1986. Kaklase nila sina dating PNP chief at Senador Ronald ‘Bato’ dela Rosa at si dating PNP chief Gen. Oscar Albayalde.

Depende sa magiging kumpas ng Pangulong Rodrigo Duterte, ang ika-22 PNP chief na si Cascolan ay mananatili lamang sa puwesto ng ilang buwan.

Sa darating na Nobyembre 10 ay magdiriwang ito ng ika-56-taong kaarawan at ito ang ‘mandatory retirement age,’ alinsunod sa itinatadhana ng batas.

Sa ating tingin, maganda ang pagpapairal ng ‘principle of seniority’ bilang basehan sa pag-appoint ng bagong PNP Chief.

Bilang dating PNP deputy chief for administration, si Cascolan ang huling miyembro ng PMA Class ‘86 na may tangan ng mataas na puwesto ngayon. Kasunod niya si Eleazar na deputy chief for operations.

Si Cascolan ang huling miyembro ng PMA Class ‘86 at dating Deputy Director for Administration na ikalawang pinakamataas na pwesto sa organisasyon ng pambansang pulisya.

Tulad sa AFP, si Gen. Gilbert Gabay ay makapaglilingkod lamang bilang chief of staff sa loob ng anim na buwan dahil nakatakda siyang magretiro sa ika-apat ng Pebrero 2021.

Kung matatandaan, noong panahon ni Senator Bato bilang PNP chief, nilaktawan nito ang apat na klase mula PMA Class of 1982 hanggang PMA Class of 1985.

Hindi naging maganda ang reaksyon ng ilang opisyal ng nalaktawang klase ngunit kailangan tanggapin dahil ‘prerogative’ ng Pangulo ang pagpili ng hepe ng Pambansang Pulisya.

Sa pagkakataong ito, mukhang nag-adjust na si Pangulong Rodrigo Duterte, gayundin si DILG Secretary Eduaro Ano at kinilala ang seniority sa PNP.

Ang iba, tinatawag itong ‘revolving door policy.’ Iyong tipong pagbigyan ang lahat ng senior officer na makapaglingkod bilang lider ng organisasyon kahit sa maikling panahon.

Mabuti na rin ito upang maiwasan ang demoralisasyon sa hanay ng mga opisyal at nabibigyan din ng pagkakataon ang mga deserving senior officials ng organisasyon na makamtan ang pinakamataas na puwesto at pagpugay sa kanilang career.

Kaya’t kung susundin ang seniority, sa pagtatapos ng termino ni Cascolan ay ‘next in line’ na ang masipag na si PNP deputy chief for operations Lt. Gen. Guillermo Eleazar na miyembro naman ng PMA Hinirang Class of 1987.

Tunay na hindi matawaran ang sipag ni Eleazar sa kahit anong trabaho’t posisyon na iatang sa kanya kaya’t deserving din ang heneral na mabigyan ng pagkakataong maglingkod bilang pinakamataas na opisyal sa PNP.

Katunayan, isa si Eleazar sa naging mukha ng pakikipaglaban ng pamahalaan sa COVID- 19 pandemic sa aktibo nitong pagpapatupad ng mga regulasyon na pinaiiral sa gitna ng quarantine bilang pinuno ng Joint Task Force COVID Shield.

Ang problema lang ni Guillor, hindi siya miyembro ng tinatawag na Davao group, ngunit dahil sa kanyang galing at kasipagan, mismong ang Pangulong Duterte ay humahanga sa kanya.

Isa sa hindi nakalilimutang pangyayari kay Eleazar ay nang panggigilan at hayagan niyang pagalitan ang mga pulis na nahuli niyang natutulog o nag-iinuman.

Ito ang pumukaw ng pansin ni Pangulong Duterte at sinabi nitong “Tell him I’ve got his back.”

Nakatakdang magretiro si Eleazar sa November 2021 at kung masusunod ang prinsipyo ng seniority, ang opisyal nang ito ang papalit kay Cascolan na inaantabayanan, hindi lamang ng media, kundi ng sambayanang Pilipino mismo!

Publication Source :    People's Tonight
Marlon Purificacion
Journalist At Large