Home>Editorial>Opinion>NPC, ‘Proud and ccc @ 68!’

NPC, ‘Proud and ccc @ 68!’

NAGSIMULA na ang linggo para sa pagdiriwang sa ika-68 taong anibersaryo ng National Press Club.

At kahapon, araw ng Lunes at kasehodang may bagyo, isinagawa natin ang isang feeding program tulad nang ating nabanggit noong nakaraang linggo.

Partikular na nakinabang sa aktibidad na ito ang ating mga kababayan sa Intramuros, Manila kung nasaan ang ating makasaysayang gusali.

Sapul nang magkaroon ng ‘lockdown’ noong Marso dahil sa COVID-19, natutuwa tayo na apat na beses nakapaglunsad ng ‘feeding program’ ang ating samahan kung saan, sa kabuuan ay umabot sa halos 6,000 katao ang ating natulungan.

Muli, nais nating lubos na pasalamatan si dating Candaba, Pampanga mayor, Engr. Boy Baylon sa kaniyang ipinadalang donasyon sa NPC nitong araw ng Sabado.

Ang donasyon niyang ‘200 dressed chickens, 3,600 piraso ng itlog at 20 sako ng bigas ang mga “sangkap” na inihanda natin kahapon para sa halos 2,000 katao na “dumagsa” sa NPC kahit pa nga masama ang lagay ng panahon.

Nais din nating pasalamatan ang lahat ng mga opisyal at miyembro ng NPC na dumating at tumulong upang maging matagumpay ang nasabing feeding program.

Binabasa naman ninyo ito, dear readers, ay naghihintay tayo ng “abiso” mula sa tanggapan ni Supreme Court Chief Justice Diosdado M. Peralta para sa ‘oath-taking’ ng mga opisyal ng NPC.

Mainam kasing magdiwang tayo ng ating anibersaryo na may “basbas” ang mandato ng NPC Interim Board.

Sa anib naman ng NPC ngayong darating na Huwebes, Oktubre 29, bagaman simple ay gagawin pa rin nating makabuluhan ang okasyon.

Simple” ang ating pagdiriwang dahil patuloy pa rin ang pandemya kung saan “bawal” pa rin ang mga malakihang pagtitipon para na rin sa ikabubuti ng lahat.

Ang pananatili ng pandemya ang dahilan kung bakit hindi natuloy ang ating eleksiyon ngayong taon sa kabila nang ilang ulit natin itong ini-reschedule subalit talagang hindi tayo napagbigyan ng pagkakataon. Kaya tayo ay nagdesisyon na magkaroon na lamang muna ng Interim Board para sa taong ito.

Para naman sa Huwebes, “ibabalik” ng NPC ang pasasalamat sa mga grupo at indibidwal na tumulong sa ating samahan upang maibsan ang matinding kahirapan na dinanas nating lahat sa higit tatlong buwan na lockdown kung saan marami ang nawalan ng trabaho at nagutom.

Isang makabuluhang programa ang ating inihanda para sa kanila.

Hindi lahat ng organisasyon ay umabot sa ganitong edad na 68 years old kaya naman ipinagmamalaki nating ipagdiwang ito bilang isa sa pinakamatandang organisasyon ng mga mamamahayag sa Pilipinas.

Kaya nga itong ating slogan na “Strong and Proud @ 68” ay “sakto” lang sa ganitong panahon.

Nananatili tayong matatag sa kabila ng mga suliranin at ipinagmamalaki natin ang ating mga nasimulan at nagawa sa muling pagbibigay ng malinis at tapat na pamamahala sa NPC.

***

Para naman sa mga barumbado, mga ogags at mga wala nang ginawa kundi patuloy na wasakin ang NPC at mga opisyal nito sa social media, aba’y patuloy kayong mamatay sa inggit, mga hindoropot!

Kung noong una, Louie Logarta, Vilma Manzo, Pat Sigue, Percy Lapid at iba pang mga katulad ninyo, ay “todo-pasa” lang kami sa walang puknat na banat ninyo laban sa NPC at mga opisyal nito sa social media, eh, palaging tandaan na ang lahat ay may hanggganan, hane?

Sabagay, kilala ko naman kayong lahat—at kilala rin ninyo ako, hindi ba?

Hindi magtatagal, magkikita-kita rin tayo ulit. At tingnan natin kung talagang matatapang kayo—bukod sa inyong tapang ng hiya.
Abangan!

Publication Source :    People's Tonight