Nursing homes sa bawat lungsod!

GUSTO ko itong panukala ni Senador Sherwin ‘Win’ Gatchalian – ang magkaroon ng nursing homes para sa mga napabayaan at inabandonang matatanda sa bawat lungsod at munisipalidad.

Sa Senate Bill No. 737 o proposed “Homes for the Abandoned Seniors Act of 2019,” bukod sa magsisilbing tahanan ang mga itatayong nursing homes, pagkakalooban sila ng pagkain, damit, medical and health care at recreational and social interaction activities.

Noong 2012, sa pangunguna ni Gatchalian, itinayo sa Valenzuela ang “Bahay Kalinga” o House of Care kung saan nananatili ngayon ang 25 homeless o abandoned senior citizens.

Kung tama ang ating impormasyon, Valenzuela lamang ang LGU’s na mayroon nito sa buong Pilipinas.

“Unlike western societies, Filipinos choose to take care of their elders themselves in their homes as a sign of gratitude and respect,” saad ni Gatchalian.

Sinabi ni Gatchalian na tumataas na rin ang bilang ng mga abandonado at napapabayaang matatanda dahil sa ageing population.

Sa inisyal na pagtaya, aabot na sa 14 milyon senior citizens  ngayong taong 2020. Halos 8.2 percent sa 109 milyon kabuuang populasyon ng bansa.

At 90 porsiyento sa kanila ang hindi naaalagaan nang husto.

Totoong malayo pa tayo sa kultura ng mga banyaga patungkol sa ‘nursing homes.’ Bahagi na kasi ng kagandahang asal sa ating pamilya ang pangangalaga sa ating magulang at mga nakatatanda.

Pero aminin  o hindi, marami na rin sa atin ang pinapabayaan ang kanilang magulang, lolo at lola. Lalo na iyong mga sobrang hirap sa buhay na madalas ay sila pa ang napagbubuntunan ng init ng ulo dahil sa matindi nating frustration bunsod na rin ng kahirapan.

Sa kasalukuyan, may 125 ‘nursing homes’ sa Pilipinas.

Sa bilang na ito, anim lamang ang pagmamay-ari ng pamahalaan – ang Golden Reception and Action Center for the Elderly and Other Special Cases (GRACES), Home for the Elderly sa Bago Bantay, Quezon City at Haven for Elderly sa Tanay. Rizal na parehong pinangangasiwaan ng DSWD. Ang Department of Neurosciences ng UP-PGH; ang National Center for Mental Health sa Mandaluyong City; Ang Home for the Aged sa Tagum, Davao del Norte at siyempre ang Bahay Kalinga sa Valenzuela City.

May 66 privately-owned nursing homes sa Pilipinas at may 51 naman ang minamantini ng iba’t ibang non-government organizations (NGOs).

Malaking bagay ang mga nursing home dahil bukod sa makahahanap ng ‘ikalawang tahanan’ ang mga pinabayaang senior citizens, kagyat na matutugunan ang kanilang pangangailangan mula sa pangangalaga sa kanilang kalusugan, paglilibangan sa produktibong pamamaraan.  Lalo na iyong mga matatandang may sakit na sa kalimot o tinatawag na ‘alzheimer’s’ at nangangailangan ng ‘dementia care.’

Bilib tayo kay Senator Win sa naisip niyang panukalang batas na ito.

Sa dinami-rami ng ating mambabatas, iyong binata pang senador ang nagpupursigi ngayon para alagaan ang mga nakatatanda nating kababayan.

Sa panukala ni Win, dapat ang mga itatayong nursing homes ng bawat LGU ay may komportableng tulugan; sapat na pagkain at damit; medical consultation at gamot; health care; occupational opportunities; recreational and social interaction activities; counseling; case conference; family dialogue; outreach to existing family for reintegration; literacy education; at productivity development.

Sa ganang akin, maaaring ‘mission imposible’ ang panukala na nursing home sa bawat LGUs dahil sa kasalukuyan, nasa 1,490 ang munisipalidad sa Pilipinas.

Puwede sigurong magkaroon na lang muna sa 144 cities sa kabuuang 86 probinsiya mula sa 17 kabuuang rehiyon sa Pilipinas.

Mahirap biglain ang bawat LGUs na magkaroon ng ganitong proyekto tapos wala namang sapat na pondo at mapapabayaan lamang ang mga itatayong nursing home.

Dapat, ang panukalang ito ay kasama na sa isinusulong  na ‘Expanded Senior Citizens Act.’  Dapat din tiyakin ng estado ang tamang kaalaman, trainings, pagsasanay at maayos na suweldo para naman sa mga nurses at health care aid; gayundin ang mga doctor na itatalaga sa mga nursing home.

Kahit kasi anong ganda ng programa, kung wala namang tamang pondo at wagas na pagbibigay ng suweldo at benepisyo sa mga taong magtatrabaho rito, mapipilay lamang ang operasyon nito, gayundin ang kwalidad sa pagbibigay ng serbisyo.

Harinawa’y makakuha ng suporta si Senator Win mula sa Mataas at Mababang Kapulungan ng Kongreso para na rin sa kapakanan ng mga pinabababayaang senior citizens sa bansa.