Opisyal na nangikil ng P5 milyon

February 25, 2019

SA mga darating na araw, may isa na namang opisyal ng gobyerno ang tatadyakan ni Pangulong Duterte palabas ng palasyo ng Malacañang.

Hindi ko muna tutukuyin ang kanyang pangalan dahil kailangan ko siyang makuhanan ng panig ukol sa malaking isyu na posibleng ikatapos ng kanyang career.

Isa itong  mataas na opisyal na humingi ng P5 milyon para lang mapabilis ang proseso ng dokumento na magmumula sa kanyang opisina.

Nakuha natin ang palitan ng text messages ng opisyal at ng kanyang ginawang kolektor.

Ipinadala rin sa atin ang sworn affidavit kaya kung tutuusin ay pwede na natin siyang pangalanan. Pero ayaw nating maging instrumento ng pagkasira ng kanyang pagkatao at hindi rin nating gustong pagmulan ng pagkadismaya ng kanyang pamilya hangga’t hindi natin nakukuha ang kanyang panig.

Si opisyal ay nakatalaga sa isang dating departamento bago nailipat na maging boss sa bagong posisyon.

Sa ganitong klase ng style ni boss, hindi ako magtataka kung may iba pang lalabas na magrereklamo na naging biktima niya.

Tama ang sinasabi ni Pangulong Duterte, mahirap para sa kanya na linisin ang gobyerno kahit anong pagsisikap pa ang kanyang gawin. Ang dahilan nga na sinasabi niya, ang mismong mga tao na itinalaga niya ang mistulang anay na sumisira sa pundasyon na pinatitibay niya.

Ang balita natin, kinasuhan na si opisyal sa Makati court. Ang nagdemanda ang mismong taong ginawa niyang kolektor.

Batay sa affidavit, humingi pa ng dispensa kay Pangulong Duterte ang “bagman” dahil naging bahagi siya ng katiwalian ni opisyal.

Bagama’t hindi umano siya kumita sa transaksiyon, nakukunsensiya siya dahil wala siyang nagawa para mapigil ang makating kamay ng opisyal na kikilan ang mga taong nangangailangan ng serbisyo ng kanyang opisina.

Hihintayin nating maganap ang isang Cabinet meeting baka doon sampalin ni Presidente ang opisyal na ito. Hindi tayo sigurado kung nakarating na sa Pangulo ito.

Sino ang opisyal na ito na extortionist?

Clue, kababanggit lang ni Presidente sa opisina ni opisyal dahil batbat umano dito ng katiwalian bago magpasya.

Ang kakapal nyo!!!!

allanpunglo@gmail.com