One direction

March 26, 2020

IWASAN na lang ni Sen. Koko Pimentel na magpaliwanag ukol sa kanyang paglabag sa enhanced community quarantine dahil lalu siyang mababaon sa kumunoy.

Mainam pa nga kung humingi na lang siya ng patawad sa publiko at sa mga otoridad sa halip na magpalusot sa isyu na pinagpipiyestahan ngayon sa social media.

Malabong dipensa ang pagiging sabik na ama kaya niya sinamahan ang manganganak na asawa sa Makati Medical Center kahit pa COVID-19 positive siya.

Ang problema ay mismong pamunuan ng Makati Med ang tumuligsa sa pagkakamali ni Pimentel. Natural, hindi ito pinaligtas ng publiko na abot-langit naman ang suporta sa mga health workers.

Sorry ka na lang Koko dahil mga bayani ang turing ngayon sa mga health workers na nasa frontline laban sa COVID -19.

Hindi papayag ang publiko na pagbigyan ang iyong pagkasabik bilang ama sa panahon na nagkukulong ang lahat ng Pilipino sa kanilang mga tahanan para sa kaligtasan ng lahat.

**

Epektibo lamang ang mga hakbang ng Inter-agency Task  Force on Emerging Infectious Disease o ITFEID kung naipapatupad ang mga ito sa local government units o LGUs.

May mga ulat na hindi nagagawa sa LGUs ang mga polisiya na inilatag ng ITFEID laban sa COVID- 19.

Partikular dito ang mga reklamo sa mga checkpoint ng LGUs kung saan hindi umano pinapalusot ang mga trak na may kargang  pagkain.

Malinaw sa kautusan ng ITFEID sa mga LGU na payagan dumaan sa kanilang mga lugar ang mga truck na magdadala ng mga pagkain sa Metro Manila upang hindi magkaroon ng pagkululang sa suplay.

Dahil sa problemang ito, nadidiskaril ang pagtugon ng gobyerno sa krisis at nabubutasan ang kampanya ng pamahalaan upang mapanatili ang kaayusan sa Metro Manila.

Ang dapat iwasan ng ITFEID ay ang mawalan ng kumpiyansa sa gobyerno ang publiko na siyang magdudulot ng kaguluhan tulad  ng ‘looting’ sa mga supermarket na nagaganap na ngayon sa ibang bansa.

Kaya ngayon pa lang ay dapat nang siguruhin ng ITFEID na iisa ang direksiyon nito at ng mga LGUs.

**

Hindi pa tayo nangangalahati sa isang buwang pagpapatupad ng Enhanced Commnity Quarantine ngunit karamihan sa ating mga kababayan ay gustog nang lumabas ng kani-kanilang mga bahay.

Ang masama, imbes na bumaba ang bilang ng mga kaso at mga namamatay sa COVID- 19 sa bansa ay lalo pa itong tumataas kada araw.

May mga nabubuong hinala tuloy na hindi lang isang buwan ang lockdown sa Metro Manila kundi higit pa.

Dahil dito, nararapat lamang na maging tapat ang pamahalaan sa publiko sa tunay na kalagayang ng bansa upang matukoy ang mga nararapat na paghahanda.

Mahirap mabigla ang mga mamamayan sa mas kumakalat na CoVid 19 at mas mahabang lockdown na pihadong may mas mabigat na epekto sa trabaho, suplay ng pagkain, public health system at pamunuan ng gobyerno.

Ngayon pa lang ay magtapatan na ang gobyerno at mga mamamayan upang mapagtulungan ang mga solusyon sa mga darating pang suliranin.

Ang tamang impormasyon sa publiko ang siyang magbibigay ng tumpak na perspektibo sa ating katayuan nang sa gayun ay malaman natin ang mga susunod na hakbang tulad ng mas ibayong pag-iingat, pagtitipid at paghahanap ng ibang paraan ng hanapbuhay.

**

For comments, please call or text 09569012811 or email lastmohican2004@yahoo.com