Okada scandal: Nasaan ang delicadeza ni Secretary Guevarra?

January 07, 2019

MARAMING dapat ipaliwanag si Justice Secretary Menardo Guevarra sa kaso na isinampa ng DoJ laban  sa original, legitimate at absolute owner ng Okada Manila na si Chairman Kazuo Okada.

Ang update dito, ipinaaaresto ni Parañaque RTC 257 Judge Rolando How si Okada dahil sa US$3 million na sinasabing nilustay nito habang siya pa ang namumuno sa casino.

Una, kailangang malinaw na si Kazuo ang namuhunan at ang tunay na may-ari ng casino. Kaya nga Okada Manila ang pangalan.

Pangalawa, kung mayroon mang dapat nagpapatakbo at namamahala ng casino na yan, walang iba kung hindi si Okada dahil pera niya ang ginamit sa lahat mula sa pako hanggang sa buong building.

Ngayon, si Okada ang may kaso, si Okada ang inalis sa pagiging chairman ng sarili niyang casino at si Okada rin ang nawala sa posisyon. Kung ano ang nangyari sa loob ng management, sila lang ang nakakaalam.

Pero ang buod ng lahat ng ito ay pang-aagaw sa kompanya na pag-aari ni Okada.

Ngayon, balik tayo kay Secretary Guevarra. Bago pa siya naging kalihim, nadismis na ang lahat ng kaso ng estafa laban kay Okada. Hindi ko naman alam kung anong himala ng langit at lupa ang lumukob sa isyu dahil biglang binuhay ng DoJ ang kaso  laban sa Japanese tycoon gayong matagal na itong nadismis.

Hindi natin alam na bumubuhay pala ng bangkay si Guevarra.

Ang tanong, kapag tinanggal natin ang piring ng hustisya sa estatwa ng Lady Justice, makakatingin ba si Guevarra nang mata sa mata at sabihin niyang walang bahid ng anumang  conflict at personal interest ang desisyon niyang buhayin ang kaso laban sa lehitimong may-ari ng Okada Manila?

Tanong, Justice Secretary Menardo Guevarra, wala bang kinalaman ang inyong desisyon laban kay Chairman Okada sa appointment ng anak mo sa Okada Manila?

Ayon sa ating source, nagsimula lang naman ang pagbuhay sa kaso ni Okada matapos ma-hire ang anak ni Secretary Guevarra bilang assistant director for Risk Management ng Okada Manila na ang monthly salary ay hindi bababa sa P400K.

Ngayon, masasabi ba ni secretary na malinis ang kanyang konsensiya at walang bahid ng anumang interest ang pagbuhay nila ng kaso laban sa lehitimong may-ari ng Okada Manila?

Malinaw na palusot lamang ni secretary ang sinasabi niyang mas nauna ang employment ng anak niya sa pagkakatalaga sa kanya ni Pangulong Duterte bilang kalihim.

Sige for the sake of argument, patulan natin ang palusot ni secretary, hindi ba’t mas lalong dapat ay hindi niya pinanghimasukan ang kaso dahil nga nakikinabang ang anak niya sa isang partido ng usaping ito?

Mr. Kalihim, hindi puwedeng maghiwalay ang conflict of interest at ang  pagiging Okada director ng anak mong  si Jay Meynard Guevarra dahil magkataling puso kayo!

Ngayon, si Okada na ang target ng warrant of arrest dahil sa binuhay na kaso ng Justice department. Isipin mo nga naman, iyong investor at lawful proprietor ang nagtatago habang ang mga walang ginastos kahit singko ay pakuya-kuyakoy lang.

Inagawan na nga ng kompanya, nabiktima pa ng hindi parehas na sistema sa Padre Faura.

Kung hindi tinatablan ng delicadeza si Secretary Guevarra, aba’y malaki ang problema ng sistema ng ating hustisya!

* * *

Para sa balanseng panulat, may nauna nang pahayag si Secretary Guevarra na pinabubulaanan ang conflict of interest.

Sa pamamagitan ni DoJ spokesperson, Undersecretary Markk L. Perete, sinabi nitong walang basehan ang alegasyon laban sa kalihim.

Binigyang-diin ni Perete na hiwalay ang National Prosecutor’s Office at ang tanggapan ni Secretary Guevarra kaya wala umano itong kinalaman sa desisyon laban kay Okada.

allanpunglo@gmail.com