Home>Editorial>Opinion>NPD director simple lang, walang kahambugan

NPD director simple lang, walang kahambugan

ISA na siguro si Northern Police District (NPD) Director P/Brig. Gen. Ronaldo Genaro Ylagan sa mga naging director ng NPD ang hindi mahilig magpa-pogi at walang kahambugan, hindi tulad ng ilan maangas na nga, mahilig pa sa publisidad.

Hindi naman maikakaila na maraming accomplishments ang NPD sa panahon ng panunungkulan ni Brig. Gen. Ylagan, hindi lang sa paglutas ng mga naganap na krimen, kundi higit sa lahat ang paglaban sa ilegal na droga pero kahit minsan yata ay hindi niya ipinagyabang ito at sa halip, ang mga opisyal na nasa ilalim ng kanyang pamumuno ang hinahayaan niyang maging bida.

Maging noong nakaupo pa sa National Capital Region Police Office (NCRPO) si Philippine National Police (PNP) chief Gen. Debold Sinas, ang mga chief of police ng mga lungsod na kanyang nasasakupan ang hinahayaan niyang mag-ulat sa publiko ng kanilang mga accomplishments sa mga press briefings ng NCRPO habang nakaupo at nakamasid lamang siya sa hanay ng mga district directors.

Kahit nga sa mga spot report hinggil sa matagumpay na malalaking operasyon ng NPD sa iligal na droga, madalas ay hindi niya hinahayaang mauna pa ang kanyang pangalan kina District Drug Enforcement Unit (DDEU) chief P/Capt. Ramon Aquiatan, Jr. na nangunguna sa operasyon, pati na si District Special Operation Unit (DSOU) head P/Col. Giovanni Hycenth Caliao I na siyang nagbibigay daw ng gabay kapag may malalaking operasyon.

Kung tutuusin, mas bukas pa nga si Brig. Gen. Ylagan sa pagbibigay ng impormasyon sa mga nangyayaring krimen, hindi tulad ng ilang mga chief of police na ang ipinangangalandakan lamang ay ang kanilang mga nahuhuli sa bisa ng warrant of arrest at illegal na droga.

Dito nga lang sa Caloocan City, halos araw-araw yata ay may nangyayaring shooting at stabbing incidents, murder, frustrated murder, rape at iba pang malalaking krimen pero hindi nila ibinibigay ang impormasyon sa miyembro ng media upang malaman ng publiko.

Kung may magtatanong hinggil dito, kung sinu-sino pa ang kanilang ituturo na humingi muna ng permiso kaya madalas, hindi nalalaman ng publiko na malala pa rin ang kriminalidad sa lungsod, partikular sa area ng North Caloocan.

Pero ang kagandahan, kapag itinanong kay Brig. Gen. Ylagan ang detalye hinggil sa krimen, hindi niya ito ipinagdaramot o itinatago para sa kaalaman ng publiko, kahit pa nga sa pamamagitan lamang ng pagtawag sa kanya sa cellular phone o sa kanyang social media account, hindi tulad ng ilang mga naupong NPD director na madaling lapitan pero mahirap hanapin.

Sana, maging bukas din sa pagkakaloob ng mga detalye sa media ang bagong upong hepe ng Caloocan police na si P/Col. Samuel Mina, hindi lamang sa kanilang mga nahuhuling wanted persons at drug pushers kundi maging sa hindi nalulutas na pagpatay para sa kaalaman ng publiko dahil baka makatulong pa ito upang mahuli nila ang salarin.

Clearing operation umarangkada na

Sinimulan na noong Lunes ng Metropolitan Manila Development Authority (MMDA) ang muling pagsasagawa ng clearing operation sa mga pangunahing lansangan na una ng sinuspindi bunga ng pandemya ng COVID-19.

Kung matatandaan, si Manila Mayor Isko Moreno Domagoso ang pasimuno ng paglilinis sa mga lansangan na inakala ng marami na magiging ningas-kugon lamang dahil kung sinu-sino na nga naman ang naupong alkalde sa lungsod pero sa umpisa lang napapaalis ang mga nakahambalang sa daan, partikular ang mga illegal vendors, pero kaagad ding nakakabalik at mas malala pa kesa dati.

Pero ginulat sila ni Yorme Kois dahil hanggang sa kasalukuyan, maluwag na nadaraanan ang C.M. Recto sa Divisoria na ilang dekada na ring inokupa ng mga manininda kahit pa nga natigil ang clearing operation bunga ng pandemya.

Nang simulan ni Yorme ang clearing operation, naging bahagi na ito ng kautusan ng Pangulong Duterte sa Department of Interior and Local Government (DILG) upang maipatupad sa buong bansa.

Ngayon nga, muling naglabas ng memorandum ang DILG sa lahat ng mga lokal na pinuno ng lungsod at munisipalidad upang ituloy ang clearing operation at nagbigay pa ng taning ng hanggang Enero 15 sa susunod na taon.

Ang tanong ng marami, maisasakatuparan kaya ito ng ilang mga lokal na pamahalaan sa Metro Manila gayung may ilang mga lungsod na hindi maikakailang nakikinabang ng malaki sa mga umookupa sa lansangan, partikular na rito ang mga sidewalk vendors?

Sa ngayon kasing panahon ng pandemya, ang tanging nagagatasan lamang ng mga tiwaling police at local officials ay ang ilang mga operators ng iligal na sugal na lotteng, jueteng, Easy 2 at iba pang sugal na hindi lantad sa paglabag sa social distancing kaya’t pinapayagan nilang mamayagpag ang illegal vendors dahil mas malaki ang hatag ng mga ito.

Kung accomplishments naman laban sa iligal na sugal, marami rin nito ang kapulisan dahil nakakahuli sila ng nagka-cara y cruz, nagto tong-its, nagpu-pusoy at nagpapa-tupada pero wala silang hinuhuling kubrador o operator ng lotteng, jueteng, Easy 2 at iba pang kahalintulad nito.

Siguro naman, hindi maililihim ang ganitong kostumbre ng ilang tiwaling pulis sa nakaupo ngayon na si NCRPO chief P/Brig. Gen. Vicente Danao dahil isa ring magaling na intelligence officer ang naturang opisyal.

Sa puna at reaksiyon, mag-email lang sa eddreyes2006@yahoo.com o mag-text sa 0923-3478363

Publication Source :    People's Tonight