Home>Editorial>Opinion>Online learning sa New Normal ng Edukasyon

Online learning sa New Normal ng Edukasyon

GRABE ang epekto ng COVID-19 pandemic sa larangan ng edukasyon sa buong mundo at ang anyo ng bagong normal sa edukasyon ay malayong malayo sa dating normal. Sa ayaw man  o sa gusto ng  mga  titser, magulang, estudyante at mga opisyales ng Kagawaran  ng Edukasyon, CHED at Tesda,  mas dadalas at magiging pangunahing pamamaraan sa paghahatid ng karunungan  ang  “online learning” na  dati’y madalang gamitin.

Hindi na uubra ang  dating normal na tanging sa silid paaralan lang maghaharap ang guro at mga estudyante upang maganap ang edukasyon. Ang online learning ay gumagamit ng teknolohiya na mag-uugnay at maghaharap  sa  dalawa sa pagsasalin ng karunungan at kasanayan, at sa tagisan at palitan ng kuro-kuro.

Sinabi ni Cathy Li ng World Economic Forum, na mas epektibo ang online learning kesa sa pag-aaral sa loob ng silid paaralan.

Mas natatandaan ng estudyante ang 25-60% ng kanilang natutuhan online kumpara sa  8-10% lang kung sa silid-paaralan ito itinuro. 40-60% ang nababawas na oras para matutuhan ng bata ang isang aralin sa online learning. Ito raw ay dahil kayang balik-balikan ng bata ang aralin, puedeng lumaktaw at umabante sa ibang konsepto batay sa sariling kakayanan ng bata. Hindi nababagot ang bata  sa bagal ng pagtuturo ng titser sa silid paaralan.

May distance o remote learning  kung saan mananatili sa bahay ang mga estudyante upang aralin ang mga learning modules na ipapadala sa kanila ng titser gamit ang teknolohiya tulad ng email, viber, telegram, at FB PM. Maaari din  bahay bahayin ng titser ang paghahatid ng mga modules na ito.  Maaari din gumamit ng TV at Radio learning broadcast upang  maihatid ang aralin sa mga bata. Sa Inglatera, mga sikat na atleta  at artista ang kanilang isinama dito para mahikayat ang estudyante na manood at makinig sa mga  learning broadcasts. Pagkaraan nito, maaaring mag video conference o virtual meeting o di kaya bibisita ang titser sa bahay ng estudyante para magkaroon ng “one on one” sa estudyante.

May “blended learning” o pinaghalong online at  distance learning. Mayroon din “flipped classroom” , isang uri ng blended learning kung saan manonood ang mga estudyante sa online lecture, magbabasa ng mga itinakdang aralin, may video chat ang mga magkaklase upang talakayin ang aralin o magtulong-tulong sa pagsasaliksik sa internet ng mga materyales na kailangan upang lalong luminaw, lumawak at lumalim ang kanilang pagkaunawa sa mga konsepto na tinatalakay ng titser.

Sa isang napanood kong video sa epekto ng  online learning sa Wuhan sa panahon ng pandemic, isang 10 taon gulang na bata ay nag-online sa takdang oras, tumayo sa harap ng monitor at sumaludo habang kinakanta ang kanilang pambansang awit. Mayroon din ilang minuto ng calisthenics at sumusunod ang bata sa mga kilos ng titser sa monitor. May ilang saglit na  pahinga bago mag umpisa sa aralin ng araw na iyon at sumagot sa mga tanong sa learning modules na hawak niya. Ang bata ay  nagsabing malungkot mag-aral mag-isa dahil wala siyang makausap.   Mas gusto pa niya pumasok sa paaralan para  magkita ng mga kaklase at makapaglaro pagkatapos ng klase. Ang nanay naman ng bata ay nangangamba sa kalusugan ng  tumatabang anak  na isang swimmer dahil kulang  ito sa ehersisyo.

Mayroon  dalawang puna ang mga nangangamba na hindi magtatagumpay ang online learning sa Pilipinas:  una, mabagal ang internet sa Pilipinas, at pangalawa, maiiwanan ang mga mahihirap sa bagong normal sa edukasyon.

Nakakahiya ang kupad ng mobile internet download speed ng Pilipinas sa 15.06 megabits per second (Mbps) para sa taong 2019. Ang global average speed ay 26.12 Mbps. Daig pa tayo ng Zimbabwe (15.2 Mbps) at Syria (19.48 mbps). Pang 103rd  sa 139 bansa ang ating  rango. Ang DepEd, CHED, Tesda at DICT ay kailangan magsanib puwersa para pigain ang mga Telecom carriers na palakasin ang internet connectivity infrastructure ng Pilipinas. Free WiFi at libo-libo pang mga cloud servers ang kailangan upang ang mahihirap na estudyante ay hindi na kailangan pang magpaload ng kanilang mobile device para makapag online at  magkasya ang napakalaking bulto ng data na kailangan idownload at upload.

Kailangan maglaan ng pondo ang pamahalaan, nasyonal at lokal, sa pagbili ng mga desktop, laptop, at mobile devices para sa estudyante at mga guro. Dagdag pa rito ang paglalaan ng pondo para sa training ng titser sa pagsasalin ng kanilang ituturo sa digital format at kung paano gumamit ng mga devices para mag upload ng mga aralin na ginawa nila. Ang lesson na pang isang oras sa silid paaralan ay kailangan kinisin upang magkasya sa loob ng 15- 30 minuto lamang sapagkat ito ang pinaka epektibong online session, ayon sa University of Peking.

Ayon kay Antonio Contreras (Manila Times, Mayo 7,2020), noong 2017, 80% ng mga Pilipino na ang edad ay 18-24 ay nakakapag-online.  Sinabi ni Contreras na malaking hamon paano mabubuksan  ang isipan ng  age group na  ito na  ang internet ay tagapaghatid din  ng edukasyon  at hindi lamang  ito kasangkapan ng libangan, aliwan ,at pakikipag ugnayan sa mga FB friends at mga followers nila. Minungkahi niya na pagsamahin ang edukasyon at libangan sa pagdisenyo ng mga programa sa online  at ofline learning sapagkat “learning should be fun”.

Sabi ni Alfred Mercier,  dapat maging masayang karanasan ang pag-aaral upang hindi makalimutan ng mag-aaral ang kanyang natutuhan. Kung susundin ng Dep Ed, CHED at Tesda ang mungkahi ni Contreras,  hindi  mababagot ang mga batang mag-online para mag-aral.  Ang bagong normal sa edukasyon ay dapat maging isang masayang karanasan ng  bata at titser.

Publication Source :    People's Tonight