No. 1 sa fund raising

NAAAWA tayo kay Isko Moreno. Palagi siyang may propaganda na number one sa lahat ng survey sa mayoralty sa Maynila pero mukhang siya lang ang naniniwala.

Nito lang isang linggo, mayroon na naman siyang gimik, number one daw siya.

Kinabukasan, nabalitaan na lang natin may fund raising event pala sa Century seafood restaurant sa Harrison Plaza.

Ang alam ko kapag totoong top choice ang isang kandidato, hindi niya kailangan ng fund raising events.

Katulad noong lumilipad na ang popularidad ni Mayor Rody Duterte, lahat ng Taipan, mga tycoons at mga business mogul ay kusang dumarating sa bahay nila para magbigay ng campaign contributions. Palibhasa’y matinong pulitiko si Mayor Rody, hindi niya tinanggap ang mga pondo dahil ayaw niyang magkautang na loob sa mga negosyante.

Pero ang tropang Isko, kakaiba, peke pa lang ang pagiging number one, dami na nilang  gimik.

Kunsabagay, wala namang masama sa fund raising dahil kahit sa nga first world country ay ginagawa ng mga kandidato yan.

Minsan, iyong political consultant niyang Publicus ang naglabas ng survey na top choice daw si Isko. Nang magsagawa kami ng research, 35 lang pala ang respondents.

Kailan lang, ang mga propagandista ni Isko ay naglabas naman sa Facebook ng Pulse Asia survey na number one na naman siya.

Kinabukasan, umuusok sa galit si Pulse Asia Executive Director Anna Marie Tabunda at pinabubulaanan sa mga radio interviews na may Feb 1-7 survey sila sa Maynila.

Noong December 2018 naman, mayroon ding gimik ang tropang Isko, number one din sila sa SWS survey naman. Ang petsa ng survey ay December 21 to 26, 2018. Nang i-verify sa SWS, sinabi nilang wala pa sa kasaysayan ng survey company na nagsagawa ng survey sa araw ng Pasko!

Hindi ko alam kung sino ang grupong nakuha ni Isko para makaisip ng ganitong mga gimik.

Sa pinakahuling survey na naman daw na ginawa ng mga taga-Palawan, number one na naman daw si Isko.

Hindi ko lang alam kung nagkaroon din ng fund raising event sa Puerto Princesa!

Ang maipapayo ko lang sa PR group ni Isko, pagsikapan muna nilang talunin si former Manila Mayor Alfredo Lim bago si Mayor Erap.

Batay sa mga legitimate surveys, research and data, ang No. 2 ay si Lim at 3rd lang si Isko.

Si Mayor Estrada ang lumilitaw na No. 1 sa lahat ng legitimate surveys pero ang nakapagtataka, wala namang fund raising event na ginagawa ang kanilang kampo.

Kunsabagay, ang kagandahan sa eleksiyon, local man o national, may mga kandidato na kahit matalo sa eleksiyon, marami namang donasyon na naipon!

Lalo na iyong  mga No. 1 sa fund raising event!
allanpunglo@gmail.com