Ngayong Pasko, tubuan sana kayo ng ‘konsensiya’

December 26, 2018

SA “pagtunghay” ninyo, mga kabayan, ng kolum na ito, “tanggapin” na rin ninyo ang mainit na pagbati nang, ‘Maligayang Pasko!’ at ‘Masaganang Bagong Taon’ sa ating lahat, mula sa inyong mga “kapamilya,” “kapuso” at “kapatid” dito sa ‘Philippine Journalists, Inc. (PJI), sa pangunguna ng aming “bosing” na si Gus Villanueva at siyempre, ang aking “magandang mommy” at editor, Tess Lardizabal.

At kung ang karamihan sa atin ay masayang kasama ang ating mga pamilya, mga kaibigan at mga mahal sa buhay dahil nga ‘Pasko’ (pa rin) ngayon, “isipin” din naman natin ang mga taong “nagsasakripisyo” para matiyak na masaya at mapayapa ang okasyong ito -- ang ating mga sundalo na sa mga sandaling ito ay alam natin na nasa mga “kaparangan,” nasa mga “kabundukan” at nasa mga “liblib” na lugar” ng ating bansa.

At isama na rin siyempre ang ating mga pulis na ang karamihan naman ay alam nating “matitino” at mga propesyunal sa pagtupad ng kanilang mga tungkulin.

Mabuhay!

* * *

Muling naging “bida” si Sen. Ping Lacson sa kanyang pagbubulgar noong isang araw na higit P583 bilyon sa pambansang badyet noong 2017 ang masasabing nagastos sa mga proyektong wala namang kabuluhan (‘wasteful projects’), batay naman sa pagsusuri ng Commission on Audit (CoA).

At sa halagang ito, lumalabas naman na ang Bureau of Customs (BoC), na “notoryus” pa rin dahil sa isyu ng korapsyon, ang may pinakamalaking “pagwawaldas” ng pondo sa halagang P392.8 bilyon o higit 67 porsiyento nang nabanggit na P583 bilyon, ayon naman sa “pagsasaliksik” (daw) ng Phil. Daily Inquirer.

Ayon pa rin sa PDI, kagulat-gulat na sa mga naisyuhan ng CoA ng ‘NOS’ (notice of suspension), ‘NOD’ (notice of disallowances) at, ‘NOC’ (notice of charges) aba’y lumalabas pa na “mas tiwali” ang AFP at DA (Department of Agriculture) kumpara sa DPWH.

Batay kasi sa CoA report, “hinahabol” nila ang AFP sa halagang P6.46 bilyon, ang DA sa halagang P8 bilyon, kumpara sa P6 bilyon para sa DPWH kaya, “puwede” nang “huminga ng maluwag” si DPWH secretary, Mark Villar, tama ba, DPWH Usec. Robert, Bernardo, hehehe.

At dahil “nasapol” ng ulat ng PDI/CoA, kahapon ay naglabas naman ng palusot, err, pahayag, ang BoC, kung saan sinabi pa ni BoC spokesperson, Atty. Dino Austria, na batay sa kanilang “paghahalungkat,” ehek, pag-aaral sa mga dokumentong hawak nila, “sablay” ang “pagbubunyi” ng Kulto, nye, nang Kampong Dilawan, sa kanilang bintang na “talamak” o “mas talamak” din pala ang katiwalian sa ilalim ng administrasyong Duterte, batay sa pagbubunyag ni Sen. Ping -- at “pagsasaliksik” naman (daw) ng PDI.

Ayon kasi kay Atty. Dino, “lumalabas” na ang mga “nabisto” ng PDI hinggil sa BoC ay ‘old news’ na kumbaga, dahil ang mga ito ay tumutukoy sa mga taong 2009 (ang huling taon sa puwesto ni PGMA) hanggang 2011 (ang unang taon naman ni Noynoy Aquino sa Malacañang).

Ayun pala naman, kaya, yes, Jose, “sablay” na naman sa kanilang “banat” at “bintang” laban sa administrasyong Duterte, itong mga “nagmamalinis” na kampo ng mga Dilawan, hihihi!

Bagaman nga kasi hindi tayo eksperto, mga kabayan, alam natin na kahit ilang taon na ang dumaan, “nanatili sa libro” ng isang departamento at ahensiya ang mga ‘negative findings’ ng CoA hangga’t walang ‘final resolution’ ang mga ito.

At bagaman nga hindi pa natin nakikita ang ‘summary’ ng BoC hinggil sa isyung ito na “agaran” umanong ipinadala ni Comm. Jagger Guerrero kay DoF secretary, Carlos Dominguez, naniniwala tayo na ang malaking bulto nang nabanggit na P392.8 bilyon ay may kinalaman sa hindi-na-matuloy’ na ‘computer modernization project’ ng Aduana.

Eh, paano ba naman maitutuloy ang “modernisasyon” ng ‘computer system’ ng BoC samantalang sa tuwing matatapos ang ‘bidding,’ palagi na lang sa korte bumabagsak dahil palaging may nagrereklamo at humihingi ng ‘TRO’ (temporary restraining order) upang hindi maituloy ang proyekto, hehehe, ayy, huhuhu!

At dahil “natengga” na naman dahil na rin sa “tulong” ng mga korte, “tuloy ang ligaya” ng mga pribadong ‘service provider’ ng Aduana -- kasehodang ‘Jurassic era’ pa ang ‘computer hardware’ ng ahensiya at sadyang kailangan nang mapalitan.

At siyempre pa rin, sa ganitong sitwasyon, “mananatili sa libro” ng BoC ang mga ‘negative findings’ ng CoA.

Eh sino ba itong mga ‘anti-progress’ at ‘anti-development’ na mga grupo sa Aduana na patuloy ang pakinabang sa “bulok” na ‘computer system’ ng ahensiya?

Bagaman nga papunta pa lang sa dalawang buwan bilang customs commissioner si Comm. Jagger, naniniwala tayong “kilala” na niya ang mga ito, hindi ba, mga kabayan?

Hindi naman kasi mahirap malaman kung “sino” dahil ang tatlo sa kanila ay dati na ring, mga customs commissioner, ahahay!

Ang ‘friendly advise’ naman natin kay Comm. Jagger, ipatawag niya itong mga nauna sa kanya sa puwesto bilang ‘Customs commissioner’ at “boldyakin” na nang tuluyan.

Eh, mistula na kasing mga “linta” itong mga ito na nabubuhay sa “pagsipsip” ng “dugo” sa “katawan” ng BoC computer system. At pagkatapos kung makapostura kayo sa publiko, iisipin ng mga walang alam sa “raket” ninyo, “wagas” at “dalisay” ang mga pagkatao  ninyo, hehehe!

‘Enough already,’ mga Bosing!

Ngayong Pasko, harinawang “tubuan” naman kayo ng “konsensiya,” hane?

Magbago na kayo, mga Bosing dahil sa totoo lang? “Peke” ang pagiging “makabayan” ninyo, pramis!

Abangan!