Ninja cops

September 30, 2019

PALAGI  kong sinasabi na kahit isa o dalawang pulis lang ang maging walanghiya, magdudulot na ito ng matinding pinsala sa komunidad.

Sila iyong armado, sila iyong awtoridad, sila iyong  may lisensiyang manghuli at pumatay kung kinakailangan.

Kaya nakakatakot maging salbahe ang isang taong may mandato ng batas.

Isipin nating mabuti ang peligro ng mga ninja cops na sinasabing sangkot sa agaw-bato, recycling ng mga shabu evidence at nagbabangketa ng mga nahuhuli nilang drug suspects.

Hindi pa masyadong delikado iyong pamemera nila sa mga naaresto bagama’t sukdulan ito ng kasamaan, ang matindi rito ay iyong sila mismo ang nagpapakalat ng illegal drugs!

Paano ba nila nasisikmura na habang ang estado ay inililigtas
ng Pangulong Duterte sa kuko ng droga, sila namang mga ninja cops ang sumasalungat sa kampanya.

Iyon bang mga pinagbentahan ng recycled drugs ang ibinibuhay nila sa kanilang mga pamilya? Iyon ba mismong pinagbilhan ng droga ang ipinambibili nila ng gatas para may madede ang kanilang anak o apo?

Alam ba nila kung ilang bata at matanda na ang ni-rape at pinatay ng mga nabentahan nila ng droga?

Wala nang dahilan para maging walanghiya ang isang kabo o iyong pulis na nasa lowest rank at one star general dahil sa laki ng kanilang suweldo.

Masyado nang ginawang VIP ng Duterte administration ang mga pulis para hindi na sila maging mga kriminal. Pero kung patuloy na nagkakaroon ng mga pusakal na pulis gaya ng mga ninja cops, anong klaseng mga dugo mayroon sila?

Kung talagang gagamitin lamang ng mga pulis sa tama ang kanilang kapangyarihan, naniniwala ako na aayos ang ating bansa. Napakasarap pa naman ng pakiramdam kapag sa iyong kamay nakasalalay ang kaligtasan ng iyong kapwa at ito ay tinutupad mo ayon sa iyong mandato.

Sa mga susunod na araw, papangalanan na pala ni Pangulong Duterte ang mga ninja cops. Sana lang buhay pa kayo sa mga oras na malantad sa publiko ang inyong mga kawalanghiyaan.

Ipaskil pa sana ang kanilang mga larawan sa plaza para maging babala sa iba lang parak na nagtatangkang pumasok sa sindikato ng droga.
allanpunglo@gmail.com