One-way EDSA?

September 01, 2019

Dahil sa krisis-trapik hindi lang naman sa EDSA, maraming Pilipino ang pinagagana nang husto ang kanilang mga isip upang magkaroon ng kalutasan ang krisis na ito.

Kailan lang ay isang Inhinyero ang nagmungkahi na gawin na lang one-way ang  daloy ng trapiko sa EDSA at ‘umano’y kasama na ang C-5

May sumang-ayon, may pumula at may nag-iisip pa hanggang ngayon.

Krisis na rin ang trapik sa  C-5. Higit kong pinipili ang EDSA kung pauwi ako sa halip na C-5. May kaunting luwag ito dahil sa walang mga traffic light sa kahabaan nito.

Umabot na ang ganitong pag-iisip ng one-way sa paglutas sa krisis-trapik dahil palubha nang palubha ang problemang ito. Maraming Pilipino ang ayaw nang lumayo nang kanilang mga tahanan kundi rin lang importante amg gagawin.

Sa pagsabak sa trapik nang  tatlo hanggang limang oras sa EDSA o C-5, pagod ang katawan ng mga kawani ng pampubliko at pribadong tanggapan. Kaya madalas hindi na maganda ang kanilang pagtatrabaho. Masama na ang pakiramdam nila pagdating sa kanilang mga opisina.
    Kawawa rin ang mga mag-aaral na nakikibaka sa araw-araw sa trapik. Mag-aaral na sa paaralan at sa kanilang bahay din upang gawin ang mga homework. Higit na mahirap ang buhay ng mga working student. Nagtatrabaho sa umaga, nag-aaral sa gabi.

Dinanas ko ang hirap ng ganitong buhay mag-aaral. Magmimiryenda lang sa hapon paglabas ng trabaho at ikasampu o ikalabing-isa na nang hapon ang oras ng hapunan.

Pagal ang katawan, puyat at kumakalam ang sikmura. Hindi naman puwedeng laging magmimiryenda at kulang na ang pera. Ang masaklap, tuwing-tagulan at may habagat, tiyak na baha ang mga kalsada. Walang masakyan, maglalakad mula Maynila patungong Caloocan, o Quezon City patungong Tundo.

Pagdating ng bahay, may sinat na ang pakiramdam. Basa at pagal ang katawan. Naranasan ko ito noon maraming taon na ang nakaraan. Paano na ngayon? Ganoon pa rin. Apat na doble nga lang ang trapik!

Kaya ang dinanas ko noon ay dinadanas pa rin ngayon ng marami. Kaya suwerte ang mga Pilipinong malapit lang ang bahay sa kanilang mga pinapasukang trabaho o paaralan. Ngunit ang mga nakatira sa malayo, kahabag-habag sila.

Kung pag-aaralan nang husto ng mga eksperto ang mungkahing gawing one-way ang EDSA at C-5, bakit hindi kung makababawas ito sa hirap ng maraming mga Pilipino.

Ngunit hindi pa rin ito ang solusyon. Matagal ko nang sinasabi at isinusulat na magkaroon muna ng moratorium sa pag-import ng lahat ng uri ng mga sasakyan. Volume ng mga sasakyan ang problema sa Metro Manila at mga lunsod sa mga lalawigan. Kulang-500,000 na sasakyan ang pumapasok sa bansa  taon-taon o baka nga higit pa at hindi naman nadadagdagan ang mga kalsada.

Kasabay nito ay paghusayin ang mass transport. Hindi ‘yung tumitirik na lang bigla at maglalakad ang mga pasahero ng tatlong kilometro sa ilalim ng init ng araw o kaya’y malakas na ulan!

Sa ngayon ang paggawa ng mga mass transport system na ito ang lalong nagpalubha sa daloy ng trapiko sa Metro Manila. Hanga lang ako sa tatag at pasensya ng mga Pilipino at sinusuong pa rin araw-araw ang ganitong buhay.

Ngunit maraming bilang din ng mga Pilipino ang pinipili nang mangibang-bansa upang doon na makipagsapalaran, magtrabaho at manirahan. Gusto nilang maging masaya ang kanilang buhay hanggang sa pagtanda nila. Ayaw nilang araw-araw silang nabubuwisit sa Pilipinas.                     (bangonkalikasan@yahoo.com)